Helga's P.O.V.
"Sigurado ka ba?" tanong ni Luke kay Tristan habang nakaratay pa rin ang huli sa ospital.
Pangalawang araw na niya ngayon. Na-confine siya nang hindi oras dahil hindi lang pala mga
sugat ang tinamo niya, meron din siyang broken rib at concussion sa ulo. Napag-alaman namin kay Tristan na pinalipad daw siya sa ere ng babaeng nagngangalang Nicole at tumama nanag malakas ang tuktok ng ulo niya sa dingding. Mula sa dingding ay iniuntog naman siya sa kisame. At mula naman sa kisame ay ibinagsak daw siya sa marmol na sahig─face first.
Whoever or whatever this Nicole is, she really wants him dead.
Dahil Sabado naman at wala kaming pasok, kami na muna ang rumilyebong magbantay sa kanya magmula umaga hanggang hapon para na rin makauwi at makapagpahinga naman ang immediate family ni Tristan na 48 hours na din siyang binabantayan.
"Oo nga sabi eh," medyo naiiritang sagot ni Tristan kay Luke.
Patungkol iyon sa babaeng nagngangalang Nicole ang pinag-uusapan nila na ayon kay Tristan ay nakarelasyon niya nitong nakakaraang tatlong buwan. Ang problema, ni isa sa mga kabarkada niya ay wala pang nakakakita nang personal sa babaeng inaangkin niyang nobya daw niya. Ang babaeng ito ay siya ring tinutukoy niyang nanakit sa kanya kamakalawa nang madaling araw.
Napag-alaman ko naman kay Rhea, dati kong dormmate at siya ring babaeng matagal nang may gusto kay Tristan, na ang Nicole na tinutukoy pala ni Tristan ay si Nicole Fernandez. Ang nakakagulat, ang Nicole Fernandez na pamilyar din sa akin ang pangalan dahil sa mga bulong-bulungan sa dati kong dormitoryo, ay pitong taon nang patay. Nagpakamatay raw ito sa pamamagitan ng paglaslas ng kanyang pulso sa common bathroom dahil daw di umano ito sa pang-iiwan sa kanya ng kanyang nobyo.
May tinukoy naman si Tristan na nakasaksi sa kanya na kasama niya si Nicole kamakailan lang. Ayon sa kanya, ang saksi raw na ito ay 'yung landlady ng St. Catherine's Women's Dormitory na nagngagalang Manang Precy. Ang lubos pang nakapagtataka, ang Manang Precy na kilala namin ni Rhea ay magdadalawang taon na ring patay.
Magsasalita pa sana si Luke nang dumating na humahangos si Benj galing sa labas ng kwarto.
"Parating si Jon, Art at Bernard." Humihingal siya. "Itigil niyo muna ang pinag-uusapan ninyo bago na naman tayo mabansagang mga wirdo."
Pagkatapos na pagkatapos niyang sabihin 'yon ay pumasok na ang tatlong mga kabarkadang tinukoy niya. May dala-dala ang mga itong mga plastic at paper bag.
"Oh, mag-lunch muna kayo," sabi ni Bernard sabay abot kay Jason ng dalawang paper bag na mukhang may lamang Chinese food. Kinuha naman iyon ni Jason at dinala sa lamesang bilog na nakalagay sa isang sulok ng silid. Sinundan ko naman siya para tulungang maghanda.
"Eto ang mga baso, plato at kubyertos," si Art naman iyon sabay abot ng isang malaking brown paper bag kay Mitch. Matapos iyong abutin ni Mitch ay iniabot naman niya sa akin.
"Panulak!" si Jon naman sabay abot kay Benj ng dalawang plastic bag na kinalalagyan ng tatlong tig-dalawang litrong softdrink sa isang plastic bag at isang malaking supot ng ice cubes sa pangalawang plastic bag.
"Ano ba kasi talaga ang nangyari sa iyo?" tanong ni Bernard kay Tristan.
Napatingin naman si Tristan kay Luke. Hindi naman nagsalita si Luke. Tinitigan lang siya nito na parang nangungusap na, 'Alam mo na ang hindi mo dapat sabihin.'
Hindi kasi naniniwala sa mga kababalaghan ang kalahati ng barkada nila. Tatlo sa apat na hindi naniniwala ay ito ngang sina Jon, Bernard at Art. Dahil dito, iwas na iwas silang pag-usapan ang tungkol sa mga multo, maligno at mga aswang sa harapan nila.
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]
HorrorKatropa Series Book 1 [Completed] Language: Filipino Ang nobelang Ang Pag-ibig ng Aswang, ay isang pinaghalo-halong kuwento ng; katatakutan, mysteryo, aksyon, katatawanan, pantasya, pagnanasa, wagas na pagmamahalan, tunay na pagkakaibigan, pagtatag...