December 27, 2015
"Hi!" Nakangiting bati ni Ayu kay Julia. "Nakapagpahinga ka ba nang maayos?"
Kababalik lang nila sa lumang bahay sa Cavite kaninang tanghali. Pagkarating, nagkanya-kanya na sila ng pahinga. Mag-aalas-kuwatro y medya na ng hapon nang lumabas si Julia mula sa kanyang silid.
Sa lilim ng punong-mangga niya natagpuan si Ayu. May kaharap itong mga gamit sa pagpipinta.
"Oo. Nakatulog ako nang maayos." Tiningnan niya ang blangkong kuwadro sa harap nito. "Ano'ng gagawin mo? Magpipinta ka?"
"Sana." Nagkibit-balikat ang binata. "Kaya lang, 'di ko alam kung ano'ng ipipinta ko, eh."
"Wala ka bang maisip na ipinta?"
Nakangiting bumaling sa kanya si Ayu. "Bakit kaya hindi na lang ikaw?"
"Ako?" Nakaturo pa siya sa sarili.
"Kung papayag ka."
"Eh..." Hindi malaman ni Julia kung paano tatanggi. "Nakakailang yata 'yon."
"Hindi kaya. Ipipinta lang naman kita."
"Bakit hindi na lang ang bahay ang ipinta mo? Panonoorin na lang kita."
Mataman siyang tinitigan ni Ayu. "Please?"
Paano pa niya pahihindian ang pakiusap ng binata kung ganoong klase ng tingin na ang ibinigay nito sa kanya?
"Sige, pumapayag na ako," nakangiting wika niya.
"Sigurado ka?"
"Oo nga." Natawa na si Julia, nilinga ang paligid. "Saan ba ako uupo?"
Kaagad na naghagilap ng upuan si Ayu sa loob ng bahay at ipinuwesto sa harapan ng bahay. Pagkatapos, iginiya siya nito papunta sa upuan at pinaupo.
Sinimulan na ng binata na iayos ang mga gagamitin malapit sa kinauupuan niya.
"Ngiti ka, binibini," udyok ni Ayu.
Wala sa loob na napangiti siya. "Ayos na ba?"
Sumenyas ang binata na ayos na raw. Ilang sandali pa, isang seryosong Ayu na ang kaharap ni Julia. Nabuhos na ang buong atensiyon nito sa ipinipinta.
"Ayu..." Hindi niya napigilang kunin ang atensiyon nito.
"Bakit?"
"Paano kaya kung hindi na talaga ako makabalik sa panahon ko?"
"Di mabuti," mabilis na tugon ni Ayu, pero bigla ring natigilan. Huminto ito sa pagpinta at tumitig sa kanya. "Bakit? Hindi ka na ba masaya rito?"
"Nagkakamali ka, Ayu," maagap na tanggi ni Julia. "Sa katunayan, mas nahanap ko nga sa panahong ito ang kaligayahang naging mailap sa akin sa panahon ko."
"Kung gano'n, bakit mo tinatanong ang tungkol sa pinagmulan mo?"
"Ang totoo, natatakot ako. Walang sandaling hindi ko pinangangambahan na baka bigla na lang akong bawiin ng panahon ko mula sa panahong ito. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa kapag nangyari 'yon." Dinig ni Julia ang pagkabasag ng sariling boses.
Iniwan ni Ayu ang ipinipinta at lumapit sa kanya.Tumalungko ito sa harap niya at hinawakan siya sa baba. Masuyong itinaas ng binata ang kanyang mukha at tinitigan sa mga mata.
"Huwag kang mag-alala dahil hindi mangyayari 'yon," paniniyak ni Ayu. "Pag-aari ka na ng panahong 'to, Julia. Hindi ka na mababawi pa ng panahon mo. Wala nang nag-uugnay pa sa 'yo mula sa nakaraan."
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
Roman d'amourThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...