1

20.9K 305 19
                                    


"Pagkatapos ng field trip n'yo, mag-text ka agad para masundo kita," bilin ni Mrs. Darla Pineda, Ayu's dear mother.

Dinig iyon ni Ayu mula sa banyo. Nasa loob lang din kasi ito ng kanyang kuwarto, inihahanda ang mga gamit niya kahit kagabi pa lang ay naka-ready naman na talaga ang mga iyon. Paulit-ulit lang na inilalabas ng mama niya ang mga nasa loob ng kanyang backpack para siguruhin daw na wala siyang maiiwan.

"Nauna na sa lumang bahay si Dara at ang papa mo. Kailangang bago gumabi, nandoon na rin tayo," sabi pa nito.

October 31 na. Wala na dapat pasok sa school. Wala nang activities. Wala nang field trips. Dapat nakahilata lang siya ngayon sa backseat ng sasakyan nila papunta sa Cavite, ang hometown ng papa niya.

Pero dahil dakilang KJ ang teacher nila sa History, napag-iwanan na tuloy si Ayu ng kakambal niyang si Dara. Sa ibang school kasi ito nag-aaral. Exclusive school for girls. Kaya malamang, pa-petiks-petiks na lang ngayon ang kapatid niya sa lumang bahay na pag-aari pa ng lolo't lola niya sa father side.

Ang matatanda rin ang dahilan kung bakit kailangan nilang magpunta sa Cavite. Dadalawin nila ang mga ito bago pa sila maunahang dumalaw sa kanila. Mag-u-Undas na kasi.

Sa probinsiya nila iyon ise-celebrate. Ang sabi ng mommy ni Ayu, hanggang sem break daw sila roon. Ayos na rin siguro iyon. November 8 pa naman ang balik nila sa school.

Kung bakit lang kasi may field trip pa sa araw na iyon.

"Huwag kang magpapagabi, ha! Baka kapag niyaya ka ng mga kabarkada mo, sumama ka naman. Tandaan mo, dapat hindi tayo gabihin sa daan," muling paalala ng mama niya.

Napakamot siya ng ilong. "Mama, half-day nga lang 'yong field trip namin."

"Sige. Aabangan na lang kita sa labas ng school n'yo after lunch."

"Puwede naman kasing hindi na lang ako sumama. Gawan mo na lang ako ng excuse letter," angal niya.

Ayaw talaga ni Ayu sa field trip na iyon. Mabuti sana kung kasing-exciting iyon ng pagpunta sa Crocolandia. Pero hindi. Sa lumang bahay lang naman ng kanunu-nunuan pa ng teacher nila ang kanilang destinasyon. Ano pa ba ang aasahan niya sa isang historical field trip?

"Hindi. Palagi ka na nga lang nakaharap sa laptop mo. Mabuti nang sumama ka sa field trip na 'yan. Ayaw mo bang makita ang mga sandatang ginamit ni Bonifacio para ipaglaban ang kalayaan?"

"Hindi nga kami sa museum pupunta, Mama. Sa lumang bahay lang ng teacher namin. Ano'ng gagawin namin do'n?" reklamo niya habang nagsasabon ng katawan.

"Bahay nila?"

"Bahay raw ng lola ng lola ng— ah, ewan! Wala akong balak mag-trace ng family tree nila."

Tumawa ang mommy niya. "Baka classmate ni Bonifacio ang lola ng lola ng lola niya? Punta ka pa rin. Mag-e-enjoy ka do'n."

"Hindi ako mag-e-enjoy do'n." Siguradong-sigurado si Ayu sa bagay na iyon.

"Sayang ang attendance. Half-day lang naman. Pumunta ka na. Kagabi ko pa inihanda ang mga gamit mo. Fully-charged na rin 'yong camera. Mag-selfie ka nang marami para makita ni Dara at ng papa mo ang naging lakad n'yo. Okay?"

Hindi na lang sumagot si Ayu at itinuloy na ang paliligo. Pagkatapos, nagbihis na siya. Simpleng puting T-shirt at jeans ang suot niya. Sneakers naman ang sa mga paa.

"Mama! 'Yong medyas ko?" tawag ni Ayu. Wala na ito sa kuwarto paglabas niya ng banyo.

"Nasa sampayan pa siguro!"

Binitbit na lang ni Ayu ang sapatos, kinuha ang backpack at nagtuloy na palabas ng kuwarto.

Nasa kalagitnaan pa lang ng hagdan, dinig na niya ang usapan ng kanyang mama at ng kapitbahay nilang si Mrs. Fajardo. Classmate ito ng mama niya sa daldalan.

Inilapag ni Ayu ang backpack sa mesa at nagpunta sa back door. Nandoon nga ang mga sampay nila. Hindi ugali ng mahal niyang ina na ipasok ang mga damit kapag mamasa-masa pa. Kailangan, natusta muna ng sikat ng araw ang mga sinampay bago nito ipapasok sa loob at tutustahin uli—sa init ng plantsa.

Kumuha siya ng pares ng medyas sa sampayan.

Bilin ni Mr. Patag, ang history teacher nila, na magsuot sila ng medyas. Dahil lumang bahay raw ang pupuntahan nila, kailangan nilang magpaa habang nasa loob. Ipapaiwan daw nito ang mga sapatos nila sa front door. Kailangang nakamedyas sila para hindi marumihan ang sahig.

Dinala ni Ayu ang medyas sa komedor at doon nagsuot, saka isinunod ang sapatos. Nagtsi-chikahan pa rin ang mama niya at si Mrs. Fajardo.

Inayos niya ang pagkakalapat ng jeans sa katawan. Kinapa ang smartphone sa bulsa sa likod ng pantalon. Okay, ready na siya.

"Alis na 'ko, 'Ma," paalam ni Ayu habang palapit sa dalawang ginang. Hindi pa nangangalahati ang inihandang juice ng kanyang mama para kay Mrs. Fajardo. Inuna pa talaga ang daldalan.

"Mag-iingat ka do'n, ha?"

Napatitig siya sa ina. "'Di mo ako ihahatid sa school?"

Doon ang meeting place nila-sa main gate ng St. Raphael High School, his beloved school.

"Mag-jeep ka na lang. May pinag-uusapan pa kami nitong si Myrna."

"Okay. Alis na 'ko." Humalik siya sa pisngi ng ina at tinanguan si Mrs. Fajardo.

Masama ang loob na nilagpasan na ni Ayu ang mga ito. Hindi pa naman siya nagdala ng ekstrang damit dahil akala niya, ihahatid at susundin siya ng kanyang mama. Hindi na siya pagpapawisan sa pakikipagsiksikan sa jeep.

"Mag-taxi ka na lang pala, Ayu! Sayang 'yang damit mo. Pinlantsa ko pa naman nang maigi 'yan kagabi," pahabol ng kanyang dear mother.

"Opo."

"After lunch, nando'n na ako sa labas ng school, ha? 'Wag kang gumala."

Duda si Ayu sa sinabi ng kanyang mama. Dahil kasi sa pagiging madaldal, nangunguna ito lagi sa pagkakaroon ng Filipino time attitude.

Nakalabas na siya ng gate nila at pumapara na ng paparating na tricycle.

"Huwag kang maglilikot do'n! Baka maengkanto ka!" pasigaw na bilin uli ng kanyang mama.

"Sinabi nang lumang bahay ang pupuntahan, hindi gubat," paghihimutok niya.

"Saang lumang bahay?" tanong ng tricycle driver. Inakala yatang ito ang kinakausap niya.

Sinabi na lang niya ang destinasyon. "Sa St. Raphael po."

"May lumang bahay sa St. Raphael?"

Napakamot na lang siya ng ilong.

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon