"BROD? What's up?" bati ni Ayu sa kaibigang nasa kabilang linya. Bahagya siyang lumayo sa mga kasama para sagutin ang tawag ni Joaquim.
"Brod, sa'n ka?" kaagad na tanong nito.
"Maynila na. Bakit?"
"Ilang beses na 'kong tumawag diyan, lagi kang wala sabi ng katulong n'yo. Saan ka ba nagpunta?"
"Cavite, brod. Nag-stay muna 'ko do'n sa lumang bahay ng Papa." Sinulyapan ni Ayu si Julia na nakikipag-usap kay Dara. Kung minsan, hindi pa rin niya mapigilang isipin ang naging biglang-liko ng tadhana. Bakasyon ang hanap niya, pero si Julia ang kanyang natagpuan. Nagbiglang-liko lang kaya ang kapalaran o iyon na talaga ang itinakda?
Narinig ni Ayu na may sinasabi si Joaquim sa kabilang linya, pero hindi na niya iyon napagtuunan ng pansin dahil sa naging takbo ng isip.
"Kumusta ang Pasko diyan sa Australia, brod?" pagbubukas niya ng usapan.
"Nasa 'Pinas na 'ko, brod. Last two weeks pa. Pinuntahan nga kita diyan sa inyo last week pero wala ka nga raw."
"Ha? Nasa 'Pinas ka na? Ba't 'di ka nagpasabi?"
"Wala akong cell number mo kaya nga pinuntahan na kita diyan sa inyo."
Nakamot ni Ayu ang ilong. "Oo nga pala."
"Brod, may sasabihin ako sa 'yo."
Nahimigan niya ang bahagyang pag-iiba ng tono ni Joaquim.
"'Problema?" tanong niya.
Noon pa mang high school, sumbungan na nila ang isa't isa ng mga problema. Si Joaquim nga rin ang isa sa mga rason kung bakit naka-survive si Ayu sa high school. Best tropa ito, kung may ganoong award lang.
"'Di ko alam kung paano 'to sasabihin, brod," sabi ni Joaquim. "Pero tingin ko, kailangan ko na yata ng Psychiatrist."
"Ha?"
"Puwede rin sigurong albularyo," dagdag pa nito.
"Teka nga, 'di ko maintindihan. Linawin mo kaya."
"Brod." Huminga nang malalim si Joaquim. "Nakakatanggap ako ng mga sulat. Sa bahay ko inihuhulog."
"Bahay mo?" ulit ni Ayu. "May bahay ka na rito?" Sa pagkakaalam kasi niya, ibinenta na ng pamilya Doquesne ang bahay ng mga ito bago pumunta noon sa Australia.
"Oo, brod. Nakabili ako ng bahay sa Quezon. Do'n bumabagsak lahat ng sulat," sagot ni Joaquim. "Dahil do'n, nagulo na ang buhay ko, brod. Pakiramdam ko, malapit na 'kong mabaliw sa kaiisip."
"Para sulat lang, pinoproblema mo?"
Bumuntong-hininga si Joaquim. "'Di mo kasi alam ang lahat-lahat."
"Kaya nga ipaliwanag mo."
"Hindi ka maniniwala, brod."
"Kaya nga ipaliwanag mo para mapaniwalaan ko." Pero sa totoo lang, sa puntong iyon ng buhay ni Ayu, wala na siguro siyang hindi paniniwalaan.
Sandaling natahimik si Joaquim. At nang magsalita, seryosong-seryoso na ang boses nito. "Brod, 'yong mga sulat... galing kay Mariquit."
"Mariquit?" Pilit na inaalala ni Ayu sa isip kung sino ang babaeng iyon sa buhay ni Joaquim. Pero wala siyang matandaan. "Sino 'yon? Ex-syota mo?"
"Si Mariquit, brod. 'Di mo na natatandaan?"
"Sino ba 'yon?"
"Mariquit Conde, brod!" Bahagya nang tumaas ang boses ni Joaquim. "'Yong may-ari n'ong diary!"
Diary? Hinalukay ni Ayu sa isip ang sinasabi ni Joaquim na may kinalaman sa diary. At nang maalala, napamura siya nang malutong.
"Baka naman sa ibang Mariquit Conde galing 'yong mga sulat, brod."
"Iyon din sana ang gusto kong paniwalaan, Ayu. Kaya lang, may date na nakalagay, eh," sabi ni Joaquim.
"Anong date ba ang nakasulat?"
"N-nineteen thirty, brod."
Napakurap si Ayu. May alaalang biglang naglaro sa kanyang isip. "May balita ka ba kay Luchi?"
inYs3
![](https://img.wattpad.com/cover/137158554-288-k428390.jpg)
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
Любовные романыThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...