KABANATA 31

61.7K 1.3K 132
                                    

Helga's P.O.V.

"Mamang, pumasok na po tayo. Malamig at madilim na po dito sa labas," pagyaya ko kay Mamang na hanggang ngayon ay nagmamaktol pa rin, dahil sa planong pagpapakasal namin ni Jason bukas.

Hindi siya umiimik, bagkus ay nakahalukipkip niyang akong sinamaan ng tingin, inirapan at saka tumayo at naglakad palabas ng bahay. Lumingon ako sa loob ng bahay at nakita kong abalang nagkukwentuhan sa salas ang Papang, ang Ate Jenny at si Jason. Mukhang hindi nila ako napapansin kaya't napagdesisyunan kong sundan na lang si Mamang.

"Mamang!" pagtawag ko mula sa likuran niya.

Huminto siya sandali sa paglalakad, nilingon ako, inirapan at saka muling naglakad.

"Mamang!" pagtawag ko ulit.

Mas binilisan niya ang paglalakad kaya naman wala akong nagawa kundi ang magmadali na rin.

"Mamang, sandali po!" Naabutan ko na siya sa wakas at hinarangan. "Saan po ba kayo pupunta? Madilim na po!"

"Alam kong madilim na! Hindi ako bulag!" Nanlilisik ang kanyang mga mata sabay tabig sa akin at saka muling itinuloy ang paglalakad.

"Mamang, saan po ba kayo pupunta?" pangungulit ko sa kanya.

"Huwag na huwag mo nga akong matawag-tawag na Mamang! Hindi kita anak!" sabay tulak sa akin.

"Ano po ba ang ayaw ninyo sa akin?"

"Lahat-lahat!"

"Ano po ba ang gusto ninyong gawin ko para magustuhan niyo ako?"

"Hinding-hindi kita magugustuhan kahit pa anong gawin mo!"

"Mamang naman..."

"Sinabi nang huwag mo akong tatawaging Mamang eh!"

Napansin kong medyo lumalayo na kami sa bahay kaya kinabahan na ako. Hindi ko kasi alam ang pasikot-sikot sa lugar na ito. Subalit desperado na talaga akong makipagbati sa kanya kaya naman hinarang ko ulit siya at saka niyakap.

"Mahal ko po kayo, Mamang kahit ayaw mo sa akin." Napaiyak na ako. Tumigil siya sa paglalakad pero hindi naman siya kumikibo.

"Siya na lang ang pag-asa namin, kinuha mo pa!" Nag-umpisa na rin siyang umiyak. "Para mo na rin kaming pinatay ng Papang niya!" Hindi naman siya kumakawala sa yakap ko. "Ang bata-bata pa niya, tinukso mo na agad!"

"Kung ang inaalala niyo po na mawawala na si Jason sa inyo dahil sa pagpapakasal niya sa akin, hindi po mangyayari 'yun."

"Nangyari na nga, hindi ba?!" bulyaw niya sa akin sabay tulak. "Kinakalaban na niya ako nang dahil sa iyo!" At muli siyang naglakad.

Muli ko siyang sinundan, inabutan, hinarang at muling niyakap.

"Mamang..." Humagulgol na ako. "Ano po ba ang gusto ninyong mangyari?"

"Ang gusto ko?" Kumawala siya sa akin. "Ang gusto ko ay ang mawala ka na sa landas ko. Ang luyuan mo na ang anak ko at ang pamilya namin!"

Nagbabaga ang kanyang mga matang nakatitig sa akin.

"Bakit po ganun? Bakit hindi niyo man lang ako bigyan ng kahit kaunting pagkakataon?" Umagos na parang sa bukal ang aking mga luha.

Imbis na sumagot ay parang nag-iba ang ekspresyon ng kanyang mukha. Ang dati'y poot ay naging...takot. Nakatingin siya sa bandang likuran ko na para bang mayroon siyang kinatatakutan doon. Tiningnan ko ang repleksyon noon sa kanyang salamin at doon ko na nakita na may kung anong kakila-kilabot na nilalang ang papalapit mula sa aking likuran.

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon