Kabanata 21: Tears
Alexa’s Point of View
Hindi ko alam kung anong gagawin ko, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong sabihin o kung saan ako magsisimula. Basta’t nananatili lang kaming nakatingin sa isa’t isa. Sobra na rin akong kinakabahan kahit wala naman ako dapat na ipagkaba.
“C-clark...” Bulalas ko, ayon lang ang tanging lumabas sa bibig sa kabila ng dami ng gustong sabihin.
Wala pa rin na kahit anong emosiyon ang mababakas sa mukha mukha, at iyon ang mas nakakapagpadagdag sa kabang nararamdaman ko.
Maglalakad na sana ako palapit sa kanya pero nagulat ako nang tumalikod siya at kaagad na naglakad papalayo. Bahagya na lang ako natulala. Nabaling naman ang atensiyon ko kay Glaiza nang marinig kong siyang tumawa.
“Ang kapal ng mukha mong lokohin si Clark,” mapang-asar na sambit niya na labis kong ikinagalit. “Well, wala naman pala kayo ni Clark. Kaya’t okay lang ‘yon. Mas maganda nga ‘yon, magiging akin na si Clark.”
Nang hindi ko na mapigilan ang inis at galit ko sa kanya ay nagmamadali akong naglakad patungo sa harapan niya at buong puwersang binigyan siya ng isang malakas na sampal sa pagmumukha niya.
Gulat siyang napatingin sa akin dahil sa ginawa ko sa kanya. Gaganti sana siya sa akin ng sampal pero bago pa dumapo ang palad niya sa mukha ko ay napigilan ko na ‘yon. Gigil na gigil akong nakahawak sa braso niya, wala na rin akong paki kung bumaon man ang kuko ko sa balat niya at kahit na lumikha pa ‘yon ng sugat. Punong-puno na ako sa kanya.
“Tumigil ka na sa kahibangan mo, hinding-hindi mapapasayo si Clark!” gigil kong sigaw at pabalibag kong binitiwan ang braso niya.
Naglakad na ako papalayo upang habulan si Clark pero napatigil ako nang marinig kong tinawag ako ni Lance.
“Alexa!”
Dahan-dahan akong humarap sa kanya at kitang-kita ko sa pagmumukha niya ang labis na kalungkutan, napakagat ako sa ibabang labi ko at huminga ng malalim.
“S-sorry...” paghingi ko ng tawad sa kanya at tuluyan nang naglakad papalayo sa garden. Narinig ko pa na tinatawag niya ang pangalan ko pero hindi ko na siya nilingon at nagpatuloy na lang sa paglalakad, kailangan kong mahanap si Clark... Kailangan ko siyang makausap.
Bumalik ako sa loob ng venue upang tingnan kung nandito ba si Clark pero bigo ako, wala siya dito. Sinubukan ko rin na magtanong sa ibang guests na naririto pero hindi rin nila alam kung nasaan ito. Nasaan na ba siya?
Alam kong walang kami, alam kong laro lang para sa kanya kung ano man ang meron sa aming dalawa. Alam kong wala siyang paki kung ano man ang nakita niya. Pero kahit ganoon pa man, gusto ko pa rin na magpaliwanag sa kanya. Pakiramdam ko ay kailangan kong gawin ‘yon.
Lakad ako nang lakad kung saan-saan upang mahanap siya, naikot ko na ang buong venue pero wala pa rin akong nakikitang Clark. Kaya walang buhay at bagsak ang balikat na naglakad ako palabas ng venue, wala na dito ‘yong mga media na kanina lang ay wagas kung makakuha ng picture. Naglakad ako sa gilid ng kalsada habang malalim ang iniisip. Malalim na rin ang gabi at nilalamig na ako dahil sa ihip ng hangin, lalo na’t ganito pa ang suot kong dress.
Iniwan na ba ako ni Clark?
Habang naglalakad ako ay may napansin akong lalaking nakaupo sa bench sa ilalim ng poste, nakayuko ito at tila problemadong-problemado. Nabuhayan ako ng loob. Kahit hindi ko nakikita ang mukha ng lalaking iyon ay kilala ko na ‘to, hindi ako puwedeng magkamali.
Dahan-dahan akong naglakad patungo kung nasaan siya at maingat na umupo sa tabi niya. Alam kong alam niyang nandito ako sa tabi niya, pero bakit hindi niya magawang tingnan man lang ako?
Malalim na bumuntong hininga ako upang mabawasan ang kabang nararamdaman ko, kailangan kong lakasan ang loob ko. Kung hindi niya ako papansinin, pwes, ako ang gagawa ng paraan para mapansin niya ako. Magpapaliwanag pa rin ako kahit na hindi naman niya kailangan ang paliwanag ko.
“Clark, please. Let me explain...” punong-puno ng pagmamakaawa kong sambit.
Lance’s Point of View
Matapos na umalis ni Alexa ay naiwan kami ni Glaiza, na mukhang galit na galit pa rin dahil sa ginawa sa kanya ni Alexa. Kahit ako ay nagulat din sa pananampal sa kanya ni Alexa, ngayon ko lang nakitang nagalit ng ganoon.
Malalim na bumuntong hininga ako at naupo sa mga damo at muling pinagmasdan ang kalangitan, ang sikip-sikip ng dibdib ko at parang hindi na ako makahinga dahil sa sakit na nararamdaman ngayon ng puso ko.
Bakit ang sakit?
Malinaw na sa akin, kahit ang simple niya lang na paghingi ng ‘sorry’ ay alam ko na ang ibig sabihin dahil hindi ako tanga para hindi malaman ‘yon. Malinaw na rin na pinili niyang iwanan ako kahit na tinatawag ko pa siya para lang mahabol niya pa si Clark. She’s inlove with Clark.
Naputol ang pag-iisip ko at napatingin kay Glaiza nang magsisigaw ito. “BWISET KANG ALEXA KA! ANG KAPAL NG MUKHA MONG SAMPALIN AKO!!” nagpupuyos sa galit niyang sigaw.
Inis na napailing ako dahil sa kaingayan niya, alam niya ba ang salitang may nag-e-emote? Dahil ‘yon ang ginagawa ko ngayon, tapos bigla siyang sisingit ng sigaw niya?
“Hoy, babaeng labas ang hita, manahimik ka nga riyan!”
Kaagad itong napalingon sa akin at pinukol ako ng masamang tingin saka nagdadabog na naglakad palapit sa akin. “IKAW ANG MANAHIMIK!” napatakip ako sa tenga ko dahil sa lakas ng pagkakasigaw niya.
“Ano ba? Gusto mo bang magsisigaw? Ha?” naiirita ko rin na sigaw.
“Oo! Ano bang paki mo?”
Inis akong tumayo mula sa pagkakaupo ko at walang pasabi na hinawakan siya sa braso niya at hinatak palayo dito sa garden. Hindi rin naman akong nahirapan na hatakin siya dahil hindi siya nagpupumiglas, nagpatuloy lang ako sa paghatak sa kanya hanggang sa makarating na kami sa parking lot.
Kinuha ko ang susi ng kotse ko na nasa bulsa ko at binuksan ang pinto ng kotse ko at ipinasok siya saka ako umikot at sumakay sa driver’s seat at nagsimula nang magdrive paalis sa venue.
Parehong tahimik lang kami sa byahe, at alam ko rin na pareho kaming nasasaktan ngayon. Mabuti na rin na pareho kaming tahimik, baka kasi sumabog na ang tenga ko sa kaingayan niya.
Ilang minuto pa akong nagdrive hanggang sa makarating na kami dito sa overlooking na palagi kong pinupuntahan tuwing malungkot o galit ako, dito ko kasi siya naisipan na dalhin dahil walang mga tao dito kaya’t makakasigaw siya dito.
Inihinto ko na ang kotse at saka binalingan siya ng tingin. “Labas,” maikling utos ko kay Glaiza at lumabas na sa kotse.
Naglakad ako patungo sa bandang gitna at dito sumalampak ng upo at muling tinitigan ang madilim at malawak na kalangitan, ilang sandali pa ay may naramdaman na lang ako na may umupo sa tabi ko.
“Anong gagawin natin dito?” mataray na pagtatanong ni Glaiza.
Wrong timing na naman siya. Magsisimula na sana akong magdrama dito, eh.
“Pumunta ka doon sa dulo at tumalon ka,” walang ganang sagot ko sa kanya.
“Bwiset ka! Gawin mo pa akong tanga!”
Natawa ako dahil sa sinabi niya. “Ganoon naman talaga ang ginagawa mo, ‘di ba? Nagpapakatanga ka kay Clark.”
Napairap siya sa sinabi ko. “Wow! Kung makapagsalita ka, parang hindi ka rin nagpapakatanga kay Alexa, ‘no?” kunwari ay natatawa niya pang sambit.
Napatigil ako sa tawa at ilang sandaling tinitigan siya hanggang sa mapait akong napangiti sa sinabi niya. Tama siya. Pareho lang kaming tanga.
“Pareho lang tayong tanga, nagpapakatanga tayo sa mga taong hindi kayang suklian ang pagmamahal natin para sa kanila.” May bakas ng lungkot kong sambit at nag-iwas ng tingin.
Halos nasa limang minuto rin namalagi ang katahimikan sa aming dalawa, alam kong pareho kaming malalim ang iniisip. Ngayong gabi ay pareho kaming nasaktan ng taong mahal namin.
“Isigaw mo na kung ano ang mararamdaman mo, walang makakarinig dito at wala rin na magrereklamo sa kaingayan mo.” Biglang sambit ko kay Glaiza at tumingin sa kanya. I gave her a smile.
Sa panahon na ganito, tanging ang mga sawi lang sa pag-ibig ang magdadamayan. Tanging kaming dalawa lang ang magdadamayan ngayong gabi.
Tumayo siya at humanda nang sumigaw. “Bwiset kang Alexa ka! Ano bang meron sayo na wala ako? Bakit hindi ako magawang gustuhin ni Clark? Bakit ikaw pa ang nagustuhan niya? Ako ‘yong taong kasama ni Clark noong mga panahong wala ka, pero bakit mas pinili ka pa rin niya kaysa sa akin?” malakas na malakas niyang sigaw na halos mapatid na ang litid ng leeg niya, matapos niyang isigaw ‘yon ay pabagsak siyang napaupo sa lupa at ngayon ay humahagulgol na ng iyak.
Bakit ba lahat ng babae ay iyakin?
Nilapitan ko siya at hinimas-himas ang likod niya upang mabawasan ang bigat na nararamdaman niya, hindi ko man alam kung paano magpatahan ng babae pero sapat na sana ito upang mabawasan ang bigat na nararamdaman niya.
Ako dapat ‘yong ganito, eh. Ako dapat ‘yong nagsisisigaw at mangangailangan ng kadamay. Pero bakit ngayon ay ako ang nagpapatahan?
“Okay lang ‘yan, makakaya rin natin ‘to. Makakalimutan din natin sila. Tiwala lang.” Pagkukumbinsi ko sa kanya.
Kabaliktaran ng sinabi ko ang sinasabi ng utak at puso ko. Sana ay ganoon nga lang kadaling kalimutan siya... sila. Pero alam kong hindi ‘yon madali. Matatawag mo pa ngang imposible dahil sa hirap na gawin.
“Bakit kasi g-ganoon? Wala naman akong ibang gusto kundi ang m-mahalin din ako ni Clark, pero b-bakit kahit ‘yon lang ay hindi mangyari-yari?” humuhikbi niyang tanong, panay pa rin ang pag-agos ng luha sa mga mata. Kumakalat na rin ang make-up niya sa pagmumukha niya.
Wala akong maisagot sa tanong niya. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong sabihin.
Binitiwan ko siya at tumayo ako saka sumigaw katulad ng ginawa niya kanina.
“I really hate you, Clark! Dahil sayo, hindi ako magawang gustuhin ng babaeng mahal ko! Palagi ka na lang talaga sagabal sa buhay ko!”
Wala na akong paki kung may makarinig man sa akin na ibang tao at isipin nila na bitter ako. Anong magagawa ko? Nasaktan ako, eh. Bakit? Tanging mga babae lang ba ang puwedeng masaktan? Ang puwedeng maging bitter? Nasasaktan rin kaming mga lalake, may damdamin din kami.
Alam kong maraming ng ang mga lalaking manloloko, pero hindi lahat ay ganoon. Mayroon pa rin naman na lalaking matino, parang ako. Pero kahit na matino ako at tunay kung magmahal, hindi naman ako magawang gustuhin ng babaeng mahal ko.
Bakit napakadaya ng pag-ibig? Mahal ko siya, may mahal siyang iba, at alam kong mahal rin siya ng taong mahal niya. E‘di ano ako? Ano ang papel ko sa pagmamahalan nila? Extra lang sa kanilang dalawa?
Muli akong napaupo sa lupa at kasabay ng pagbagsak ko sa lupa ay pagbagsak rin ng mga luha kong kanina pang gustong lumabas, dahil hindi ko na kayang tiisin ang sakit... Ang sakit na nararamdaman ng puso kong sawi dahil kay Alexa at Clark.
Bakit kailangang maging ganito kasakit ang pagmamahal?
BINABASA MO ANG
I'm His Property [PUBLISHED UNDER PSICOM]
RomanceUnpredictable, that's what love is. You'll never know who you'll fall in love with and when love will strike. You'll just find yourself in love. Ganoon nga ang nangyari kay Alexa Castañeda. Ang simpleng plano niyang tumira sa bahay ng ninong at nin...