Demonyong Hayop

1.4K 18 0
                                    

DEMONYONG HAYOP
ni Black Jack WP
(An Official Entry to UHS Writing Contest 2017)

IDINAAN ni Joseph sa ibang lugar ang sasakyan upang walang makatunton sa kanila. Dis oras na ng gabi at tanging sila na lamang ang makikitang nasa kalsada ng lugar na iyon. Madilim ang lugar na kanilang napuntahan. Walang makikita sa paligid kundi matataas na mga damo. Bumagal din ang pagtakbo ng sasakyan dahil sa baku-bakong daan.

"Tiyak na marami ang kikitain natin dito. Dapat mapaghatian natin ito nang maayos. Baka maliit na halaga na naman ang itira n'yo sa akin samantalang ako ang mas maraming ginagawa!" animoy galit ang tinig na wika ni Aldrin.

"Huwag kang mag-alala hindi na mauulit ang nangyari noon," tugon naman ng isa pa nilang kasama na si Joward.

Anim silang nasa loob ng itim na van. Ang trabaho nilang magbabarkada ay ang pagbebenta ng shabu. Ang iba sa kanila kagaya nina Edwin, Danilo at Romeo ay suma-sideline din sa ibang ilegal na trabaho gaya ng pagiging macho dancer sa isang gay bar. Naisipan nilang dumaan sa lugar na hindi matao para walang makakita sa pupuntahan nilang tao na bibili ng dalawang kahong shabu kapalit ng ipinangako nitong malaking halaga. Eksperto sila sa ganoong trabaho kung kaya't lumipas ang limang taon ay hindi pa sila nabibisto.

Halos wala nang makita si Joseph habang nagmamaneho dahil napuno na ng puting usok ang loob ng sasakyan sa kaka-vape ng mga kasama niya. Dahil sa bango ng usok na ito, sinabayan na rin niya sa pag-vape ang mga ito. Tinodo pa niya ang rock and roll music na pinapatugtog sa radyo. Ang sarap ng buhay nila nang mga sandaling iyon.

Kasalukuyang nagkakasiyahan ang anim nang biglang may humarang sa kanilang dinadaanan. Muntik na iyong mabangga ni Joseph kung hindi niya naihinto agad ang van. Pinatay niya ang radyo at sinilip sa bintana ng sasakyan kung ano ang humarang sa kalsada.

Nagulat silang lahat sa nakita. Hindi mabilang ang dami ng mga biik o maliliit na baboy na lumalakad sa daan. Itim na itim ang kulay ng mga ito na animoy hindi pangkaraniwang mga biik.

"My ghad! I hate drugs!" nasambit ni Aldrin habang pinagmamasdan ang mga biik na siksikan sa paglakad.

Sinubukang patunugin ni Joseph ang busina ng sasakyan subalit hindi man lang natakot o umalis ang mga ito. Nagpatuloy lamang ang mga ito sa paglakad patungo sa kabilang direksyon.

"Mga tol! Meron din dito sa likod!" bulalas ni Danilo na nasa dulo naka-upo. Sinilip din ng iba niyang mga kasamahan ang bintana ng likuran ng sasakyan. Laking gulat nila nang makitang laksa-laksang mga biik din ang nakaharang sa kanilang likuran.

"Paano tayo makakasulong nito?" naguguluhang tanong ni Joseph.

"Banggain mo na lang kaya, pare? Wala namang nakakakita sa atin dito, e!" suhestyon ni Romeo.

"Tama! Banggain mo na rin 'yang mga 'yan! Mga patapong hayop lang 'yan!" si Edwin ang nagsalita.

Gagawin na sana ni Joseph ang sinabi ng mga kaibigan. Pero nangunot ang noo niya nang biglang huminto ang makina ng sasakyan. Kahit anong start niya rito ay ayaw nang umandar. Na-trap sila sa gitna ng mga biik na hindi nila alam kung saan nanggaling. At habang tumatagal ay napansin nilang tila dumadami pa ang mga ito na halos sakupin na ang buong kalsada.

"Pababain n'yo ako! Ililitson ko 'yang mga 'yan! Kakainin ko 'yang mga hayop na 'yan! Pababain n'yo ako!" nagtatapang-tapangang wika ni Aldrin.

"Huwag kang sisiga-siga d'yan baka ikaw ang kainin nila. Umayos ka!" pasigaw na banat ni Joward sa lalaki.

Nagkatinginan sila nang biglang maka-amoy ng napakabaho. Para bang amoy iyon ng mga baboy na nabubulok. Sobrang tapang ng amoy. Bagamat nakasara na ang lahat ng bintana ng sasakyan, tagos na tagos pa rin ang amoy na nagpapabaligtad sa sikmura nila.

"Fuck!" nasambit ni Edwin habang tinatakpan ang ilong gamit ang palad. Hindi nakatiis at hinubad niya ang damit pagkatapos ay iyon ang ipinangtakip sa ilong.

Lahat ay kanila nang ginawa huwag lamang makapasok sa ilong ang salot na amoy subalit nagagawa pa rin nitong pasakitin ang kanilang ulo sa tindi ng amoy. Halos hindi na sila makapagsalita. Hindi na rin nila maibuka ang kanilang bibig dahil parang nalalasahan na rin nila ang nabubulok na amoy ng mga biik. Halos maubos na ang laway nila sa kakadura ngunit hindi nawawala ang mabagsik na amoy ng mga hayop.

Ilang minuto ang lumipas, makikitang nagwawala na ang anim sa loob ng sasakyan. Kulang na lang ay isuka nila ang laman sa buong katawan dahil sa dami ng mabahong amoy na pumasok sa kanilang ilong at bibig.

Para silang mababaliw nang mga sandaling iyon. Hindi na nila namamalayan na nagkakasakitan na sila. Kanya-kanyang gawa ng paraan para mawala ang amoy. Pero nagmukha silang mga tanga sa kanilang ginagawa.

Pagkaraan ng ilan pang mga minuto, unti-unting nanghina ang anim hanggang sa sunod-sunod silang nalagutan ng hininga. Hindi na nila namalayan ang pag-akyat at pagbasak ng mga biik sa bintana ng sasakyan. Pumasok ang mga ito sa loob at inamoy-amoy ang sariwang mga bangkay.

Mayamaya pa, makikitang pinagpipiyestahan na ng mga biik ang katawan ng anim na lalaki. Kanya-kanyang kagat ang mga ito. Agawan sa katawan.

Unang kinagat ng isang biik ang kaliwang kamay ni Joseph. Mang maputol ito, dahan-dahan nitong nilulon habang kinakagat-kagat ang dulong bahagi ng kamay hanggang sa tuluyan itong mapasok sa loob ng katawan ng biik.

Ang isa namang biik, binutas ang tiyan ni Romeo at inilubog nito ang ulo sa umaapaw na dugo. Dire-diretso nitong pinapak ang mga bituka ng lalaki.

Ang ulo naman ni Aldrin, pagkatapos balatan ng tatlong biik gamit ang kanilang bibig ay nahulog ang utak nito sa upuan ng sasakyan. Agad iyong naagaw ng dalawa pang biik at  pinagtulungang kainin ang utak.

Hindi man lang nabigyan ng pagkakataon ang anim na matuklasan ang tungkol sa demonyong mga hayop na naninirahan sa lugar na iyon at umaatake tuwing gabi.

Sa ganoong paraan lang pala magwawakas ang ilegal na bisyo at trabaho ng anim na lalaki.

Paglabas ng mga biik sa van, makikitang kalansay na lamang ng anim ang naka-upo sa loob. Balot na balot pa ng dugo ang kalansay at bungo ng mga ito.

Sama-samang naglakad ang mga biik patungo sa mas madilim na parte ng lugar. Makalipas ng ilang sandali, mula sa parte ng lugar na iyon ay lumabas ang isang malaking bulas na nilalang. Ang katawan nito ay tao. Ang ulo naman ay baboy.

Lumapit ito sa sasakyan at buong lakas na winasak ang mga pinto pagkatapos ay isa-isang hinila palabas ang mga kalansay at isinabit sa isang puno. Dinila-dilaan pa nito ang sariwang dugo na tumutulo mula sa mga kalansay.

Umalingawngaw sa buong paligid ang nakapangingilabot na ungol ng isang demonyong hayop.

Kinabukasan, tahimik na muli ang naturang lugar. May isang sasakyan na napadaan. Laking gulat ng driver nang makita ang anim na kalansay na nakasabit sa isang puno. Kitang-kita pa niya ang mga bangaw na lumilipad sa mga ito. Napa-sign of the cross siya at binilisan ang pagmamaneho. Naisip niya na baka meron na namang nabiktima si Bugabos, ang nilalang na hating tao at hating baboy na pinaniniwalaang naninirahan sa teritoryong iyon.

Wakas

(C) Chino Angelo (Black Jack WP)

URBAN LEGEND STORIES (UHS Writing Contest 2017)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon