KABANATA 29

63.1K 1.3K 141
                                    

Jason's P.O.V.

Tulog pa si Helga nang umalis ako. Madaling araw ako umalis dahil sampu hanggang labing dalawang oras ang biyahe sa bus simula Maynila papuntang Ilocos. Hindi ko na siya ginising, sa halip,

hinalikan ko na lang siya sa noo bago ako umalis. Oo, may sumpong ako at nagtatampo pa rin sa kanya. Pero hindi naman 'yun dahilan para magbago nang ganoon kadali ang pagmamahal ko sa kanya. Ganito lang talaga ako kung minsan, na sana sa ngayon ay kabisado na niya. Marami kasi akong dinadalang frustrations at insecurities sa ngayon dahil na rin siguro sa samo't saring mga problema na hindi ko malaman kung papaano ko sosolusyonan.

Nakunan ang Ate Jenny at iyon ang dahilan kung bakit nila ako biglang pinauwi sa probinsya. Tatlong araw na palang naka-confine si Ate. Naimpeksyon daw siya at nagkaroon kumplikasyon. Ngayon lang daw nila ito nasabi sa akin dahil hindi raw nila mailabas ang Ate dahil sa laki ng bill sa ospital. Pero dahil wala akong dalang pera, maghapong sermon lang ang inabot ko mula kay Mamang. Abot-abot naman ang paghingi ng pasensya ni Papang sa akin. Hindi kasi niya nabanggit sa akin 'yun sa telepono. Hindi naman daw kasi niya inisip na ipapasan sa akin ang problemang dapat siya ang humahanap ng solusyon. Siya naman daw talaga dapat ang gagawa ng paraan para makalabas ang Ate Jenny. Ang problema, kulang lang daw talaga ng pasensya at bilib sa kanya si Mamang.

Hindi ko alam ang gagawin ko. Sa totoo lang, wala namang laman ang pitaka ko kundi ang pamasahe ko lang pabalik ng Maynila. Dahil sa tensyong namumuo sa pagitan ko at ni Papang, at Mamang, mas minabuti na namin ni Papang na umuwi na lang ng bahay para doon magpalipas ng gabi.

"Nasaan si Helga?" si Papang habang naghahanda kami ng hahapunanin naming dalawa sa bahay. "Hindi mo yata siya kasama ngayon ah?"

"May exams siya ngayon kaya hindi ko na po pinasama." Nakasimangot ako.

"Eh bakit ganyan ang mukha mo? Ayos lang ba kayo?"

Umiling ako.

"Anong nangyari?"

"Ayaw pa niyang magpakasal kami, Papang tulad ng gusto niyong mangyari. Gusto daw kasi muna niyang hintayin na maka-graduate kami. Medyo nagkatampuhan kami dahil pakiramdam ko, nagdadahilan lang siya para hindi matali sa akin."

"Bakit mo naman naisip iyon?"

"Ang alin po?"

"Na nagdadahilan lang siya para hindi matali sa iyo?"

Hindi ako nakasagot agad. Napaisip tuloy ako. Bakit nga ba?

"Naiisip ko lang po na baka dahil mahirap lang ako at wala akong magarbong proposal sa kanya kaya...nagdadalawang isip na siya."

"Paano mo naman naisip na nagdadalawang isip siya? Nagbabago na ba siya?"

"Hindi po."

"May nagugustuhan na ba siyang iba?"

"Wala po."

"Oh...eh ano ang basehan mo sa mga suspetsa mo?"

Hindi ako nakapagsalita. Napabuntong-hininga na lang naman siya at umiling.

"Papang..." pagbasag ko sa katahimikan habang kami ay naghahapunan. Tumingin ako sa wall clock, alas nuebe na pala ng gabi. Sumulyap ako sa may bintana at napansing umuulan pala. "Paano po ang gagawin natin? Meron po ba tayong maisasangla?"

"Susubukan kong ibenta ang dalawang baboy at mga manok natin bukas. Alam kong hindi pa rin sapat 'yon para mabayaran natin ang mahigit singkwenta mil na utang natin sa ospital pero kahit papaano, pwede nating i-down iyon para mai-release na ang Ate mo. Lalo lang kasing lalaki ang gastos kung magtatagal pa siya doon."

Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon