"Patay na si Senda. Pero bakit mas marami yata ang namamatay?" tanong ng isang matanda sa Kabesa de Barangay.
Nagkakagulo na ang mga taong baryo na ngayon ay mga nakatayo at nakikigulo sa harapan ng tanggapang pambarangay.
"Nauubos na ang mga tao dito sa baryo.
Marami na ang nagsisilikas sa takot na maging susunod na biktima," sabi ng isang matandang lalaki.
"Inuubos na ng Aswang ang ating mga kabataan!" sigaw naman ng isa pa mula sa gitna ng maingay na taong baryo.
Hindi naman nila alintana ang isang istrangherong nakatayo sa kanilang likuran. Mayroon itong lambong kaya't bahangyang natatakluban ang kanyang mukha.
"Isa lamang ang ibig sabihin nito," pahayag ng Kabesa. "Hindi kayo naging makatarungan sa panghuhusga sa kawawang si Senda!"
"Pero bakit kasi kahina-hinala ang itsura niya? Bakit napakaganda niya at mukha pa ring bata gayung matanda na siya?"
Hindi nakasagot ang Kabesa. Umingay lang ang paligid dahil sa pagbubulungan ng mga tao.
"Dahil sa siya ay kalahating tao at kalahating lambana!" malakas na pahayag ng estranghero.
Natahimik ang mga taong Barrio. Lahat sila ay lumingon sa kinaroroonan ng estranghero.
"Anong ibig mong sabihin, estranghero?" tanong ng Kabesa rito.
"Narinig ninyo ako. Dahil siya ay kalahating tao at kalahating lambana. Na sa totoo lang ay siya ninyong tagapagbantay kaya't hindi kayo nilulusob ng mga Aswang."
"Paano nangyari 'yun?" tanong ng isa sa nga taga-baryo.
"Minsan, may isang biyudang babae na may anak na isang batang lalake sa kanyang namayapang asawa. Ang babaeng ito ay umibig muli sa isang lalaking Lambana na nagbunga naman ng isang batang babaeng pinangalanan nilang Rosenda. Dahil sa kagandahan at kapangyarihang taglay ni Rosenda, may umibig sa kanya na isa ring makapangyarihang nilalang. Isang imortal at makapangyarihang nilalang na siya ring hari ng mga Aswang at mga Maligno. Ngunit sa kasamaang palad, ayaw ni Rosenda na makasama ang haring ito na siya namang dahilan kung bakit siya nagtago at napadpad sa baryong ito."
"Paano naman kami nakakasigurong mapagkakatiwalaan ang mga tinuran mo?" sabi ng isa sa mga Barangay tanod.
"Dahil kilala ko si Rosenda. At kilala ko ang haring ngayon ay labis na napopoot sa ginawa ninyong pagpaslang sa kanyang iniibig. Poot na ngayong araw na ito ay parating na sa inyong lahat. Tangkain niyo mang tumakas ay huli na!"
Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2013, All rights reserved.
"Nanakot ka ba?"
"Tatakutin ko pa ba ang mga taong mamatay na?"
Lalong lumakas ang bulungan ng mga tao.
"Ipakita mo ang mukha mo at magpakilala ka ginoo! Sino ka ba? At ano ang pakay mo rito?" tanong ng Kabesa.
Unti-unti tinanggal ng estranghero ang kanyang lambong at bumulaga na nga sa mga tao ang kanyang maamong mala-anghel na mukha.
"Ako si Lucio at narito ako para singilin ang buhay na inutang ninyo."
Ikinumpas nito ang kanyang dalawang kamay na sinundan naman ng pagsusulputan ng sari-saring mga impakto.
"AAAAAHHHHHHHHHHHHHHH!" sabay-sabay na hiyawan ng mga taong baryo na isa-isa na ngayong pinapapak ng isang batalyong...
ASWANG.
[Katapusan]
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig ng Aswang [PUBLISHED]
HorrorKatropa Series Book 1 [Completed] Language: Filipino Ang nobelang Ang Pag-ibig ng Aswang, ay isang pinaghalo-halong kuwento ng; katatakutan, mysteryo, aksyon, katatawanan, pantasya, pagnanasa, wagas na pagmamahalan, tunay na pagkakaibigan, pagtatag...