25

4.1K 118 1
                                    

Kinabukasan...

"JULIA! Kakain na," tawag ni Ayu sa dalaga mula sa kusina. Pagkatapos ng breakfast nila kanina, nagpasabi kaagad si Julia na lilinisin daw nito ang kuwarto niya sa lumang bahay na iyon.

Mukhang hindi naman papipigil pa ang dalaga kaya pinagbigyan na niya. At ngayon nga, magtatanghalian na pero hindi pa rin ito bumababa mula sa itaas.

Gayunman, dinig ni Ayu ang tunog ng pagbubunot ng sahig sa itaas. Dahil doon, hindi niya maiwasang mapangiti. Walang dudang magiging mabuting asawa si Julia.

Mukhang kinakailangan na niyang pagplanuhan ang pagpo-propose ng kasal. Wala na rin naman kasi siyang balak na pakawalan pa ang dalaga.

"Julia!" muling sigaw ni Ayu.

Nang hindi pa rin sumagot ang dalaga, napagpasyahan niyang akyatin na lang ito sa itaas. Naabutan niya si Julia na nakaupo sa gilid ng kama at may hawak na kung ano.

"Hi!" nakangiting bati ni Ayu. Lumapit siya sa dalaga at hinalikan ito sa noo. "Napagod ka ba?"

"Hindi naman. Mamaya, 'yong kabilang silid naman ang lilinisin ko."

"Ano ka ba? May katulong naman sa bahay na 'to. 'Wag mo na silang agawan ng trabaho, Julia," natatawang sabi niya.

"Para namang may ginagawa ako rito. Nakakahiya sa 'yo dahil ikaw na nga ang palaging nagluluto para sa atin."

"Wala ngang kaso sa 'kin." Napansin ni Ayu ang hawak ng dalaga. "Ano ba 'yan?"

"Hindi ko rin tiyak. Nahanap ko lang ito sa pinakailalim ng aparador mo habang inaayos ko ang mga damit mo."

"Patingin." Kinuha ni Ayu mula sa dalaga ang bagay na iyon. "Wallet ko 'to, ah," sabi niya nang mapagmasdan iyon.

"Wallet?" ulit ni Julia, halatang hindi naintindihan ang sinabi niya.

"Ang ibig kong sabihin, lalagyan ng mga pera." Binulatlat niya ang pitaka. "Dito inilalagay ang mga perang papel. Sa bulsa naman ang mga barya."

"Ano naman ang silbi niyan?" tanong ng dalaga, nakaturo sa mga slot para sa wallet-sized picture.

"Dito inilalagay ang mga litrato. Puwedeng litrato ng may-ari, puwede ring ng mahal niya."

Namilog ang mga mata ni Julia. "Patingin ako. Kaninong larawan ang inilagay mo rito?"

"Sandali. Tingnan natin." Nakataob kasi ang picture sa pitaka. Pilit iyong hinihila ni Ayu palabas. "'Di ko na halos matandaan ang pitakang 'to kasi ten years ago pa nang huli ko 'tong gamitin. Naiwan ko pa nga yata dito sa lumang bahay."

Sa wakas, nabunot na niya ang litrato. Kaya pala sobrang sikip sa lalagyan ng pictures dahil nakatiklop ang magkabilang gilid niyon para siguro pagkasyahin sa lalagyan.

Iniharap ni Ayu ang litrato, para lang mabigla sa nakita. Iyon ang picture na kinuha niya mula sa lumang bahay ni Mr. Patag!

"Ano 'yan?" usisa ni Julia.

Dahil hindi pa tuluyang naka-recover sa pagkabigla, hindi na napigilan pa ni Ayu si Julia nang agawin nito sa kamay niya ang litrato.

Kitang-kita niyang napamulagat din ang dalaga pagkakita sa babae sa litrato. Mayamaya ay kumurap, muling napamulagat. Kumurap na naman.

"Bakit?" tanong ni Ayu.

"P-paanong napunta ito sa 'yo?" tanong ni Julia.

"Ha?"

"Ako ang nasa larawang ito." Hindi na yata ito humihinga, mayamaya ay matamang tumingin sa kanya. "Kuha ito noong labing-anim na taong gulang ako."

"I-ikaw ang babae sa larawan?" Hindi makapaniwala si Ayu. At nang mga sandali ring iyon, parang unti-unting nabuo ang mga missing puzzle ng mga pangyayari. Sa harap din niya mismo, na-realize niya ang lahat. Wala siyang ipinagkaiba kay Joaquim.

Nangyari ang mga bagay-bagay dahil sa kagagawan niya. Pinagtagpo sila ni Julia bilang konsekwensiya sa pagkuha niya sa larawan nito. Hindi lang iyon, sinira pa niya iyon. Dahilan para hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataong makita nang maayos ang mukha ng babaeng nasa litrato.

Na si Julia pala.

"Oo. Ako ito. Kuha ito sa bahay namin sa Quezon. Ang nakatatandang kapatid ko na si Filipa ang kumuha ng larawan." Titig na titig ang dalaga sa litrato. "Ang buong akala ko'y tuluyan ko na itong naiwala—"

"Julia?" Si Ayu naman ang napamulagat sa nasaksihan. Kitang-kita niya kung paano humalo na lang sa hangin si Julia, mayamaya ay muling lumitaw, muling nawala at saka lilinaw na naman.

"A-Ayu? Ano'ng nangyayari sa akin?" nahihintakutang bulalas ng dalaga habang titig na titig sa mga kamay.

Inabot niya ang mga kamay ni Julia. Naroong nahawakan niya iyon, saka biglang maglalaho lang na parang hangin.

"Julia! 'Wag kang mawawala, pakiusap. " Ramdam na niya ang panginginig ng katawan.

Hinila ni Ayu ang dalaga at mahigpit na niyakap. Ramdam pa niya noong una ang katawan nitong nakapaloob sa kanyang mga bisig. Pero sa isang iglap, biglang naglaho na lang si Julia sa harap niya.

Sa isang pagkurap lang, nakawala sa mga kamay niya ang kasiyahan na binalak niyang ingatan habang-buhay. Biglang tumigil sa pag-ikot ang mundo niya.

"Julia!" puno ng pagdadalamhating sigaw niya.

Sa isang kisapmata, nagawa niyong gibain ang nabubuo na sana niyang parangap para sa kanila ni Julia.

"Hindi!" muling sigaw niya sa kawalan. "Ibalik n'yo sa akin si Julia! Parang awa n'yo na!"

Napalugmok na si Ayu sa sahig. Noon niya napansin ang litrato ni Julia. Ang dahilan kung bakit muling nagkaroon ng mag-uugnay sa panahon nito.

Dinampot niya ang litrato. At muli pa, nagulat na naman siya. Unti-unti nang lumilinaw sa kanya ang lahat. Na parang pinagtagpo lang sila para malagyan ng mukha ang naburang larawan ni Julia. Dahil ngayon, malinaw na niyang nakikita ang mukha ng babaeng nasa larawan.

Si Julia nga.

ne;text-aO�Y=��3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon