17

4.4K 125 15
                                    

"MANONG Topacio?!"

Hindi makapaniwala si Julia sa nakita. Kasalukuyan siyang nakaupo sa sala nang biglang may pumasok sa entrada ng pintuan. Pagtingin niya, si Manong Topacio ang nakita niya. Iyon nga lang, ibang-iba na ang bihis nito. May kausap at katawanan itong isang may-edad na lalaki.

"Julia?" hindi makapaniwalang bulalas din ni Topacio pagkakita sa kanya.

Napatayo si Julia mula sa kinauupuan at nagmamadaling lumapit sa kaibigan. "M-Manong, nandito ka rin?"

"P-paano ka napunta dito?" tanong din nito.

Biglang may kumalabog. Sabay sila ni Topacio na napalingon sa may-edad na lalaki. Nasa sahig na ang mga supot na bitbit nito.

Titig na titig ito kay Julia.

Bahagya siyang ngumiti. "M-magandang gabi ho."

Hindi sumagot ang matandang lalaki.

"Ayu? Dara?" sa halip ay tawag nito.

"Dito!" Boses iyon ng kapatid ni Ayu. Nasa komedor ang magkapatid, kasama ang ina ng mga ito. Magpapaliwanag lang daw si Ayu sa kapatid kaya sinabi niyang sa sala na siya maghihintay. Naaasiwa kasi siya sa klase ng titig na ibinibigay sa kanya ng dalawang babae.

Nagmamadaling pumasok sa komedor ang matandang lalaki. Naiwan sila ni Topacio na nagkatinginan.

"Julia? Ikaw ba talaga 'yan?" Lumapit ito sa kanya, akmang aabutin siya pero kaagad siyang nakaiwas. "Bakit? Nangingilag ka na ba sa akin?"

Umiling siya. "Hindi sa ganoon, Manong. Pero ang bilin sa akin ni Nana Isabel, maaari daw akong bigla na lang maglaho sa oras na mahawakan ako ng iba sa panahong ito."

"Si Nana Isabel," sambit ni Topacio. "Kumusta ang lagay niya?"

"Mabuti naman siya, Manong," tugon ni Julia.

Tumango si Topacio, mayamaya ay sumeryoso. "Pero paano kang napunta sa panahong ito? Gumamit ka ba ng anting-anting para magawa mong maglakbay sa ibang panahon?"

"Hindi, Manong." Ikinuwento ni Julia ang lahat ng kakatwang nangyari sa kanya, maging ang naganap sampung taon na ang nakalipas.

Namangha si Topacio pagkatapos niyang ibahagi rito ang lahat.

"Nakakapanggilalas," usal ng lalaki. "Subalit ganyang alam mo pala ang paraan upang makabalik sa ating panahon, bakit nandito ka pa rin?"

Hindi niya magawang sagutin iyon. Napayuko na lang siya.

"Maaari kayang umiibig ka sa kapatid ni Dara?" mayamaya ay tanong ni Topacio.

"H-hindi ko alam, Manong," mahinang tugon niya. "Batid ko na maling naisin ko na manatili pa rito sapagkat hindi ako nababagay rito. Pero hindi ko magawang basta na lang din lumisan."

"Huwag kang maguluhan sa 'yong damdamin, Julia. Ako man ay nagdaan sa nararamdaman mo rin ngayon. Pero nasaan ako ngayon? Nandito sa panahong ito dahil ginusto ko ito. Ang panahong ito ang pinili kong tirhan dahil dito ako lubos na sasaya."

"Habang ang akala namin ay napatay ka na ng mga Kastila."

"Na siyang hindi tunay na nangyari," nakangiting wika ni Topacio. Nagsimula na rin itong magkuwento kung paano ito napadpad sa panahong iyon.

Dahil pala sa isang anting-anting na bigay ng lolo ni Topacio. Makailang beses daw itong nailigtas ng makapangyarihang bagay na iyon. Tuwing nalalagay si Topacio sa panganib ay dinadala ito sa panahong iyon. Doon nito nakilala si Dara—ang kapatid ni Ayu. Nahulog ang loob ni Topacio sa dalagang tumulong dito hanggang sa wala nang ibang ginusto si Topacio kundi ang makasama si Dara. Hindi na baleng iwan ng lalaki ang panahon nito upang manatili sa panahong iyon.

"Sana lang ay wala kang pagsasabihan ng tungkol dito pagbalik mo sa ating panahon, Julia. Tiyak akong manganganib si Nana Isabel dahil siya ang tumulong sa aking makabalik dito," mayamaya ay bilin ni Topacio.

Alam ni Julia ang gustong sabihin ni Topacio. Oras na malaman ng iba ang lihim na iyon, tiyak na dadagsain si Nana Isabel ng mga gustong takasan ang malupit na panahon nila kung saan inaalipin sila ng mga dayuhan sa sariling bayan.

Tumango si Julia. "Makakaasa ka na wala akong ibang pagsasabihan tungkol sa bagay na ito maliban kay Nana Isabel, Manong."

"Maraming salamat, Julia." Tinangka uli siyang hawakan ni Topacio pero biglang natigilan. Naalala siguro ang sinabi niyang puwede siyang bigla na lang maglaho sa oras na mahawakan nito.

"Kung maaari lang kitang mayakap nang sobrang higpit ay kanina ko pa ginawa," nakangiting sabi ni Topacio. "Tunay akong nagagalak na makita ka sa panahong ito."

Maluwang na ngiti ang iginanti niya.

Nasa ganoon silang ayos nang may magsalita mula sa kanyang likuran.

"Magkakilala kayo?" tanong ni Ayu.

Napalingon si Julia. Nakita niyang nagpalipat-lipat ang tingin ng binata sa kanila ni Topacio.

"Magpapaliwanag ako," sabi niya.

"Sino ka ba talaga?" tanong ni Ayu, kay Topacio nakatingin.

"Siguro nga panahon na para malaman mo ang katotohanan," sabi ni Topacio. "Ako si Topacio Urbano, isang Katipunero."

Halos malaglag ang mga panga ni Ayu.

��Y�'�3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon