URAKIH
ni Ar Lan
(An Official Entry to UHS Writing Contest 2017)
Word Count: 2,994Heto na naman si Urakih, may biktima na naman ngayong gabi! Kagagaling niya sa isang bar na madalas puntahan ng mga kabataang mahilig sa night life. Hila-hila niya ngayon ang isang walang malay na tin-edyer na lalaki palabas ng compartment ng likurang parte ng kulay itim niyang kotse. Mababakas ang kimkim na kasiyahan sa mukha niyang hindi pangkaraniwan ang kaputian habang tinutungo niya ang pinto ng kaniyang hide out na abandonadong bahay. Kung pakatititigan ang hulma ng kaniyang mukha, lalo na ang ekspresyong nakapagkit sa malalalim niyang mga mata na mangitim-ngitim ang mga palibot at matatalim kung tumitig, talagang nakakakaba at kailag-ilag na tunay. Walang sinumang makatitiis na palaging kasama ang isang taong katulad niya na asta pa lang at estilo ng pananamit ay kaduda-duda nang may maitim na lihim na gustong gawin.
Si Urakih, sa totoo lang, ay hindi pangkaraniwang nilalang. Kung sa papaanong paraan ay sapagkat may kakaiba siyang sakit, idagdag pang talamak kung gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Ang unang nakatuklas ng sakit niya ay ang nakatatandang kapatid niyang anatomista na si Ginoong Zander. Ayon sa pagsusuring ginawa ng anatomista, si Urakih ay may kakaibang mania --- ang mag-enjoy na pumatay sa brutal na paraan.
Ngayong gabi ay umandar na naman ang kakaibang mania ni Urakih. Dahil sa sawa na siya sa suhestiyon ng kuya niya na mga hayop lamang ang brutal na patayin, ngayon ay mga tao naman ang balak niyang biktimahin.
Pagkapasok sa loob ng hide out niya ay pinindot niya agad ang switch ng ilaw. Pagkasabog ng malamlam na liwanag ay tumambad ang isang silid na walang sinumang makakikita ang hindi mapapangiwi, masisindak o masusuka kaya. Liban sa gulu-gulo, marumi at may nakasusulasok na amoy ang silid, kakikitaan pa ito ng mga senyales na talaga ngang may karumal-dumal na sakit si Urakih.
Sa isang istanteng nasa isang gilid ay may naka-display na mga bungo ng iba't ibang hayop. May mga buto't kalansay rin, pati iba't ibang mga sungay at mga pangil ay nandoon. Sa pinaka-ibabaw ng istante ay may naka-prop up na ulo ng kalabaw na mukhang sariwa pa dahil may tumatagas pang kaunting dugo buhat sa tinagpas na leeg nito. Ang pinakatuktok ng ulo ng kalabaw ay butás at may straw na pang-softdrink na nakasuksok dito.
Samantala, sa ibabaw ng isang may-kalaparang work table sa may gitna ng silid, mabibigla ang sinuman sa makikitang nakalapag sa ibabaw nito. Bakit hindi ay sapagkat naroon ang pinagtatagang walang ulong katawan ng kalabaw! Maraming dugo ang pakalat na tumilamsik kung saan-saan. Halos gutay-gutay na ang katawan ng kaawa-awang hayop. Maging mga lamang loob nito ay nagkapira-piraso na at sumambulat na mula sa tiyan nitong halos wakwak na! Sa isang gilid ng lamesa ay naroon pa ang ginamit na pagkahaba-haba at halatang pagkatalim-talim na itak!
Malapit naman sa istanteng may mga bungo ay naroon ang isang malaking drawer na nangakabukas pa ang mga compartment na mukhang hinalughog. Nakasambulat ang mga laman nito -- iba't ibang mga kasangkapan na kung hindi matatalim ay matutulis o mga bagay na nangangailangan ng masusing pag-iingat kung gagamitin!
Sa wakas ay pabalag na inihagis na ni Urakih ang hila-hilang tinedyer sa isang mahaba ngunit medyo sira-sira nang sofa matapos mamasdan ang kabuuan ng silid. Naningkit ang kaniyang mga mata at napangisi nang makasigurong walang nabago sa ayos ng silid.
Pabalik sa walang malay na tinedyer, tumalim ang titig ni Urakih kasunod ang paglapad ng kaniyang pagkakangisi; senyales na umaarangkada na ang itinatago niyang mania.
Nilapitan niya sa may bandang ulunan ang tinedyer, kapag kuwan ay marahas na lumuhod at bumulong gamit ang magaspang at pagkapangit-pangit na tinig na tila dalawang boses na pilit pinag-isa. "Salamat at ikaw ang buena mano kong bisita. Pero wait lang ha? May sorpresa ako sa iyo. Mag-e-enjoy tayo!" Parang baliw na nagpakawala ng tila pigil na tawa si Urakih bago tumayo at lumayo upang tumungo sa isang pasilyo na medyo may kadiliman. Mula sa jacket niya ay may dinukot siya at iyon ay pocket-size na flashlight. Ito ang ginamit niya upang makakita sa parteng iyon ng gusali na iisang palapag lamang.
BINABASA MO ANG
URBAN LEGEND STORIES (UHS Writing Contest 2017)
HorrorKaramihan sa atin ay pamilyar na sa ilang mga fictional horror character gaya nina Slender Man, Jeff the Killer, Ben Drowned, Slit Mouthed Woman, Sadako, Chucky, Freddy Krueger, Jason at marami pang iba. Kapag narinig natin ang mga pangalang iyan, a...