14

4.6K 133 3
                                    

"SANDALI na lang 'to. Antayin mo na muna 'ko," pigil ni Ayu kay Julia.

"Hindi naman ako lalayo. Gusto ko lang libutin ang buong kabahayan."

Sinilip ni Ayu ang dalaga sa sala. Abala ito sa pagtingin ng mga family picture nila.

"Sasamahan kitang mag-ikot. Pero mamaya na. Please? Baka mawala ka pa," hindi napigilang sabi niya.

Gusto kasi ni Julia na libutin ang buong bahay. Titingnan daw nito ang ilan sa mga naging pagbabago ng mansiyon na pag-aari daw ng mga Urbano sa taong 1896.

"Ayoko lang namang makaabala sa 'yo." Sumunod si Julia sa kanya sa kusina. "Isa pa, hindi mo na ako kailangang samahan. Hindi naman ako mawawala rito dahil kabisado ko naman ang buong bahay."

"Hindi naman 'yon ang tinutukoy ko. Ang ibig kong sabihin, baka bigla ka na namang maglaho," paliwanag niya.

Nginitian siya ng dalaga. Iyong tipo ng ngiti na isang dalagang Pilipina lang ang makakagawa. Maski kasi ngiti nito, mahinhin.

"Hindi na ako basta-basta maglalaho dahil alam ko na ngayon ang dahilan ng aking biglaang paglalaho noong nakaraan."

Napatingin siya kay Julia mula sa hinihiwang mangga. "Talaga? Bakit?"

"Hindi mo ako puwedeng hawakan at ganoon din ako sa 'yo."

"Ano ka? Bula? Nawawala kapag hinahawakan?" bulalas niya.

Nagkibit-balikat ang dalaga. "Iyon ang sabi sa akin ni Nana Isabel. Sa tingin ko naman, tama siya sa kanyang sapantaha."

"Lagi ko na lang naririnig 'yang si Nana Isabel. Sino siya? Nanay mo?"

"Hindi. Pero siya na ang nagsilbing magulang ko mula nang mamatay ang Papa at Mama. Katiwala siya ng bahay na ito." Inilibot ni Julia ang tingin sa loob ng kusina. "Tiyak kong nasa loob din siya ng komedor nang mga sandaling ito. Naghahanda na iyon ng hapunan namin."

Natigil si Ayu sa paglalagay ng mga pirasong mangga sa blender. "Uuwi ka na?" Ipapatikim pa naman sana niya kay Julia ang mango shake. Sigurado kasi siyang walang ganoon sa panahon nito. Pero iyon pala, aalis din kaagad ito?

"Gusto mo na akong paalisin?" ganting-tanong ng dalaga.

"Hindi, ah! May ipapatikim pa ako sa 'yong klase ng inumin na siguradong wala sa panahon n'yo."

"Talaga?" Ngiting-ngiting lumapit si Julia sa kanya. "Iyan bang ginagawa mo ang iyong sinasabing inumin?"

"Oo. Kaya saka ka na umuwi. Ang layo kaya ng pinanggalingan mo, 'tapos hindi mo susulitin ang biyahe?" biro niya.

Tumawa nang mahinhin ang dalagang Pilipina. "Iyon din ang naiisip ko."

"Bakit hindi ka na lang din dito maghapunan?" alok ni Ayu. Kung magsasabi kasi siya ng totoo, gusto pa niyang kasama si Julia. Kung puwede lang na hindi na ito pauwiin pa, gagawin niya.

Natigilan siya. Bakit iniisip niya ang mga ganoong bagay?

"Gusto sana kitang paunlakan ngunit nakakahiya mang aminin sa 'yo, hindi ako marunong magluto," nakayukong sabi ng dalaga. "Lumaki kasi akong iba ang nagsisilbi sa amin."

"Ibig sabihin, mayaman kayo?" Humalakhak si Ayu. "Señorita pala dapat ang itawag ko sa'yo."

"Huwag. Saka hindi naman ako nagpapatawag ng ganyan kahit sino sa mga tauhan namin."

"Bakit naman?"

"Ayoko lang. Ayos na sa akin ang tawagin ako sa aking pangalan."

Tumango si Ayu. "Sabagay. 'Ganda kaya ng pangalan mo. Classic."

"Classic?"

"Hindi mo alam 'yong classic?"

Umiling si Julia. "Kagaya ng sinabi ko sa 'yo noon, limitado lang ang aking kaalaman sa Ingles. Natututo lang ako sa pakikinig tuwing may panauhin ang aking mga magulang na galing Alemanya o kaya ay Pranses. Ingles ang ginagamit nilang wika."

Nilalagyan na ni Ayu ng gatas ang laman ng blender. "Okay. Ipapaliwanag ko na lang sa 'yo kung ano ang ibig sabihin ng classic. 'Yong classic, hindi nawawala sa uso. Kagaya ng pangalan mo, hanggang ngayon nasa uso pa rin."

"Ganoon?"

Natawa si Ayu. "Gano'n." In-on na niya ang blender at umugong ang tunog.

"Diyos ko po! Ano ang tunog na 'yon?" bulalas ni Julia. "Baka nilulusob tayo ng mga Espanyol!"

"Hey, hey," awat niya, bakas sa mukha ng dalaga ang matinding panic. "Hindi 'yon galing sa mga Espanyol. Ito 'yong nag-iingay." Itinuro niya ang blender, in-off at on pa niya iyon para ipakita rito.

Nasapo ni Julia ang dibdib. "Diyos ko. Akala ko kung ano na."

"Saka magkaayos na ang mga Espanyol at ang mga Pilipino. Sa katunayan, may iba ngang Pilipina ang nakapag-asawa ng Kastila," pagkukuwento niya.

Halatang hindi makapaniwala ang dalaga sa pagkakatitig sa kanya. "Siyanga? Paano nila maaatim na gawing kabiyak ang isang kaaway?"

"Dahil binibini, ang pag-ibig walang kinikilalang kaaway at kakampi," puno ng wisdom na sagot ni Ayu. "Sa pag-ibig, walang imposible."

lass=MsoN��Y�h�3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon