6

5.6K 139 2
                                    


Kinabukasan...

"JULIA! Bumaba ka na diyan. Nandito na ang sundo mo," malakas na tawag ni Nana Isabel mula sa ibaba ng bahay.

Inilagay ni Julia ang huling damit sa loob ng maleta. "Pababa na po!"

Ang akala niya, mamayang gabi pa siya susunduin ng kanilang tauhan. Pero dumating ito sa kalagitnaan ng kanilang almusal. Tuloy, wala siyang pagpipilian kundi simulan na ang pag-eempake. Ni hindi na niya tinapos ang pagkain dahil bigla siyang nawalan ng gana. Kung siya lang ang masusunod, ayaw pa sana niyang umuwi sa kanila.

Pero hindi puwedeng suwayin ni Julia ang kanyang ama. Baka hindi na siya nito payagan sa susunod na hilingin niyang magbakasyon sa Mansiyon de Urbano. Sinabihan pa naman siya ni Manong Topacio na bumalik doon kapag bakasyon na nila sa eskuwela. Ipapasyal daw siya nito sa kalapit na ilog. Mamamangka raw sila.

Hindi na makapaghintay si Julia sa darating na bakasyon. Ilang buwan na lang iyon. Napangiti siya sa pananabik.

May kumatok. Si Manong Topacio ang nakasilip sa pinto. May nakalaang kuwarto talaga para sa kanya sa bahay na iyon.

"Tapos ka na bang mag-empake?" tanong nito.

"Opo. Tapos ko na. Aalis na ba tayo?"

Sasama raw ito sa kanya pauwi sa kanila.

"Sa ibaba mo na lang ako hintayin. Magbibihis pa ako," sabi ni Manong Topacio. "May ipagbibilin nga raw pala sa 'yo si Nana Isabel. Puntahan mo na lang siya do'n sa ilalim ng punong-kahoy. Doon ka na lang daw niya hihintayin."

"Sige." Tumayo na siya, bitbit ang kanyang maleta. "Bababa na ako."

Tumango lang si Topacio, saka tinungo na ang kuwarto nito.

Maingat na isinara ni Julia ang pinto, pagkatapos ay tuloy-tuloy na sa hagdan. Nasa kalagitnaan na siya nang parang makaramdam ng pagkahilo. Napahawak siya nang mahigpit sa balustre ng hagdan at mariing pumikit habang nagdadasal na sana ay umayos na ang kanyang pakiramdam.

Malamang resulta na iyon sa pagkahilig niyang magbasa. Kahit dis-oras ng gabi, inuuna muna niyang tapusin ang mga nakabinbing babasahin kaysa sa pagtulog. Kaya hayun, bigla na lang siyang nahihilo.

Nang magmulat ng mga mata, nawala na ang pagkahilo ni Julia. Ipinagpatuloy niya ang pagbaba ng hagdan. Nakapako lang ang tingin niya sa isang direksiyon—sa sala. Medyo nagtaka siya nang mapansing wala roon ang kanyang sundo.

Ah, baka nainip na sa pagbaba niya kaya sinamahan na si Nana Isabel sa paghihintay sa kanya sa labas.

Nang biglang maramdaman ni Julia na parang may nakamasid sa kanya nang tuluyan na siyang makababa ng hagdan. Lumingon siya sa kabilang direksiyon ng sala—kung nasaan ang entrada ng komedor.

At gaya ng nangyari nang nagdaang araw, hayun na naman ang estrangherong lalaki! May hawak itong baso na naglalaman ng umuusok na inumin. Kalalabas lang nito ng komedor. Nakanganga pa sa kanya na parang hindi makapaniwala sa nakikita.

Sa loob ng ilang sandali, kapwa lang sila nakatunganga sa isa't isa. Nagtititigan. Nang biglang mabitawan ng estranghero ang hawak na baso. Lumikha iyon ng ingay.

Napakurap si Julia. Nang muli niyang tingnan ang entrada ng komedor, wala na roon ang estranghero. Ni ang sahig ay walang maski anong palatandaan na may nabasag doon.

Ano'ng nangyayari?

"Julia?"

Tulalang lumingon si Julia sa pinagmulan ng boses. Si Mang Gusting—nakaupo sa sala. Nakatingin ito sa kanya, puno ng pagtataka ang mababakas sa mukha.

"P-po?" nagawa niyang sabihin.

"Saan ka galing?" tanong ng matanda.

"Sa kuwarto ko po." Nakatayo pa rin siya sa puno ng hagdan. Ni hindi niya magawang kumilos.

"Sa itaas? Bakit hindi kita nakitang bumaba? Kanina pa ako nakatingala sa itaas."

Nawala ang pagkatulala ni Julia, kumunot ang noo. "Paano po 'yon nangyari? Eh, bumaba po talaga ako ng hagdan?" May naalala siya. "Kayo nga po ang hindi ko nakita kanina nang pababa na ako. Akala ko, sa labas na kayo naghintay."

Napatayo si Mang Gusting. "Ano ba 'yang pinagsasabi mong bata ka? Hindi talaga kita napansing bumaba. Bigla ka na lang sumulpot diyan sa ibaba ng hagdan, parang gulat na gulat."

Hindi malaman ni Julia kung paano iisipin ang mga nangyayari. Tama si Mang Gusting. Paanong hindi nito mapapansin ang pagbaba niya gayong nakaharap sa hagdan ang mga upuan sa sala? Pero paano naman niya ipapaliwanag na hindi talaga niya nakita ang matanda habang pababa?

Ano ba ang nangyayari sa kanya? May kababalaghan bang bumabalot sa Mansiyon de Urbano?

"Tama na nga 'yan, bata ka. Baka pinaglalaruan mo na naman ako. Ikaw talaga," sabi ni Mang Gusting mayamaya. "O, maupo ka muna rito at tatawagin ko si Isabel. Nagpasabi siyang huwag ka na lang daw palalapitin do'n at baka mag-amoy-usok ka. Nagsisiga na naman kasi 'yon sa lilim ng punong-kahoy."

Walang imik na sumunod si Julia. Inilapag niya sa sahig ang maleta at naupo sa mahabang upuan. Pero pagkaupong-pagkaupo, hayun na naman ang pakiramdam na para siyang nahilo.

Nasapo ni Julia ang noo. Ilang beses siyang pumikit at dumilat. Nang bumuti ang pakiramdam, umayos siya ng upo.

May nahagip ang kanyang tingin na isang bagay na nakalapag sa dulo ng kinauupuan. Hindi niya iyon napansin kanina. Ah, siguro dahil nahilo siya.

Tumayo si Julia at lumapit sa dulo ng upuan. Isang puting papel ang nakita niya. Wala namang kakaiba roon pero nang subukan niyang baligtarin, tumambad sa kanya ang nakaguhit doon. Isang babae.

Siya.

Kuhang-kuha sa pagkakaguhit ang hitsura niya kahapon. Bahagyang nakaawang ang bibig at nanlalaki ang mga mata habang may bitbit na dalawang baso ng inumin sa magkabilang kamay. Maging ang kasuotan niya ay maayos na nakadetalye sa papel.

Sino ang gumuhit ng ganoon kagandang obra?

May tumikhim sa likuran ni Julia.

Nang lingunin niya, ang estrangherong lalaki ang nakita niya. Magkahalong takot at kuryusidad ang mababakas sa mukha nito.

"S-sino ka?" tanong ng estranghero. "Guniguni lang ba kita?"

Kasabay ng tangkang pagbuka ng bibig ni Julia para sumagot ay ang pag-ihip ng hangin. Inilipad-lipad niyon ang kurtina sa likuran niya. Maging ang papel na hawak ay kumawala mula sa kamay niya at lumipad sa ere. Nasundan nila ng tingin ang papel.

Lumapag iyon sa paanan ni Julia. Yumuko siya para damputin ang papel. Pero sa pagtayo niya, wala na ang estranghero.

Ang nandoon ay si Nana Isabel—gulat na nakatingin sa kanya.

"Saan ka nanggaling, Julia?"

:Y3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon