Kabanata 23

58.7K 1.2K 199
                                    

Kabanata 23: Ako lang

Alexa’s Point of View

Walang kahit na anong ingay ang maririnig dito sa salas, ang tanging maririnig lang ay ang malakas na tunog ng pagpintig ng puso ko.

Nagkatingin lang kami sa isa’t isa nang maputol ‘yon dahil sa biglaang pagsalita ni Clark.

“Kami na.”

Dahil doon ay nanlaki ang mga mata ko at napatingin sa kanya. Hindi ko mabuka ang bibig ko dahil sa sinabi niya.

“What?” gulat na tanong ni Ninang Ellaine.

“Mom, kami na.”

Ilang sandaling napatitig sila sa amin, sila Mama at Papa naman ay tahimik lang at parang malalim ang iniisip. Naputol lang ang titigan namin sa isa’t isa nang magsalita si Ninong Tony.

“We’re happy for the both of you. Finally, naglevel-up na rin ang relationship nyo. Congrats, son.”

Hindi ako makapaniwalang tumingin sa kanya, nagshakehands sila ni Clark at pati na rin ni Papa at nagbeso naman sila ni Mama. Ganoon din ang ginawa ko sa kanila.

Ngayon ay pareho-pareho na silang nakangiti sa amin ni Clark, pero napansin kong may kakaiba sa ngiti nila ngayon. Hindi ko maipaliwanag kung ano ‘tong nararamdaman ko.

“Magbibihis lang muna kami.” Pagpapaalam nila Ninang Ellaine. Nagpaalam muna rin ako kay Clark at naglakad palapit kina Mama at Papa na mga mukhang seryoso pa rin ngayon, kaagad kong sinugod sila ng yakap.

“Na-miss ko po kayo,” at bumitiw na ako sa yakap saka bahagyang napayuko. “Ma, Pa, galit po ba kayo sa akin? Sa amin ni Clark?”

Alam ko kasing may mali sa kanila, hindi ko lang alam kung ano ‘yon. Basta’t may nararamdaman akong kakaiba sa kanila. Kabisado ko na ang mga magulang ko, kaya’t alam ko talagang may itinatago sila.

“Hindi naman, anak. Matanda ka na at alam mo na kung anong mali o ang tama. Pero kasi—” naputol ang sasabihin ni Mama nang biglang sumingit si Papa.

“Cheska...”

Dahil doon ay napakunot ang noo ko. Sa inaakto nila ngayon ay mas pinapalakas lang nila ang hinala kong may itinatago nga sila sa akin.

Natahimik silang dalawa.

“Kumain muna tayo.” Biglang aya sa amin ni Ninong Tony.

Nagkatitigan sila Mama at Papa at napabuntong hininga na lang. Nauna na silang maglakad patungo sa dining room kaya’t kaming dalawa na lang ni Clark ang naiwan.

Lumapit sa akin si Clark. “Hey, are you okay?”

Tumango ako at pilit na ngumiti. “Oo naman.”

“Nagalit ba sila?”

“Hindi, okay lang naman kina Mama at Papa.”

Napangiti siya.

“Tara na, pumunta na tayo doon.” Kapagkuwan ay aya ko sa kanya.

Ngingiti-ngiti siyang hinatak ako patungong dining room. Nang makarating kami doon ay nakahanda na ang lahat, kaya kumain na kami habang nag-uusap tungkol sa naging lakad ng mga magulang namin.

Matapos namin na kumain ng breakfast ay sinabihan na ako nila Mama at Papa na ayusin ko na raw ang mga gamit ko dahil uuwi na kami ngayon, kaya’t nagtungo na ako sa kwarto ko at inayos na ang mga gamit ko.

Habang nag-aayos ako ng maleta ay napatitig ako sa naging kwarto ko, matagal-tagal ko rin na nakasama ‘to. Napailing na lang ako at itinuloy na ang pag-aayos ng mga gamit ko.

Nang maayos ko na ang lahat ay tumayo na ako at hinatak ang maleta ko palabas pero napatigil ako nang makita ko si Clark sa mismong pintuan at nakasandal doon.

Napatitig siya sa akin hanggang sa nakapamulsang naglakad ito palapit sa akin. “Aalis ka na,” mas bakas ng lungkot ang boses niya.

Pabiro ko siyang kinurot sa pisngi niya. “Kailangan ko na kasing umuwi. At saka, malapit lang naman ‘yong bahay namin dito, ha? Ilang oras lang ang byahe.”

Sa totoo lang ay parang ayaw ko nang umalis dito, pero alam ko naman na hindi puwede ‘yon. Siyempre kailangan ko nang umuwi sa amin. Pero talagang mami-miss ko sila dito, lalo na si Clark.

Kinuha niya ang isa kong kamay at inilagay ‘yon sa pisngi niya at bahagyang hinalik-halikan habang nakatitig sa akin. Palihim akong napangiti. Sobrang cute niya kapag naglalambing siya, dahil doon ay mas lalo yata akong nai-inlove sa kanya.

“Kahit pa, parang ‘di ko kayang malayo ka sa akin.”

“Kaya mo ‘yan.”

“Noong dati ay oo, pero ngayon ay hindi na. Alexandra, ilang taon akong naghintay sayo. Parang hindi ko na kayang malayo ka pa sa akin.” Seryosong sambit niya at ipinagdikit ang noo namin.

Lumayo ako sa kanya ng bahagya nang may maalala ako. “Ano pala ‘yong sinabi mo sa kanila? Anong tayo na?” inis kong tanong sa kanya. Nagtaka ako nang ngumuso siya.

“Bakit? Hindi pa ba?”

“Hindi pa!”

Nagulat ako nang lumuhod ito sa harapan ko at hinawakan ang dalawa kong kamay habang nakatingin pa rin siya sa akin. “Alexandra Castañeda, can you be my girlfriend?”

Napangiti ako. Ang baduy man pakinggan, ang baduy man tingnan, pero ang sarap sa pakiramdam ng ginawa niyang ‘to.

“Yes.”

Alangan naman na magpakipot pa ako? Isang Clark Alcantara ang lumuhod sa harapan ko, isang Clark Alcantara na pinapangarap ng mga kababaihan. Ang tanga ko naman kung tatanggihan ko pa siya. At isa pa, alam na namin ang tunay na nararamdaman ng isa’t isa.

Nakangiting tumayo siya at hinalikan ako sa noo. “Good.”

Napanguso ako sa sinabi niya. “Ginawa mo naman akong aso.”

Bahagyang yumuko ito upang magkapantay ang mukha namin. “I love you...” natigilan ako sa sinabi niya.

Bakit sobrang lakas ng impact niyon sa akin? Bakit tagos sa buto ko ang mga salitang ‘yon? Bakit ang sarap pakinggan? ‘Yong tipong parang gusto kong ulit-ulitin.

Pakiramdam ko ay ang init ng pisngi ako, sigurado rin na namumula na ako ngayon. Parang ‘di ko na kayang pigilan ang kilig ko, tila gusto kong magtititili habang tumatalon sa kilig.

“Wala ka man lang tugon? Where’s my I love you, too?” may bakas ng inis na reklamo niya sa akin.

“I love you, too.” Sambit ko na nagpatigil sa kanya. Kita ko ang pamumula ng tenga niya na ikinangiti ko.

Nagawa kong pamulahin ang tenga ng isang Clark Alcantara. Kinikilig ba siya? Talaga bang may epekto ako sa kanya? Pareho kaya kami ng naramdaman nang marinig namin sa isa’t isa ang mga salitang iyon?

Mayamaya pa ay kinuha na niya ang maleta at bag ko at siya na ang naghila niyon saka hinawakan naman niya ako sa aking kamay.

May kung anong boltahe na naman tuloy ng kuryente ang dumaloy sa buong katawan ko. Grabe, kakaiba talaga ang epekto niya sa akin.

Nakangiting inangat niya ang magkasaklop naming kamay at ipinakita sa akin. “Ako lang ang puwedeng humawak ng kamay mo. Ako lang, wala nang iba.”

Sasagutin ko na sana siya kaso mabilisan niya akong hinalikan sa mismong labi ko.

“Ako lang din ang puwedeng humalik sayo. Ako lang, wala nang iba.” At saka dumampi na naman ang labi niya sa akin.

Ilang segundo ay tinigilan na niya ang labi ko pero nananatiling magkalapit ang mukha namin sa isa’t isa. Namungay ang kanyang mga mata kasabay ng paglitaw ng ngiti sa labi niya.

“Ako lang din ang lalaking puwede mong mahalin. Ako lang, wala nang iba.”

I'm His Property [PUBLISHED UNDER PSICOM]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon