Helga's P.O.V.
"Jason!" bungad sa amin ni Tristan. Humahangos siya palabas ng bahay, habang papasok naman kami sa gate. Kagagaling lang namin ni Jason sa pamamasyal sa mall.
"Bakit?" tanong naman
agad ni Jason.
"Pare, may kaunting problema?" mukhang nag-aalala ang mukha niya.
"Anong problema?"
"Nasa loob ang Mamang mo. Hinahanap ka."
"Ha?" Kitang-kita ko ang pamumutla ni Jason, kasabay ng pagsulyap niya sa akin.
"Hindi mo pa pala sinasabi sa kanyang may girlfriend ka na?" sabi ni Tristan. "Kaya sorry pare, nasabi ko kasi na namamasyal ka lang sandali kasama ang girlfriend mo." Kakamot-kamot na sumulyap din sa akin si Tristan. "Mukhang nagalit yata ang Mamang mo sa sinabi ko."
Hindi nakaimik si Jason. Bakas sa kanyang mukha ang sobrang kaba. Damang-dama ko naman sa paghawak niya sa akin na kinakabahan nga siya.
Hindi pa kami nakakarating sa may pintuan nang lumabas na nga roon ang isang babaeng nakabestida. Mukhang nasa edad singkwenta pataas na ito, morena, matangkad—pero mas matangkad pa rin naman ako. I assumed na ito ang tinutukoy ni Tristan na mother ni Jason dahil medyo kahawig niya ito.
"Saan ka nanggaling?" Mataray na tanong nito kay Jason habang nakapamaywang at medyo tinitingnan ako ng alanganin.
Sa hitsura pa lang, ang taray na, kaya naman napalunok na lang ako.
Omegesh! Ito ba ang posibleng magiging biyenan ko? Eh mas malala pa kay Odette Khan ang bangis ng arrive nito ah!
"Namasyal lang po sanda—" Parang nanginginig ang boses ni Jason.
Naknang! Huwag mong sabihin na takot ang lalaking ito sa nanay niya?!
"Sino 'to?" Dinuro ako.
Aba, teka... dinuro ako?!
"G-girlfriend ko po." Nakatungong sagot ni Jason na para bang takot na takot siyang sabihin ang katagang iyon.
"Girlfriend?!" Matigas na bulalas ng matandang maldita! "Nagkakandakuba kami ng Papang mo sa kakatrabaho sa bukid, at nagkakandahirap na ang ate mo sa paghahanapbuhay sa ibang bansa para makapag-aral ka, tapos babae lang naman pala ang inaatupag mo rito?!"
Aba, teka! Babae lang? Ako? Babae lang?! Kaunting tiis, Helga. Kalamayin mo ang loob mo. Huwag mong papatulan 'yan. Baka maging biyenan mo nga 'yan! (Rawr!)
"Hindi naman po Mamang, linggo la—"
"Anong hindi naman po?!" bulyaw nito kay Jason. "Kung magnonobya ka rin lang bago ka makapagtapos ay mas mabuti pang tumigil ka na sa pag-aaral. Tulungan mo na lang ang Papang mo sa bukid!"
"Mamang naman..." Kakamot-kamot na sagot ni Jason.
"Anong Mamang naman?! Mamili ka! 'Yang babaeng yan?" Sabay duro na naman sa akin, "O ang pag-aaral mo?"
"Mamang... Helga po ang pangalan niya." Nanlulumo na talaga ang itsura ni Jason. "Huwag niyo naman po akong papiliin sa dalawang bagay na parehong mahalaga sa akin."
"Mamili ka sabi! Ngayon na!"
Aba at demanding pa pala ang bruhang ito! Nakuuu! Kaunting-kaunti na lang talaga, papatulan ko na ito eh.
Kaya ko namang tiisin ang katarayan nito alang-alang kay Jason, kung hindi nga lang... Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak sa akin ni Jason... hanggang sa tuluyan na niyang nabitawan ang kamay ko. Kitang-kita ko naman ang pagngisi ng nanay niya sa akin.
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]
TerrorKatropa Series Book 1 [Completed] Language: Filipino Ang nobelang Ang Pag-ibig ng Aswang, ay isang pinaghalo-halong kuwento ng; katatakutan, mysteryo, aksyon, katatawanan, pantasya, pagnanasa, wagas na pagmamahalan, tunay na pagkakaibigan, pagtatag...