Jason's P.O.V.
"Marietta...Marietta...Marietta..." si Helga. Paroo't-parito siya habang nilalapatan ko ng unang lunas ang sugat ni Benj.
Napailing na lang ako at pinabayaan siya. Ibinunton ko na lang ang aking konsentrasyon sa sugat ni Benj na mabuti naman at hindi gaanong malalim.
"M-Marietta?!" Natigilan siya. Para siyang nakakita ng nagliwanag na bumbilya. "Teka..." Nakatingin siya sa itaas na para bang may inaalala. "Pangalan 'yun ng nanay ko ah!"
Sa wakas, naalala rin.
Akala ko naman nagka-Alzheimer's na siya, eh samantalang siya itong nagbanggit sa akin na Marietta ang pangalan ng nanay niya ayon sa yumao niyang tiya. Dyahe naman kung ako pa ang magpapaalala sa kanya, hindi ba? Ayoko namang ipahiya siya nang ganoon sa harap nina Benj at Mitch. Kung malalaman man nila ang istorya tungkol sa kanya at sa kanyang ina, mas mabuti siguro kung manggagaling iyon mismo sa kanya.
Hindi ko naman masisi si Helga kung sandaling mawaglit niya ang pangalan ng kanyang ina. Mahirap talagang maalala ang mga tao o bagay na wala naman talaga sa alaala mo. Hindi niya nakita at nakasama ang kanyang ina habang lumalaki siya kaya natural, hindi ito kasama sa kanyang sistema.
"Pero..." dugtong niya. "Bakit ako tinawag na Marietta ni Maria? Ibig sabihin ba noon kilala niya ang nanay ko? Na buhay pa talaga ang nanay ko? Na takot siya sa nanay ko at kamukha ko ito?" Nakakunot ang noo niya. "Ayyy bongga! Maganda pala si Mama!" Humalakhak siya kaya naman napangiti na lang ako sa biglang pagganda ng mood niya. "Grabe naman pala si Mama dear, nagmana pala siya sa akin," sabay hagikhik.
Huh? Parang baligtad yata. Nasulyapan ko naman na napakamot si Mitch sa sinabi ni Helga habang nakakunot ang noo niya.
"Sister," ani Mitch. Tumingin naman sa kanya si Helga. "Hindi ka ba nabibigatan sa bangko mo? Parati mo na lang kasing bitbit eh!" nakangiwing panunuya ni Mitch. Inirapan lang naman siya ni Helga sabay dila at halukipkip.
Tsk. Sumumpong na naman po ang narcissism niya. At least, naalala na niya kung sino si Marietta. Ang tanong, alam kaya niya kung 'ano' ang nanay niya? Natutukso man akong sabihin sa kanya, hindi dapat dahil nangako ako kay Luke. Hindi pwedeng mahalata sa ngayon ni Helga na may nalalaman na ako tungkol kay Marietta, sa kanyang ina.
"Hindi man lang ba kayo nadinig nina Jon at Art?" tanong ni Luke nang puntahan namin siya sa bahay nila kinabukasan, linggo ng umaga.
"Ang lakas kasi ng music sa kwarto ni Jon," sagot ni Benj. "Ganun na 'yun gabi-gabi. Minsan nga eh, hindi ko malaman kung paano 'yun nakakapag-aral habang nakikinig sa nakakabinging metal music. Si Art naman, ewan namin, baka naka-ear plugs. Hindi na naman kami nag-abalang sabihan pa sila dahil hindi rin naman kasi sila maniniwala. Mapapagod lang kami sa kapapaliwanag."
Habang nagsasalita si Benj, napansin ko namang pasulyap-sulyap si Luke sa direksyon ni Helga na abala naman sa pakikipag-usap kay Mitch sa isang tabi. Hindi na ako nagtaka nang hatakin ako ni Luke nang sarilinan matapos lumayo sa amin si Benj para sumali sa pag-uusap ng mga babae.
"Ano?" bulong ko sa kanya.
"Nasaan ang kwintas ni Helga na may itim na bato?" bulong niya pabalik.
"Nasa kanya, bakit?"
"Ipasoot mo sa kanya. Huwag kamo niyang huhubarin kahit anong mangyari."
"Bakit? Para saan ba iyon?"
"Ayon sa sumunod na nabasa ko, sadyang ibinilin iyon ni Marietta na suotin ni Helga matapos siyang magdisi-otso. Ilang taon na ba si Helga?"
"Halos kasing tanda natin si Helga. Magbebente anyos na siya. Para saan daw ba kasi 'yung itim na bato?"
Bumuntong hininga si Luke.
"Proteksyon daw iyon sa mga katulad ni Marietta at Helga na tudlaan ng mga lahing Aswang. Ang kuwintas na iyon ay panangga daw sa pagmamanipula ng mga Aswang sa isipan ng mga tudlaan. May kapangyarihan din daw 'yon na malaman ng nagsusuot kung sino-sino ang nakakasalamuha nilang aswang, maligno, maging ang mga manggagaway at mangkukulam na may lahing Nephilim."
"Tudlaan? Anong ibig mong sabihin?"
"Palahian."
Ano?!
"Ayon sa isinulat doon ni Marietta na umaayon din naman sa Banal na kasulatan na nasa Henesis kapitulo sais bersikulo tres. Dahil sa galit at sumpa ng Diyos sa mga lahing kalahating tao at kalahating Anghel na tinatawag na Nephilim sa Bibliya, umikli na lamang hanggang isang-daan at dalawampu ang buhay ng mga kalahating Anghel at tao, maging ang mga purong tao sa mundo. Ang pakakaaiba lang nila sa atin ay meron silang mga kapangyarihan at katangian ng mga Anghel. Ang higit sa karamihan ng mga lahing Nephilim ay mga nangagsiubos na. Sadya raw inialay nila sa Diyos ang katapusan ng kanilang lahi para mapatawad sila sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. Ang iba ay nagpakasama na sa pamamagitan ng pagpapakalat ng itim na karunungan para sa pagpapalaganap ng kasamaan sa mundo. Ang iba naman ay nagsikubli sa dilim at kalikasan na ngayon ay tinatawag nating mga maligno. May iba rin na naging Aswang dahil sa pakikipagsanib-lahi ng mga ito sa mga hayop, habang ang iba naman ay katulad nina Marietta na nabubuhay para sugpuin ang kasamaan sa mundo, kapalit pa rin ng kapatawaran ng Diyos sa kasalanan ng kanilang pinagmulan. Pero dahil din naman doon, kada isang daang taon ay nangunguha ang mga Aswang ng mga babaeng tao para maipagpatuloy nila ang kanilang lahi. Subalit minsan lang sa isang libong taon magkaroon ng babaeng supling ang lahing Nephilim. Ang babaeng supling na ito ang tinatawag nilang Tudlaan. At kapag nangyayari ito, sadyang hinahabol ito ng mga Aswang para maging binhian nila upang mas maging makapangyarihan ang susunod nilang henerasyon."
Hindi ko mainitindihan ang nararamdaman ko kaya't tumahimik na lang ako at patuloy na nakinig sa sinasabi ni Luke habang pinagmamasadan ko naman si Helga sa malayo.
"Ayon pa doon," pagpapatuloy nito. "Dalawang bagay ang gustong makamit ng mga Aswang. Una ay ang mas malakas na kapangyarihan sa ibabaw ng lupa at pangalawa ay ang katapusan ng lahi ng angkan nina Marietta. Sa ikalawang dahilan, nakikipagsanib pwersa sila sa mga maligno, maging sa mga mangkukulam o manggagaway na may dugong Nephilim. Ito ay para wala nang humadlang sa kanilang kasamaan sa ibabaw ng lupa."
"P-Papaanong katapusan?"
"Katapusan. Dahil matapos nilang binhian ang mga Tudlaan, nabubuntis ang mga ito at namamatay matapos nila magsilang ng mas makapangyarihang uri ng Aswang."
Parang tambol ang pagtibok ng puso ko habang pinagmamasdan ko pa rin ang Helga ko. Naaalala ko tuloy na ikinuwento niya sa akin na napapanaginipan niya ang mga iyon; ang pakikipagtalik niya sa isang Aswang, ang pagbubuntis at ang pagkamatay niya dahil sa panganganak.
"Lumalabas na hindi lang Aswang ang nagtatangka sa buhay ni Helga kundi ang lahat ng mga lahing Nephilim na tuluyan nang nagpakasama dahil na rin sa pakikipagsanib pwersa nila kay Satanas at pagrerebelde sa kalooban ng Diyos."
"W-wala bang nababanggit kung nasaan si Marietta?"
"Hindi pa ako tapos magbasa, Jason. Medyo masakit kasi sa mata dahil ang liliit talaga. Pero sa ngayon...bantayan mo munang mabuti si Helga. Ipasuot mo sa kanya ang kwintas. Bahala ka na kung gusto mong sabihin sa kanya ang pinag-usapan natin. Pero kung sasabihin mo ito, siguraduhin mong walang nakikinig o nagmamasid na mga kalaban. Dahil kapag natunugan nila na alam na ni Helga ang lahat, maaring mas maging agresibo sila. At kapag nangyari iyon nang hindi pa natin alam kung papaano natin sila lalabanan at susugpuin, malamang na katapusan na nating lahat."
Natulala na lang ako. Parang habang tumatagal ay mas lalong bumibigat ang pakiramdam ko. Ganito pala ang pakiramdam kapag nangaganib na mawala sa iyo ang taong pinakamamahal mo. Para kang nasa death row o mas malala pa.
Diyos ko, huwag naman sanang maging kalooban Mo na may magyaring masama kay Helga. Isinumpa mo man ang lahing pinagmulan niya, sana naman ay maging patas Ka na huwag parusahan ang mga wala namang kasalanan.
Hindi niya kasalanan ang kasalanan ng kanyang pinagmulan. Hindi niya pinili ang kanyang mga magulang. Hindi niya kasalanang ipanganak sa mundo.
Iligtas niyo po siya at protektahan. Sa ngalan ng kabutihan laban sa kasamaan. Sa ngalan ng liwanag laban sa kadiliman. Sa ngalan ng kalangitan laban sa impyerno. Sa ngalan ng pananampalataya namin sa Iyo.
[Itutuloy]
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]
HorrorKatropa Series Book 1 [Completed] Language: Filipino Ang nobelang Ang Pag-ibig ng Aswang, ay isang pinaghalo-halong kuwento ng; katatakutan, mysteryo, aksyon, katatawanan, pantasya, pagnanasa, wagas na pagmamahalan, tunay na pagkakaibigan, pagtatag...