SUNOD-SUNOD na pagkalabit ang nagpabalik kay Ayu sa kasalukuyan.
"Lintek, brod! Ayoko na rito. Kinikilabutan na ako!"
Ang pawisang mukha ni Joaquim ang namulatan niya.
Napakurap si Ayu. Sa muling pagpikit, muli ring napakurap at pumikit. Pero hindi nagbabago ang paligid niya.
"Hah!" usal niya, hindi makapaniwalang iginala ang tingin sa paligid. Nasa ancestral house pa rin siya ni Mr. Patag!
"Brod, luha ba 'yan?" Nagtatakang nakaturo si Joaquim sa kanyang mukha. "Umiiyak ka? Nabakla ka na, brod?"
Kaagad na idinampi ni Ayu ang kaliwang kamay sa kanyang mukha. Tama si Joaquim. Basa nga iyon ng luha.
"'Uy, ano 'yang hawak mo? Old photos?" tanong pa ni Joaquim.
Napasunod ang tingin niya sa tinutukoy ng kaibigan. May hawak-hawak siyang litrato. Tiningnan niya iyon at pinagmasdan nang maigi.
Babae ang nasa litrato. Bumilis ang tibok ng kanyang puso.
Julia...
Noon dumating ang isa pa sa mga kaklase nilang si Luchi. May hawak-hawak itong kahon na kasinlaki ng kahon ng sapatos.
"Ano 'yan, Doquesne?" tanong ni Luchi kay Joaquim.
"Old pictures," sagot ni Joaquim. "Eh, 'yang hawak mo? Ano'ng laman niyan?"
Ngumiti si Luchi. "Love letters."
Naguguluhang tumayo si Ayu. Ano ang nangyari? Bakit bumalik siya sa pagiging sixteen years old? Ano iyong mga inakala niyang naranasan niya? Panaginip lang ba iyon lahat?
Pero may panaginip bang ganoon kalinaw? May panaginip ba na tandang-tanda pa niya ang lahat ng detalye? Ang mga pag-uusap. Ang mga emosyong naramdaman. Ang kasiyahan. Ang pagkabigo. Ang sakit.
"Hoy," tawag sa kanya ni Joaquim, "Anyare sa 'yo?"
Nasapo ni Ayu ang ulo. "Ang weird ng nangyari sa 'kin, brod."
"Kung nandito ka ba naman sa lumang bahay na 'to, hindi na kataka-taka 'yon," naiiling na sagot ni Joaquim. "Kanina pa nga 'ko kinikilabutan, eh. Baba na tayo."
Napatingin si Ayu kay Luchi na panay ang tingin sa mga pictures sa photo album kung saan niya nakuha ang litrato ni Julia.
Napatingin siya sa kipkip na kahon ni Luchi. "Hoy, isauli mo 'yan, ha. 'Wag mong iuwi sa inyo," sabi niya.
Pinagtaasan lang siya nito ng kilay. "Ba't mo alam na balak ko nga 'tong iuwi? Saka paki mo?"
"Makinig ka na lang sa 'kin. 'Di ba, sabi ni Sir, huwag tayong makialam sa mga gamit dito?"
"Bakit? Magsusumbong ka? Sige. Isusumbong ko rin kayo. Pinapakialaman n'yo 'yan." Nakanguso si Luchi sa photo album. "Saka ikaw nga rin diyan, eh. Ba't 'di mo pa rin binibitawan 'yang picture? Sino ba 'yan?"
Pilit na inilayo ni Ayu ang litrato ni Julia.
Noon nagmamadaling umakyat si Lukenn.
"Guys, formation na raw sa labas!" imporma nito. "Yes! Uwian na."
Patakbo nang bumaba si Luchi na hindi pa rin binibitawan ang dalang kahon.
"Tara na, brod," yaya na rin ni Joaquim. Inilapag na nito sa mesa ang photo album at nauna nang maglakad papunta sa hagdan.
Ilang sandali lang, sumunod na rin si Ayu. Pero natigilan siya nang mapatapat sa lumang grandfather clock. Umaandar iyon.
"Ba't umaandar 'to?" tanong niya kay Joaquim na pababa na. "'Di ba nakatigil lang 'to kanina?"
Lumingon ang kaibigan. "Anong nakatigil? 'Di naman 'yan sira."
Hindi na lang siya umimik at sumunod na kay Joaquim.
"Ano'ng nahanap mo sa 'taas?" pasimpleng tanong niya.
"'Di ka maniniwala, brod."
"Bakit? Ano nga?" tanong uli niya. "'Di naman diary?"
Napamulagat sa kanya si Joaquim. "Paano mo nalaman?"
"Diary nga?" Nagkunwari siyang nasorpresa. "Hula lang 'yon. Akalain mo 'yon, tumama ako."
Sunod-sunod na tumango si Joaquim. "Teka." May hinugot ito mula sa loob ng damit—nakaipit sa jeans. Isang lumang notebook.
"Iuuwi mo?"
"Na-curious nga 'ko. Babasahin ko 'to pero hindi dito. Nakakapangilabot dito, eh."
Napailing si Ayu. Tandang-tanda pa niya ang ganoong usapan nila.
"Kanino ba 'yang diary?" tanong uli niya.
Binuklat ni Joaquim ang lumang notebook. "Kay Mariquit Conde, brod."
"Mariquit?" ulit niya. Ganoon din ang pangalan ng nagmamay-ari ng diary na nakuha ni Joaquim sa panaginip niya. Kung panaginip nga lang iyon.
"Oo. Saka ang sabi pa rito, brod, sixteen lang din siya! Isipin mo 'yon? Kaedad lang natin." Dinunggol ni Joaquim ang balikat niya. "Marikit nga kaya 'to, brod?"
"Kung noong nineteen thirty pa galing 'yang diary, huwag mo nang alamin kung ano'ng hitsura. Masasaktan ka lang, brod."
"Kasi malamang patay na siya ngayon?"
"Hindi. Masasaktan ka lang dahil ang tadhana, mapagbiro. Pagtatagpuin kayo kahit hindi kayo ang nakatakda sa isa't isa."
Mataman siyang tinitigan ni Joaquim. "'Nakain mo, brod? Weird mo." Tuloy-tuloy na itong bumaba ng hagdan.
Naiwan si Ayu sa kalagitnaan ng hagdan. Wala sa loob na muli siyang lumingon. Hindi malaman kung tama ba ang naging desisyon.
Pero sa buhay, kailangang mamili. Sana lang, sa pagkakataong ito, tama na ang pinili niya.
Julia...
nagawa siY3
![](https://img.wattpad.com/cover/137158554-288-k428390.jpg)
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
DragosteThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...