"BAKIT kaya hindi naglaho si Julia gayong napunit ang papel na nagsilbing daan niya papunta sa panahong 'to?" tanong ni Dara.
Kasama ni Ayu ang tatlo sa isang mesa-si Julia, si Paco, at ang kakambal niyang si Dara. Pinag-uusapan nila ang nangyari kani-kanina lang. Nagpapalitan ng haka-haka kung bakit hindi nabalik si Julia sa panahon nito gayong wala na ang papel na nag-uugnay sa kanilang dalawa.
"Hindi rin ako naglaho kahit pa nahawakan ako ni Ayu," sabi naman ni Julia.
Napatingin siya sa dalaga. Hindi lang niya ito basta nahawakan kundi nayakap sa sobrang takot na baka bigla na lang itong maglaho sa paningin niya.
"Hindi kaya kung saan man nasira ang papel, sa panahong 'yon na rin mananatili si Julia?" hinuha ni Paco.
"Ibig sabihin, hindi na siya babalik sa panahon niya?" tanong ni Ayu na nakaramdam ng kasiyahan.
"Maaari," sagot ni Paco. "Hindi ba't ang sabi n'yo, ang papel na 'yon naman ang tanging nag-uugnay sa inyo? Ngayong wala na 'yon, ibig sabihin, hindi na kailangan pang mamili ni Julia sa panahong gugustuhin niya. Ang kapalaran na mismo ang namili para sa kanya."
"Ang papel na iyon lang ang nalalaman kong paraan na nagbibigay sa akin ng pagkakataong masilip ang panahong 'to," sagot ni Julia. "Iyon ang paniniwala namin ni Nana Isabel."
"Wala bang taong may alam sa mga ganito? Kumonsulta na kaya tayo?" suhestiyon ni Ayu.
"Si Nana Isabel lang ang kilala kong may kaalaman sa ganito," sagot ni Paco.
"Bakit may alam siya, Manong?" tanong ni Julia sa lalaki.
"Dahil siya man ay nasubukan nang pumarito sa panahong ito, Julia."
Kitang-kita ni Ayu kung paanong bumakas ang pagkabigla sa maamong mukha ng dalaga.
Nagsalita na siya. "Paano na 'to? Ganito na lang? Paano kung bigla na lang maglaho si Julia?"
"Baka dedepende na 'yon kay Julia," sabi naman ni Dara. "Kung gusto pa ba niyang bumalik sa nakaraan o dito na lang siya magsimulang harapin ang hinaharap."
Dumako ang tingin nilang tatlo kay Julia.
Napayuko ito. "N-naguguluhan ako."
Wala sa loob na hinawakan ni Ayu ang kamay ni Julia at marahang pinisil. "'Wag kang mag-alala. Nandito lang kami na aalalay sa 'yo," pangongonsola niya.
"Tama. 'Di ka naman pababayaan ni Ayu, Julia," dagdag ni Dara. "Isa pa, nandito kami ni Paco."
"Maraming salamat sa inyo." Sunod na binalingan ni Julia si Ayu. "Lalo na sa 'yo."
"Basta ikaw."
Parang nanunukso ang ngiti ni Dara. "Alam mo, Julia, mabuti pa dito ka na lang talaga. Sigurado kasing kapag nawala ka, baka magbigti 'yang si Ayu."
"Dara," saway niya sa kakambal.
Baka kasi mailang na naman si Julia. Hindi ito sanay na tinutukso. Pero hindi iyon ang nangyari. Naramdaman ni Ayu ang pagpisil ni Julia sa kanyang kamay. Noon lang niya napansing magkahawak-kamay pa rin pala sila.
Nginitian siya ng dalaga nang tingnan niya. Awtomatikong napangiti na rin siya.
Biglang may lumapit na unipormadong katulong sa mesa nila. May dala itong cordless phone.
"Sir Ayu, nasa telepono po si Sir Joaquim."
bY3
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
RomanceThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...