Namamalikmata lang ba ako?
Laman iyon ng isipan ni Julia hanggang sa paglabas niya ng Mansiyon de Urbano. Para kasing may nakita talaga siyang lalaki na paakyat sa hagdan. Pero kung gaano kabilis na lumitaw iyon, ganoon din kabilis na naglaho.
Kaagad niyang ipinilig ang ulo.
Nilapitan ni Julia si Nana Isabel. Nagpapahinga ito sa lilim ng malaking punong-kahoy na pinalagyan nito kay Manong Kadyo ng upuang bakal. Tuwing hapon, doon niya laging nakikita ang matanda, nakaupong mag-isa at nakatanaw sa malayo.
"Nana," tawag niya.
"Kumusta ang mga pasyente mo?" tanong kaagad ng matanda.
Umupo si Julia sa tapat ni Nana Isabel. "Bumuti na po ang lagay nila, Nana. Sa katunayan, nakabalik na si Ka Temyong sa pamilya niya sa Balintawak."
"Mabuti naman kung ganoon. Basta ibayong pag-iingat lang ang gawin mo, Julia. Alam mo namang mainit sa mata ng mga Espanyol ang kilusan."
Isang sekretong organisasyon ang Katipunan na ang layunin ay ipaglaban ang kalayaan ng bayan mula sa mapang-abusong pamamalakad ng mga Espanyol. At isa si Julia sa mga kasapi ng Katipunan. Hindi lang siya basta kasapi. Malaki ang tungkulin niya sa Katipunan dahil isa siya sa gumagamot sa mga sugatan nilang kasamahan.
"Huwag kayong mabahala, Nana. Natitiyak ko namang napanatili ko ang aking sekreto bilang kasapi ng Kilusan," kampanteng sagot ni Julia. "Maayos ko namang nagagampanan ang trabahong iniatang sa akin ni Señor Fredo Melandri."
Nangongolekta siya ng buwis sa umaga para sa pamahalaan. Isa iyon sa rason na nagtulak sa kanya para sumali sa Katipunan. Hindi niya maatim na parang ninanakawan sila nang harap-harapan.
"Nag-aabono ka na naman ba para do'n sa mga hindi makapag-abot ng buwis nila?" tanong ni Nana Isabel, matamang nakatingin sa kanya.
Nagyuko siya ng ulo. "Ayoko ho kasing pinagmamalupitan sila ng mga Espanyol, Nana. Sigurado kong 'yon ang sasapitin nila oras na malaman ng pamahalaan na hindi sila regular na nakakapag-abot ng lingguhan nilang buwis."
Pumalatak si Nana Isabel. "Katulad na katulad ka ng iyong ama at ina noong nabubuhay pa sila. Palaging iniisip ang kapakanan ng iba. Paano ka naman?"
"Huwag kayong mag-alala, Nana. Maayos naman ang kita sa dalawang sangay ng Farmacia Catanzara." Iyon na lang ang naiwan sa kanya ng mga magulang. Inangkin na ng mga Espanyol ang ibang sangay ng kanilang tindahan, habang ang iba naman ay naibenta na sa mababang halaga.
Mahihirapan din kasi si Julia na pamahalaan ang mga sangay na nasa malayo. Hindi niya kaya ang maya't mayang pagbibiyahe. Isa pa, ayaw niyang iwan si Nana Isabel. Ito na lang ang matatawag niyang kapamilya.
Wala na ang kanyang mga magulang. Naunang namatay si Doña Lucresia. Nagkasakit ito nang malubha—sakit na nakuha pa nito mula sa ibang bansa nang minsang magpunta roon ang kanyang mga magulang. Nang pumanaw ang kanyang ina, hindi na naging kagaya pa ng dati ang amang si Don Lucio. Naging malulungkutin ito. Walang ibang bukambibig kundi ang kagustuhang makasama na ang asawa. Napabayaan na nito ang mga negosyo. Naiwang nakatiwangwang ang ibang sangay ng Farmacia Catanzara. Ni hindi na rin nanggagamot pa ang kanyang papa. Hanggang sa tuluyan na itong bawian ng buhay.
Ang nakatatandang kapatid naman ni Julia na si Felipa ay piniling sa Kabisayaan na manirahan kasama ang asawa. Minsan sa isang taon na lang sila magkita dahil abala na rin ito sa sariling pamilya.
Naiwang nag-iisa si Julia. Ni hindi na siya nakatapos ng Medisina dahil kinailangan na niyang tutukan ang pamamalakad ng natitira pa nilang negosyo. Hanggang sa dalawang sangay na lang ang naiwan sa kanya. Maging ang mansiyon nila sa Quezon ay nailit na ng bangko. Naisangla kasi iyon ni Felipa upang maipagamot ang kanilang ina.
Wala na siyang pamilya, wala pang bahay. Mabuti na lang at walang pagdadalawang-isip na tinanggap siya ni Nana Isabel sa Mansiyon de Urbano.
Mansiyon de Urbano.
Malaki rin ang naging parte niyon sa buhay niya.
"Nana," tawag ni Julia. Nakapikit kasi ang matanda na parang ninanamnam ang panghapong hangin at sikat ng papalubog na araw.
"Bakit, Julia?" tanong nito na nanatiling nakapikit.
Bahagya muna niyang sinulyapan ang malaking bahay. "Kanina kasi, Nana, parang may nakita akong lalaking paakyat ng hagdan."
Noon dumilat si Nana Isabel. "Si Topacio?"
"Hindi po si Manong," naguguluhan ding sagot niya. "Hindi po ba ang sabi n'yo, nasa malayong lugar na siya at hindi na babalik dito?"
"Tama. Nagpunta siya sa napakalayong lugar upang sundin ang itinitibok ng kanyang puso."
Hindi maintindihan ni Julia ang ibig ipahiwatig ni Nana Isabel.
"Pero alam n'yo po ba, Nana, kung ano ang usap-usapan sa kilusan? Ang sabi nila, siguradong nadakip si Manong Topacio sa huli niyang naging misyon at napatay na ng mga Kastila."
Makahulugang ngumiti si Nana Isabel. "Saan man ngayon si Topacio, natitiyak kong masayang-masaya siya."
"Sigurado 'yon, Nana." Nakapaglingkod si Manong Topacio sa bayan. Isa ito sa nakipaglaban para sa kalayaan. "Nakakapanghinayang lang at hindi ko na siya muling makakausap pa."
Muling sumeryoso ang ekspresyon ni Nana Isabel. "Tungkol sa sinasabi mong lalaki na nakita mo, ang ibig bang sabihin nito, nagbalik siya?"
Dahil sa tanong na iyon ng matanda, parang nabalik si Julia sa nakaraan. Noong labing-anim na taong gulang pa lang siya, eksaktong sampung taon na ang nakalilipas.
Ang estrangherong lalaki.
"Posible nga kayang nagbalik siya?" wala sa loob na tanong niya sa kawalan.
ttom:0in;margiY3
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
RomanceThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...