Kabanata 12

96.5K 2.2K 119
                                    

Kabanata 12: Past

Alexa’s Point Of View

Malaki ang pinagkaiba nila Lance at Clark. Malayong-malayo ang pag-uugali nila sa isa’t isa.

Kilala ko si Lance bilang masiyahing tao, palabiro kahit na hindi naman nakakatawa ang biro niya dahil sa sobrang ka-corny-han. Kilala ko naman si Clark bilang mainitin ang ulo. Nang magpasabog ng kasungitan ang Diyos ay parang sinalo o naglalangoy roon si Clark dahil sa saksakan ng kasungitan niya.

At isa ‘yon sa kinatatakutan ko ngayon. Malaki ang posibilidad na talagang magkapikunan ang dalawang ito. Kung ang magkapareho nga ng ugali ay nagkakapikunan pa rin, sila pa kayang halos magkaibang-magkaiba ng pag-uugali?

Ramdam na ramdam ko pa rin sa kanilang dalawa ang namumuong tensiyon sa pagitan nila, at patuloy pa rin sila naglalabanan sa mga titigan nila na akala mo ay hinihintay lang na may gawing mali ang kalaban bago sumugod.

Patuloy pa rin ako sa pag-isip ng paraan para maputol na itong tensiyon sa pagitan nila. Kailangang may gawin ako. Hindi ko puwedeng hayaan na tuluyang mag-away sila.

“Lance,” lumapit ako kay Lance at hinawakan ito sa braso, na siyang sana hindi ko na lang pala ginawa. Dahil kasi roon ay mas sumama ang tingin ni Clark kay Lance. Napabitiw tuloy ako kay Lance nang wala sa oras. “L-lance, umuwi ka na... O-okay na a-ako rito. S-salamat sa paghatid.”

Bumaling ang tingin niya sa akin. Ang mga mata niyang may masamang tingin kanina kay Clark ay biglang naglaho. “You sure?”

Kaagad akong tumango. “Oo naman. Sige na, umuwi ka na. Masyado na kitang naaabala,” lumapit ako kay Clark at hinawakan ito sa braso. “Tara na, pasok na tayo!”

Nawala ang matalim na tingin niya kay Lance at bumaling sa akin at pinakatitigan ako. Bahagya kong hinila ang braso niya dahilan upang mapabuga siya ng hangin. “Fine!”

Lumuwag nang kaunti ang paghinga ko. “Sige na, Lance, pasok na kami. Mag-iingat ka sa daan!” sigaw ko kay Lance at muling hinila ang braso ni Clark. Hindi muna siya nagpahila sa akin, muli pa sila nagbigayan ng nakakamatay na tingin ni Lance bago siya tuluyang magpahila sa akin papasok sa loob ng gate.

Ini-lock ko ang gate at saka ko binitiwan si Clark. Malakas akong napabuga ng hangin.

Oh, god. Muntik na ‘yon!

Kung nagkataon na tuluyan silang nagkapikunan, hindi ko alam ang gagawin ko. Alam ko pa naman kung paano magalit si Clark at ayaw kong makitang ganoon siya. Nakakatakot kasi siya. At natatakot ako sa maaaring gawin niya kay Lance kapag tuluyang nagdilim ang paningin niya.

“Alexandra!”

Kumalabog ang puso ko dahil doon, halos mapatalon ako sa kinatatayuan ko. “B-bakit?”

Magkadikit na magkadikit ang kilay niya habang nakatingin sa akin. Bakas na bakas sa pagmumukha niya ang galit at pagkairita. Mayroon pa akong isang emosiyon na nakikita sa mga mata niya, pero hindi ko maipaliwanag kung ano ‘yon.

“You need to explain. Follow me.” Maotoridad at mariin niyang sambit. Hindi na niya hinintay ang tugon ko at umalis na siya sa harapan ko.

Nakaramdam ako ng pagdadalawang isip kung susundan ko ba siya, alam ko naman kasi ang kahihitnan ng pag-uusap namin. Siguradong sesermunan na naman niya ako.

I'm His Property [PUBLISHED UNDER PSICOM]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon