KABANATA 21

81.9K 1.3K 114
                                    

Jason's P.O.V.

Kung hindi si Manuel...eh sino ang aswang na nahuhumaling kay Helga? 'yan ang katanungang magdadalawang linggo nang bumabagabag sa akin. Ewan ko pero talaga yatang mas mahirap makipaggera sa karibal na hindi mo alam kung sino.

"Luke..." si Benj. Narito kami ngayon sa chapel para sa napakadalang na pagkakataong nagkakasama-sama kaming apat. Kasama rin namin si Helga at Mitch. "Bakit ganun? Ang sabi mo malakas ang kutob mo na maraming Aswang dito sa campus? Pero bakit parang hindi naman yata gumagana itong langis? Eh hindi ko pa nakikitang kumulo itong sa akin kahit minsan eh."

"'Yun na nga rin ang ipinagtataka ko," nakakunot noong sagot ni Luke. "May sinundan din ako noong isang araw. Alam ko...malakas ang kutob ko na Aswang 'yun. Nagpalit pa nga ito ng anyong baboy habang nakasilip ako malapit sa kinaroroonan nito. Pero hindi rin kumulo ang langis na dala ko. Tinanong ko na ang kaibigan kong albularyo tungkol doon. Ang sabi niya sa akin, maaaring may ginagamit daw na panangga sa kalikasan nila ang mga ito. Kung ano 'yun, hindi rin daw niya alam."

"Paano 'yan, Luke?" mangiyak-ngiyak na tanong ni Mitch. "Ibig sabihin katabi na pala natin ang mga Aswang, hindi pa natin alam? O syet...magtransfer na lang kaya ako sa ibang school. Ayoko na rito."

"Shhhhh," biglang usal ni Luke sa amin hudyat na dapat kaming manahimik. Umiikot ang mga mata niya sa paligid. Lumilinga-linga siya na parang nakikiramdam. "May nagmamasid sa atin," mahinang sinabi niya sa lahat. Dahil doon ay napalingon na rin kami. Wala naman kaming nakikita sa paligid. Subalit kinabahan ako nang tiningnan ako ni Luke at iniikot niya ang kanyang mga mata paitaas na parang ipinahihiwatig na may nararamdaman siyang nagmamasid mula sa bubungan ng kapilya. Hindi kami makagalaw dahil sa magkahalong nerbyos at hilakbot. Malapit na kasing magdilim kaya naman ilang sandali pa ay naglakas loob na kaming sumibat.

"Jason!" bungad sa akin ni Art habang pumapasok kami nina Tristan, Benj, Mitch at Helga sa bahay.

"Bakit?" tanong ko habang hawak-hawak ang kaliwang kamay ni Helga.

"Tumawag ang papang mo sa landline kanina. Hindi mo raw kasi sinasagot ang cellphone mo. Nagbilin na lang siya na...kung maari daw, tawagan mo siya as soon as possible."

Kinabahan ako. Hindi naman kasi tatawag ang Papang kung hindi mahalaga ang rason. Ano kaya 'yun? Dali-dali na kaming pumunta sa kwarto ni Helga at doon ko na dinukot ang cellphone ko mula sa aking bulsa, umupo sa gilid ng kama at saka tinawagan si Papang. Kita ko naman sa gilid ng kaliwang mata ko ang pag-upo ni Helga sa tabi ko. Nakatingin siya sa mukha ko.

"Hello Papang! Napatawag daw po kayo? Ano pong balita?"

At nagsimula nang magsalita si Papang. Hindi ako makasingit kaya't pinabayaan ko na lang siyang magsalita. Halos bente minutos din 'yun. Nakita ko namang nag-aalala ang mukha ni Helga habang pinagmamasdan ang mukha kong nag-aalala rin.

"Ano ang sabi ni Papang?"

"Umuwi daw ang ate. Biglaan. Pinapapunta ulit niya tayo sa Ilocos sa Sabado. Ok lang ba sa iyo?"

Napansin ko ang pananamlay ng kanyang mga mata.

"Oo naman." Alam kong napipilitan lang siya.

"Pasensya na, Love. May problema daw kasi ang ate kaya kailangan kong umuwi. Hindi naman ako mapapakali kung magpapa-iwan ka rito. Sobrang mag-aalala naman ako kapag nawala ka sa paningin ko."

"Naku ha... Napaka-over protective mo naman, Love," nakangiti niyang sagot sabay tusok ng kanyang kanang hintuturo sa kaliwang tagiliran ko. May kiliti ako roon kaya naman medyo napaigtad ako.

"Pagdating sa iyo, I don't want to take any chances. Alam kong ayaw mong makita ang Mamang pero kasi...gusto ko ring makilala mo ang ate ko."

"Correction please," aniya. "Hindi ako ang may ayaw makita ang Mamang mo. Ang Mamang mo ang ayaw akong makita! Matanong nga kita, galit ba sa magaganda ang nanay mo?"

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon