Ikalabinsiyam ng Disyembre, taong 1896
Hindi makatulog si Julia kaya naisipan niyang bumangon na lang. Naupo siya sa paanan ng kama at hinilot ang sentido. Ramdam niyang parang pumipintig iyon. Resulta ng labis na pag-iisip dahil sa nagdaang usapan nila ni Nana Isabel...
"Pero bakit pagkalipas ng sampung taon lang siya muling nagparamdam, Nana?" naguguluhang tanong ni Julia.
Umayos ng upo ang matanda. "Hindi ko tiyak. Maaaring nangibang-bayan sila o kaya lumipat ng tirahan."
"Ibig sabihin, nasa bahay na 'to ang misteryo na bumabalot sa kagila-gilalas na pangyayaring 'yon sampung taon na ang nakalipas?"
Umiling ito. "Hindi ko 'yan masasagot, Julia. Pero sa buhay na punong-puno ng misteryo, paanong hindi ka maniniwala?"
"Naguguluhan ako, Nana. Hindi ko sigurado na 'yong nakita ko kanina ay siya ring nakita ko noon. Baka magkaibang tao sila."
"Mararamdaman mo 'yon, anak."
"Pero bakit nangyayari 'to sa akin?"
"Dahil 'yon ang nakatakda."
Lalo yatang gumulo ang lahat. "Nakatakdang magkita kami ng estrangherong hindi ko sigurado kung saan nanggaling?"
Ngumiti si Nana Isabel. "Nanggaling siya sa ibang panahon, Julia."
"H-ho?!" Namilog ang mga mata niya. "Ano'ng ibig n'yong sabihin?"
"Base sa deskripsiyon mo noon, ang hula ko ay hindi siya kagaya ng inakala mo na isang kaluluwa." Umiling ang matanda. "Katulad mo, buhay siya. Iyon nga lang, hindi siya nabubuhay sa panahong 'to."
"Paanong nangyari na nakita ko siya kung hindi pala siya nagmula sa panahon natin?"
"Maaaring may rason kung bakit nagkaroon ng lamat ang oras sa pagitan ng magkaibang panahon. Dahil do'n, nagagawa mong masulyapan ang hinaharap," makahulugang sagot ni Nana Isabel. "Alam mo ba kung gaano kamakapangyarihan ang oras? At ang nangyari sa 'yo ay isa lang sa magpapatunay n'on."
"H-hinaharap?" bulalas niya. "Paano kayo nakakasiguro sa bagay na 'yon?"
"Natatandaan mo pa ba ang puting papel kung saan nakaguhit ang 'yong mukha?"
Tumango si Julia. Hindi niya iyon magawang kalimutan dahil itinago niya ang papel at nasa kanya pa rin hanggang ngayon. "Ano po ang tungkol do'n?"
"Walang gano'ng uri ng papel ang panahon natin."
Napaisip si Julia. Tama si Nana Isabel. Magkaiba nga ang klase ng papel na ginuhitan ng kanyang mukha sa papel nila ngayon. Magaspang ang papel nila at medyo naninilaw, pero ang papel na naitago niya ay makinis, maputi, at may kalakihan.
"Pero ang nagpapagulo sa akin, paano 'yon nangyari? May mahika bang bumabalot sa akin? O kaya sa bahay na ito?"
"Hindi ko tiyak kung ano talaga ang dahilan kung bakit kayo pinagtagpo. Pero kung bakit nagkaroon 'yon ng mga kasunod pang pagtatagpo, dahil sa 'yong kagagawan, Julia," seryosong pahayag ni Nana Isabel. "May kinuha kang bagay mula sa ibang panahon."
"A-ang papel na ginuhitan ng estranghero?"
Tumango ang matanda. "Iyon lang ang rason na nakikita ko kung bakit muli siyang nagbalik."
"Pero bakit ang sabi mo noon, kalimutan ko na lang ang lahat? Inutusan mo pa akong isipin na isa lang panaginip ang nangyari."
"Isa 'yong pagkakamali. Dahil hindi mo puwedeng takasan ang tadhana. Maaaring iyon din ang dahilan kung bakit makalipas ang sampung taon, nakita mo na naman ang binatang nagmula sa ibang panahon. Dahil nagbalik na siya sa lugar na 'to." Itinuon ni Nana Isabel ang tingin sa mansiyon. "Dahil pilit siyang hinihila pabalik sa bahay na 'yan kung saan nagsimula ang lahat."
"B-bakit alam mo ang tungkol sa mga ganyan, Nana?" naitanong ni Julia.
Muli, ngumiti lang nang makahulugan si Nana Isabel.
Hinawakan ni Julia ang mga kamay ng matanda. "Ayokong magkaroon ng ganitong pagkalito. Paano ko matatapos ang lahat, Nana? May paraan ba para maputol ko ang ugnayan ko sa estrangherong 'yon?"
Mataman siyang pinagmasdan ni Nana Isabel. "Sigurado ka bang gusto mong tapusin ang lahat?"
Hindi siya makasagot.
At ngayon, patuloy pa rin niyang pinag-iisipan ang tungkol sa katanungan ni Nana Isabel. Bakit nga ba siya hindi makasagot? "Oo" at "hindi" lang naman ang pagpipilian niya. Pero bakit napakahirap sa kanyang bigkasin ang salitang "oo"?
Tumayo si Julia mula sa kama. Nilapitan niya ang kalapit na tokador. Umupo siya sa harap niyon at nanalamin.
"Ano ba 'tong nangyayari sa akin?" pagkausap niya sa sarili.
Kinuha ni Julia ang suklay at sinimulang suklayin ang alon-along buhok. Habang hinahagod ang buhok, muli na naman niyang naalala ang naging pag-uusap nila ni Nana Isabel.
Bumuntong-hininga siya at tumayo, lumapit sa mesang nasa gilid ng kama. Kinuha niya mula roon ang kahon, katabi ng kanyang larawan.
Binuksan ni Julia ang hindi kalakihang kahon at tumambad ang isang bagay. Ang papel na may guhit ng kanyang mukha. Kinuha niya iyon.
Pinakatitigan.
Sa pagdaan ng sampung taon, hindi malaman ni Julia kung bakit hindi niya iyon magawang itapon. Siguro dahil nasasayangan siya sa magandang pagkakaguhit sa kanya.
Bitbit ang papel, tumayo si Julia. Ibibigay niya kay Nana Isabel ang pangangalaga sa bagay na iyon. Bahala na ito kung itatapon o susunugin. Ayaw na niyang palaging maalala ang estrangherong nakita niya sampung taon na ang nakalipas.
Lumabas ng kuwarto si Julia at pinuntahan ang katapat na silid. Dating kuwarto iyon ng mag-asawang Urbano—ang mga magulang ni Topacio. Pero ngayon, si Nana Isabel na ang umookupa sa pinakamalaking kuwarto ng mansiyon. Si Manong Kadyo na ang umokupa sa dating kuwarto ng matanda sa ibaba.
Kumatok si Julia nang tatlong beses sa pinto ng silid ni Nana Isabel. Walang sagot mula sa matanda. Inulit niya ang pagkatok. At inulit pa. Hindi niya puwedeng ipagpabukas ang sadya. Baka kaya siya hindi makatulog ay dahil nasa pangangalaga pa rin niya ang papel na iyon.
Bakit ba hindi siya pinagbubuksan ni Nana Isabel? Pasado alas-otso pa naman ng gabi. Alam niyang oras pa lang iyon ng paggagantsilyo nito.
Inulit ni Julia ang pagkatok. Sunod-sunod. Baka hindi siya narinig ng matanda dahil subsob ito sa ginagawa.
Ilang sandali pa, nakarinig na siya ng kaluskos mula sa loob ng kuwarto. Palapit ang mga yabag sa pinto.
Hanggang bumukas ang pinto ng kuwarto.
"Paumanhin kung naabala kita—" Nagulat si Julia.
Dahil hindi si Nana Isabel ang nagbukas ng pinto kundi ang estranghero!
At nakahubad ito!
text#�YPِ3
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
RomanceThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...