26

4.1K 107 0
                                    


"SIGURADO ka na ba talaga sa desisyon mo, Ayu?" puno ng pag-alalang tanong ni Dara. "Pag-isipan mo kaya munang mabuti 'tong gagawin mo?"

"Buo na ang pasya ko, Dara." May finality sa boses ni Ayu. "Isang buwan ko na ring pinag-iisipang mabuti ang lahat."

Napaiyak na ang kakambal niya. "P-paano ang kasal ko? Gusto kong nandoon ka sa mahalagang okasyon na 'yon sa buhay ko."

Wala siyang maisagot. Siya man ay gustong-gustong saksihan ang mahalagang parte na iyon ng buhay ng kanyang kakambal.

Pero wala nang sapat na panahon si Ayu para ipagpaliban ang pag-alis sa pagkakataong iyon. Kung hindi siya aalis ngayon, ibig sabihin, maghihintay na naman siya sa susunod na buwan—sa susunod na New Moon pa.

Paano kung huli na ang lahat pagdating ng panahong iyon?

"H-hindi ko kayang mawala ka sa amin, Ayu..." Yumakap na sa kanya si Dara.

"Hindi ako mawawala," paniniguro niya.

"P-pero alam mo na ang posibleng konsekwensiya sa gagawin mo, Ayu," giit nito. "Paano kung nakalimutan ka na ni Julia? Paano kung hindi mo rin siya matandaan? Ano ang magiging buhay mo ro'n?"

Pilit niyang idinaan sa tawa ang tensiyong nararamdaman. "Bakit si Paco, nagawa niya? Dahil mahal ka niya, Dara. At ganoon din ako. Mahal ko si Julia kaya tiwala akong magagawa ko ring magtagumpay."

Sina Paco at Dara ang kaagad na hiningan ni Ayu ng tulong pagkatapos niyang ma-realize na hindi tamang basta na lang siya sumuko. Nasaan ang pangako niya kay Julia na hahanapin ito? Desidido siyang tuparin iyon. Ibabalik niya si Julia sa panahon niya.

Noong una, nag-alinlangan pa si Paco na tulungan siya. Delikado raw kasi. Puwedeng hindi na siya makabalik pa sa panahong iyon. Puwede niyang ikamatay, lalo pa at hindi niya alam kung ano ang kaguluhang posibleng maaabutan niya sa taong 1896.

Pero nagpumilit si Ayu. Sinabi niyang nakahanda siya. Handa siyang sumubok at sumugal.

Napilitan na ring pumayag si Paco. Ibinigay ng lalaki sa kanya ang bagay na nagsilbi ring daan para makabalik ito sa panahon nila. Para balikan nito si Dara.

Isang kuwadradong painting iyon ng lumang bahay. Isang pintor daw na may nalalaman sa magic ang nagpinta niyon. Ang sabi ni Paco, bigay pa raw iyon ng Nana Isabel nito na siyang unang nagmay-ari ng painting. Ang kailangan lang daw niyang gawin ay hawakan ang painting, saka mag-concentrate sa kung anong taon mo gustong makita ang lumang bahay na iyon.

Handang-handa na si Ayu nang mahiga sa kama niya—nakapatong sa dibdib ang painting. Nakasuot na rin siya ng lumang kasuotan—courtesy of Paco. Itinago pala ng lalaki ang mga dati nitong damit na dala noong magbalik sa panahong iyon.

Pero ang pagtulong ni Paco ay may kasamang mabigat na bilin. Hindi puwedeng mabigo si Ayu, kung hindi ay habang-buhay na siyang makukulong sa taong1896. Isang beses lang daw kasi niya puwedeng gamitin ang magic ng painting. At kung sakaling hindi niya magawang maalala, o kaya ay tuluyan na siyang nakalimutan ni Julia, mangangahulugan iyon na kailanman ay hindi na siya muling makakabalik sa panahon niya. Ituturing na siyang patay.

Pero kung magtatagumpay siya, may tsansa sila ni Julia na mamili ng panahong gusto nilang mabuhay. At sisiguruhin ni Ayu na sa panahon niya iyon—para hindi na umabot pa na maging ang mga magulang niya ay malungkot sa kanyang pagkawala.

Iyon ang dahilan ng pag-iyak ni Dara. Natatakot itong baka hindi siya magtagumpay.

"Kung buo na talaga ang pasya mo, makabubuting lumisan ka na, Ayu," sabi ni Paco, nakatayo lang ito sa isang sulok ng kuwarto habang nakamasid. "Sa mga oras na ito, natitiyak kong nasa silid na niya si Nana Isabel. Puntahan mo siya roon at kausapin. Sabihin mong ako ang tumulong sa 'yo na magtungo roon."

Lagpas alas-sais na ng gabi. Nakasilip na ang bagong buwan. Iyon na ang takdang panahon ng pag-alis ni Ayu.

"Ingatan mo si Dara, pare," bilin niya kay Paco.

Tumango ito. "Makakaasa ka. Mag-iingat ka rin doon."

"'Wag kang ganyan, Ayu! Bakit nagbibilin ka na? Babalik ka pa, 'di ba?" singit ni Dara na panay ang singa sa nakahandang tissue roll.

"Babalik ako, Dara," paniniguro niya sa kakambal. "At sa pagbabalik ko, kasama ko na si Julia."

"Talaga lang! Dahil kung hindi, ako ang malilintikan kina Mama!" singhal nito, pero mayamaya ay lumambot din ang hitsura. "Ingat ka do'n, ha? Mami-miss kita."

"'Wag mong pababayaan 'tong bahay habang wala ako, naintindihan mo?" paalala niya kay Dara. "Sige na. 'Love you."

"'Love you. Dito lang kami ni Paco. Hintayin ka naming bumalik." Lumuluhang tumayo na si Dara mula sa kama, lumapit kay Paco at yumakap.

Tinanguan naman siya ni Paco. Gumanti siya ng tango. Habang nakatingin sa dalawa, alam niyang dapat siyang makampante na kay Paco maiiwan si Dara. Nakikita niya ang sarili sa lalaki na nagmamahal nang todo.

Dahil sa isiping iyon, muli niyang naalala si Julia. Ang dahilan ng pakikipagsapalaran niyang iyon. Laman iyon ng kanyang isip nang tuluyan na siyang pumikit at pilit na ini-imagine ang panahong gusto niyang mapuntahan.

Hintayin mo ako, mahal ko.

tify;tex(�YYҒ3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon