19

5K 133 7
                                    

PABILING-BILING sa higaan si Julia. Kahit anong pilit ay hindi siya makatulog. Hindi kasi niya matagalan ang lamig ng silid na ipinagamit sa kanya. Pakiramdam niya, anumang sandali ay maninigas na siya. Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa silid na iyon at ganoon na lang kalamig ang ibinubuga ng hangin.

Nanginginig na bumangon si Julia mula sa kama. Hindi niya alam kung anong oras na nang mga sandaling iyon pero balot na ng katahimikan ang paligid. Siya na lang yata ang natitirang gising.

Kung hindi lang sana mahirap makabalik sa panahong iyon ay kanina pa siya bumalik sa panahon niya. Doon na lang sana niya palilipasin ang gabi. Pero ayaw na ni Julia na isugal ang pagkakataon. Baka abutin na naman siya nang ilang araw bago makabalik sa panahon ni Ayu.

At hindi niya iyon gusto. Nawiwili na siyang manatili roon. Lalo pa ngayong nagkita sila ni Manong Topacio. Pakiramdam niya, nakahanap siya ng kakampi sa katauhan nito sa estrangherong lugar na iyon.

Nagpasya si Julia na lumabas na lang ng silid. Sa upuan sa sala na lang siya matutulog sa gabing iyon. Sana lang ay magkasya siya roon. Pero pagbukas niya ng pinto, si Ayu ang bumungad sa kanya.

Nabitin pa sa ere ang tangka nitong pagkatok.

"H-hi," sabi ng binata, kalahating ngiwi at kalahating ngiti ang mababakas sa mukha.

Alam ni Julia na pagbati ang ibig sabihin ng sinabi nito.

"Ikaw pala." Pilit niyang kinalma ang pusong parang hinahabol ng kabayo. "May kailangan ka?"

"Ah..." Nagkamot ito ng ilong. "Itatanong ko lang sana kung ayos ka lang ba."

Napangiwi si Julia. Naalala niya ang pinagdaanang kalbaryo sa lamig ng kuwarto. Sa katunayan, ramdam pa rin niya ang lamig. Tuluyan na siyang lumabas ng silid at isinara ang pinto.

Alanganing ngiti ang ibinigay niya kay Ayu. "Sa totoo lang, nahihirapan akong makatulog. Sobrang lamig ang ibinubuga ng hangin sa loob kahit pa sarado naman ang lahat ng bintana. Lubhang nakapagtataka."

Tumawa nang mahina si Ayu.

"Bakit? May nakakatawa ba sa aking sinabi?" sabi niya.

"Walang nakapagtataka do'n, Julia," sagot ni Ayu. "Kaya malamig ang kuwarto mo ay dahil sa aircon."

"Aircon?" kunot-noong ulit ni Julia, hindi maintindihan kung ano ang binanggit nito.

"Oo. Ginagamit 'yon para maging mas komportable ang pagtulog sa gabi. Kadalasan kasi, sobrang maalinsangan lalo na sa panahong ito."

"Ganoon ba?" usal ni Julia, tumango-tango. "Isa na naman palang imbensiyon na hindi ko inabutan."

Ngumiti lang si Ayu. "Gusto mo, magpalit na lang tayo ng kuwarto? Sira kasi 'yong aircon sa kuwartong gamit ko."

"Ayos lang ba sa 'yo?"

"Oo naman," agad na pagpayag ng binata. "Halika, ihahatid na kita sa kuwarto ko."

Sumunod si Julia. Katapat lang ng silid na ginagamit niya ang silid ni Ayu. Binuksan nito ang pinto para sa kanya.

"Pasok ka."

Bahagya siyang sumilip. Wala ngang kakaibang lamig na nagmumula sa loob.

"Sigurado ka bang ayos lang sa iyo na dito ako, Ayu?" paniniguro ni Julia.

Sunod-sunod na tumango ang binata. "Oo nga. Sige na, pahinga ka na. Maaga pa tayong aalis bukas."

"Maraming salamat," sinserong sabi niya.

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon