"ANONG nawawala si Luchi?" bulalas ni Ayu sa kausap sa kabilang linya. Kausap uli niya si Joaquim kinabukasan.
"'Yon na nga, brod. Sabi n'ong napagtanungan ko, bigla na lang daw nawala si Luchi. 'Di na nila ma-contact."
Salubong na ang mga kilay ni Ayu. "Sa'n nagpunta?"
"Ang usap-usapan, baka raw naglayas kasi mahigpit daw talaga 'yung kuya n'on sa kanya. Alam mo naman dati pa na gala na 'yon."
"Kailan daw nawala?"
"Last week lang din, brod. Walang nakakaalam kung nasaan na siya ngayon," sagot ni Joaquim. "Isipin mo 'yon? Sabay pa kung kailan ako nagsimulang makatanggap ng mga sulat galing kay Mariquit Conde."
Naisip ni Ayu na noong mga panahon ding iyon nagsimula ang pagkikita nila ni Julia.
"Ibig sabihin, konektado talaga 'to do'n sa mga kinuha n'yo?" tanong niya.
"Malalaman lang natin kung makakausap natin si Luchi, brod."
"Ganito na lang, maya't maya mong tawagan 'yong napagtanungan mo kung nakabalik na ba si Luchi, saka natin puntahan sa kanila. Sasamahan kita."
"'Buti ka pa, brod, wala kang pinoproblema." Bumuntong-hininga si Joaquim. "Sana nakinig na lang ako sa 'yo n'on. 'Di ko na lang sana dinala 'yong diary. Sakit tuloy ng ulo ko."
Napaisip si Ayu sa sinabing iyon ng kaibigan. Wala itong kamalay-malay na nagdala rin siya ng bagay mula sa bahay ni Mr. Patag.
Ang litrato...
Nasaan na nga ba iyon? Huling nakita ni Ayu ang picture noon pang pagkagaling nila sa lumang bahay ten years ago. Pagkatapos, nawala na nang tuluyan sa isip niya ang tungkol sa picture.
Napalitan kasi ng alaala ni Julia ang buong pansin niya.
Pero ngayong muli niyang naalala ang litrato, hindi niya maiwasang itanong sa sarili: sino kaya ang babaeng nasa litrato?
"Brod, may tanong ako," narinig niyang tanong ni Joaquim.
"Yeah?"
"Nakatanggap uli ako ng sulat kaninang umaga. Ang sabi, magkita raw kami. Hihintayin daw niya ako, brod."
"Tapos? 'Wag mong sabihing pupunta ka?"
Matagal na katahimikan ang namayani sa kabilang linya. Inakala ni Ayu na pinutol na ni Joaquim ang tawag pero bigla itong nagsalita.
"I'm planning to go, brod."
"Lintek 'yan. Ba't pupunta ka pa? Akala ko ba litong-lito ka na? Saka baka kung ano'ng mangyari sa 'yo, brod," paalala niya.
"Bahala na siguro," sagot ni Joaquim. "Basta pakiramdam ko, kailangan kong pumunta."
Matagal ding natahimik si Ayu. Mayamaya, bumuntong-hininga siya. "Sige. Basta kung anuman ang mangyari, i-update mo 'ko, brod."
"All right."
Pagkatapos makipag-usap kay Joaquim, ang mama naman niya ang tinawagan.
Sinagot nito ang tawag niya pagkatapos ng ilang ring. "Hello?"
"'Ma? Kumusta kayo diyan sa bahay?"
"Okay lang. Lumabas ang papa mo kasama si Paco. Maghahanap na raw ng puwedeng pasukan ni Paco sa darating na pasukan." Balak daw kasing mag-aral uli ng soon-to-be-bayaw niya. Gusto raw nitong maging History teacher. "Kaya naisip ng kakambal mo na mag-girl bonding kami."
"Namasyal kayo?" tanong ni Ayu. Hindi niya maiwasang mangiti habang iniisip na kasa-kasama si Julia ng kanyang ina at kapatid. Masaya siya na kasundo ng dalaga ang pamilya niya.
"Anong namasyal? Gagastos pa kami? Iba ang klase ng bonding namin." Mukhang proud na proud pa ang kanyang ina.
"Eh, ano'ng ginawa n'yo?"
"Naglinis kami ng buong bahay para kumukutitap na ang house natin sa New Year." Tumawa ito.
Napailing na lang si Ayu. "Pauwi na pala 'ko, 'Ma. May gusto kayong ipabili?" Galing siya sa post-Christmas party sa ospital na pinapasukan.
"O, may gusto raw ba kayong pasalubong kay Ayu?" narinig niyang tanong ng kanyang mama.
Mayamaya pa, narinig niya ang boses ni Dara mula sa background. "Snacks! Maraming-maraming foods."
"Ikaw, Julia. Ano'ng gusto mo?" tanong uli ng mama niya.
Boses naman ni Julia ang sunod na narinig ni Ayu. "Wala ho. Pakisabi na lang kay Ayu na mag-iingat siya sa pag-uwi."
"Kambal! Ikaw raw ang gusto niyang pasalubong!" sigaw ni Dara.
Bungisngisan na ang kasunod niyon. Natatawang napailing na lang din si Ayu.
ttom:.00��Y�Q�3
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
RomansThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...