SUBASTA
ni Jerry Gregorio
(An Official Entry to UHS Writing Contest 2017)
Word Count: 5,138Naglalakad sa isang eskinita si Renz patungo sa kanilang munting barung-barong na nakatayo sa isang squatter area. Galing siya sa kanyang trabaho bilang isang construction worker.
Pagkapasok niya pa lang sa may pintuan, bumungad sa kanya ang inang nagluluto ng pagkain para sa kanilang hapunan at ang bunsong kapatid na nakaratay sa pagkakahiga dahil sa karamdaman nito.
"Nandito na ako Inay," untag niya at lumapit dito para magmano.
"O, Renz tamang tama ang dating mo nakaluto na ako," nakangiting wika ni Aling Myra.
Ngumiti lang si Renz at pinuntahan ang natutulog na kapatid.
Hinawi niya ang mumunting buhok na tumatakip sa mata ng kapatid.
"Inay kamusta na ang kalagayan ni Clark?" Tanong niya sa ina.
"Medyo maayos naman ang pakiramdam niya sa ngayon dahil nakainom siya ng gamot kanina mula doon sa binigay mo sa akin na pera kahapon na pinambili ko ng kaniyang gamot," sagot ni Aling Myra habang inaayos ang hapag-kainan.
"Sana gumaling na si Clark," usal ni Renz na halos ang sarili niya lang ang nakarinig.
Ginising na niya ang kapatid para makasabay na ito sa pagkain at makainom na rin ng gamot.
-
Pagkatapos maghapunan, nagpahinga muna sa labas ng kanilang barung-barong si Renz.
Nagpapahangin at nag-iisip kung paano masusulosyunan ang lahat ng kanilang suliranin sa buhay.
Hindi man niya maamin sa kaniyang ina, nahihirapan na siya sa kanilang buhay. Siya lang ang nag-iisang nagtataguyod sa ina't kapatid. Ang kaniyang ama nama'y sumakabilang buhay noong nakaraang taon lamang.
Ngayon wala siyang magagawa kung hindi maging matatag sa buhay upang may masandalan ang kaniyang mga mahal sa buhay.
May sakit na leukemia ang kanyang bunsong kapatid na si Clark.
Sa mga gamot pa lamang nito'y kulang na kulang na ang suweldo niya bilang isang construction worker.
Idagdag pa na may karamdaman din ang kanyang matandang ina. May sakit na ito sa puso.
Litong-lito na siya kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kinikita, para sa kanilang pang araw-araw na pangangailangan at para sa gamutan ng kaniyang bunsong kapatid.
"Kung meron lang sanang tutulong sa akin para maihaon ko sa kahirapan sina Inay," napabuntonghiningang wika ni Renz at pumasok na sa loob ng barung-barong para magpahinga at matulog.
-
Kinaumagahan maagang siyang gumising para pumasok sa kaniyang trabaho.
Nakapagpaalam na s'ya sa kaniyang ina at palabas na sana ng pinto ng marinig nila ang pagdaing ni Clark. Wari'y nasasaktan ito.
"Inay, kuya," tawag nito sa kanila. Bakas sa tinig ang sakit na nararamdaman.
Nagmamadali silang pumunta sa kinahihigaan nito.
Naabutan nila itong namimilipit sa sakit.
"Clark! Anong masakit sa'yo?" Nag-aalalang tanong niya dito. Ang kan'yang ina nama'y naiiyak na sa nakikitang paghihirap ng bunsong anak.
"K-kuya ang s-sakit sakit," sagot ni Clark.
Binuhat ni Renz ang kapatid. Kailangan madala sa pagamutan si Clark.
"Anak, saan mo dadalhin si Clark?" Tanong ni Aling Myra.
"Sa hospital 'Nay, baka kung mapano pa si Clark kapag 'di naagapan. Ayusin n'yo na ang mga gamit niya hihintayin namin kayo sa labas," turan niya sa inang tigmak na ng luha ang mga mata.
"Pero Renz ... wala tayong pera," anito.
"Ako ng bahala 'Nay. Ang importante madala natin sa hospital si Clark," wika ni Renz at nagpatiuna ng lumabas ng kanilang barung-barong.
-
Nadala na sa pagamutan si Clark, ayon sa mga doktor kakailanganin ng malaking halaga para sa gamutan nito. Gulong-gulo ang isip ni Renz.
Nagpaalam muna siya sa kan'yang ina na uuwi na muna para makapag-paalam sa amo niya sa trabaho at baka makahiram na rin ng pera para may maipandagdag sa bayarin sa hospital.
Napatango na lang si Aling Myra bilang pagsang-ayon.
-
Naglalakad na si Renz pauwi sa kanila. Uuwi muna siya para kumuha ng ilang gamit ng ina at kapatid, alam niyang magtatagal si Clark sa hospital.
Nakapagpaalam na siya sa kaniyang amo sa construction na 'di na muna makakapasok sa araw na 'yon dahil isinugod nila sa hospital ang bunsong kapatid.
Nakahiram na rin siya ng konting pera pandagdag sa mga gastusin.
Nang medyo malapit na siya sa kanilang barung-barong ay may tumawag sa kaniya.
Lumingon s'ya para malaman kung sino iyon.
"O, Ato ikaw pala, may kailangan ka ba?" Tanong niya. Huminto muna siya para maabutan ng kan'yang kaibigan.
"Renz, nabalitaan ko na isinugod n'yo si Clark sa hospital, kamusta na siya?" Humihingal na wika ni Ato ng maabutan nito si Renz.
"Hindi maganda ang lagay niya Ato, kakailanganin din namin ng malaking halaga para sa gamutan niya," malungkot na sagot ni Renz na napabuntong-hininga pa.
Natigilan naman ng ilang saglit si Ato na tila may naisip na solusyon.
"Alam ko na Renz kung sino ang makakatulong sa'yo," galak na wika ni Ato, napapitik pa ito sa hangin.
Nangunot-noo naman si Renz. Hindi niya mahulaan ang ibig sabihin ng kaibigan.
"Hay naku Renz, tanda mo pa Josh?" Turan tanong ni Ato.
Napatango na lang ang binata at hinantay na lang na muling magsalita ang kaharap.
"Nakita ko siya no'ng isang araw. Aba! halos 'di ko nga makilala eh ibang iba na ang hitsura at ayos, inimbitahan niya ako sa bago niyang bahay. Asensado na siya naambunan pa nga ako ng grasya," k'wento nito.
"Pa'no siya naging mayaman?" Tanong ni Renz.
"Hindi ko alam, kapag tinatanong ko kung pa'no siya nagkapera ngumingiti lang saka Renz 'wag mo nang isipin 'yun. Isipin mo puwede mong mautangan si Josh pandagdag sa gamutan ng kapatid mo," ani pa nito.
Napaisip si Renz. Tama ang kaibigan. Maari siyang humiram ng pera kay Josh kung totoo man na mayaman na ito.
Matapos magpaalam sa isa't isa, dumeretso si Renz sa bahay ni Josh ibinigay sa kaniya ni Ato ang address.
-
Halos malaglag ang panga ni Renz ng makaharap ang kaibigang si Josh.
Marangyang-marangya ang ayos nito. Mula sa kasuotan nito pang itaas hanggang sa pang ibaba.
Agad siya nitong inasikaso at binigyan ng makakain.
Pagkatapos ng kamustahan tinanong niya ito kung paano ito yumaman.
"Bakit bro, gusto mo bang magkaroon ng pera tulad ko?" Tanobg ni Josh.
Napatango si Renz. Lahat gagawin niya para sa kaniyang ina at kapatid.
"Talaga kahit buhay mo ang kapalit? O, maging katulad ko na--" tanong nito kasabay ang pagtaas ng mahabang manggas na suot.
Nanlaki ang mata ni Renz sa nakita dahil ang mga braso ni Josh ay hindi na tulad ng dati, artificial na lang ito.
"P-paano? A-anong nangyari sa mga braso mo?" Paputol-putol na tanong ni Renz sa kaibigan.
"Bro, alam mo naman lahat ng bagay sa mundo nati'y hindi na libre. Sa tingin mo ba nanalo ako sa lotto kaya ako yumaman? Nagkakamali ka. Ibinenta ko ang isa kong braso para matamasa ko ang kinatatayuan ko ngayon," mapait na wika ni Josh.
Napatingin dito si Renz.
Ikinuwento sa kan'ya ni Josh kung paano niya nabenta ang braso kapalit ng malaking halaga. Iyon ay isasali siya sa isang subasta, kung saan siya at ang parte ng kan'yang katawan ang isusubasta kapalit ng malaking halaga. At ang parte na naibenta at nabili ng mga sumubasta'y kukunin sa marahas na paraan. Kuwento din ni Josh na nagising na lang siya na may benda na ang isang braso at putol na ito.
At paglabas niya ng kuwarto nakita niya ang dalawang aso na parang may pinag-aagawan at ng sipatin niya gusto niyang masuka ng makita na ang kinakain at pinag-aagawan ng mga aso ay ang kan'yang putol na braso. Sa isang sulok naman ng kaniyang mga mata kitang-kita niya sa mukha ng nakabili ng kan'yang braso ang galak habang pinagmamasdan ang hayok na pag-ngasab ng mga aso sa kaniyang braso. Kasabay nakita rin niya ang pagtusok ng tinidor nito sa hawak na platito at kitang kita ni Josh na may sinubo itong putol na daliri.
Mula noo'y hindi na bumalik doon si Josh.
Nang marinig iyon ni Renz hindi siya makapaniwala. May mga ganoon pa lang mga tao na bumibili ng nga parte ng tao para sa kanilang personal na kasiyahan.
-
BINABASA MO ANG
URBAN LEGEND STORIES (UHS Writing Contest 2017)
HorrorKaramihan sa atin ay pamilyar na sa ilang mga fictional horror character gaya nina Slender Man, Jeff the Killer, Ben Drowned, Slit Mouthed Woman, Sadako, Chucky, Freddy Krueger, Jason at marami pang iba. Kapag narinig natin ang mga pangalang iyan, a...