KABANATA 10

91.8K 1.4K 95
                                    

Jason's P.O.V.

Ilang minuto kong ipinikit ang aking mga mata.  Grabe, ngayon ko lang naramdaman ang pagod ko. Mas malala pa sigurong pagod at puyat ang mararanasan ko, kapag naging duktor na ako.

 Ilang beses akong napahinga ng malalim matapos kong ilapat ang likod ko sa folding bed.

Ang sarap matulog.  Pero teka, kumportable naman kaya si Helga? Iminulat ako ang aking mga mata at sinulayapan ang direksyon kung nasaan ang kama.

Huh?!

Wala siya roon?!

Ayos na ayos ang kama na parang hindi pa ito nahihigaan.  Dahil doon ay dali-dali akong tumayo at lumabas ng kuwarto.  Dumiretso ako sa banyo, pero wala naman siya doon. Tinungo ko ang kusina, wala rin. Ang dining room, wala rin siya doon.  Sa living room... si Tristan lang naman ang naroroon, umaalog-alog pa ang ulo niya habang may nakapasak na earphones sa tenga niya. May binubuklat din siyang magazine na nakapatong naman sa naka de kuwatro niyang binti.

"Pare," sabi ko sa kaliwang tenga ni Tristan matapos kong bunutin ang earphone na nakapasak doon. Tumingin naman ito sa akin. "Nakita mo ba si Helga?"

"Si Helga?!"  Ang lakas ng boses niya. Palibhasa eh nakakabingi ang tugtog na pinakikinggan niya. "Ah, nagpaalam siya sa akin kani-kanina lang.  Pupunta raw siya sa kanyang kaibigan,  emergency raw."

"Kaibigan? Sinong kaibigan?"

"Wala siyang nabanggit. Basta ang sabi niya, aalis na raw siya, at sabihan na lang kita kapag nagising ka na."

Napaisip ako.  Eh sandali pa lang naman akong nakakahiga ah? Bakit hindi siya nagpaalam sa akin?

"Akala ko nga nag-LQ kayo," tatawa-tawang dagdag ni Tristan. "Dala-dala na niya kasi 'yung bag niya at medyo parang... mangiyak-ngiyak siya."

Napaisip ako saglit.

Oh sh—t!

Hindi kaya nagtampo 'yun sa pag-aalburuto ko kanina?  Paano naman kasi, gusto ko siyang tratuhin ng maayos.  Gusto kong manuyo ng maayos.  Pero masyado naman siyang agresibo para sa isang babae. Nakakaturete pa naman ang ganda niya.  Nawawala ako sa sarili ko, kahit maayos ang damit na suot niya. 'Yun pa kayang nakatayo siya sa harapan ko na medyo basa ang katawan at nakatapis lang?

Oo nga.  Palagay ko nga ay sumobra naman masyado ang mga sinabi ko sa kanya.  Pero nasabi ko lang naman ang mga 'yun para mapagtakpan ko ang pagkataranta ko.  Paano naman kasi, hindi pa man din ako nakaka-recover sa excitement ko na makakasama ko siya sa iisang silid, eh kundangan ba naman na inalok niya agad ako na magtabi na agad kami sa kama? Siyempre gustong-gusto ko siyang makatabi, pero kailangan kong pigilan ang sarili ko dahil ayokong isipin niya na katulad din ako ng ibang mga lalaki diyan na sex lang ang habol sa kanya.  Gusto ko siya, mag-sex man kami o hindi.  Gusto kong makarelasyon siya, kahit wala muna kaming relasyon sa kama.

Tumingin ako sa wall clock, 9:45 AM.  Alas nuebe na nang nakarating kami dito sa bahay mula sa presinto, mga 9:20 AM nang huli kaming nag-usap.  Sandali pa lang naman akong naiidlip... hindi pa siguro nakakalayo 'yun.

"Saang direksyon siya pumunta?  Alam mo ba?"  Natataranta kong tanong kay Tristan.

"I think... sa kaliwa.  Papunta dun sa 'crossing'."

Hindi na ako nag-aksaya ng oras, tumakbo na ako palabas, at saka lumiko sa kaliwa pagkalabas ko ng gate. Pilit ko siyang tinatanaw sa malayo, pero marami ring taong naglalakad kaya't kung nandun man siya ay mahihirapan din akong makita siya.

Tumakbo na ako.

Nasaan na kaya siya?

"Helga!"  sigaw ko, nang sa wakas ay nakita ko siyang naglalakad, bitbit ang kanyang bag.  Tumigil ito sandali at nilingon ako.  Pero nang makita niyang ako ang tumawag sa kanya ay halos tumakbo na siya papalayo.

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon