ISANG nakangiting Julia ang nakita ni Ayu na papalapit sa kanya. Nakahinga siya nang maluwang.
"Magandang gabi," masiglang bati ng dalaga. "Nais mo raw akong makausap?"
"Julia, isang pagkakamali ang lahat ng 'to," kaagad niyang sabi at hinawakan ang mga kamay nito. "Huwag kang pakasal sa lalaking 'yon. Hindi ba't ang sabi mo, ako ang mahal mo?"
"Paumanhin, ginoo. Pero nagkakamali ka yata. Hindi kita kilala."
Sandaling natigilan si Ayu sa sinabi ni Julia. Ang sakit palang marinig ang bagay na iyon, lalo pa kung sa dalaga mismo nanggaling.
Mariin siyang umiling. "Kilala mo ako, Julia. Pakiusap, pilitin mo akong alalahanin, mahal ko. Pilitin mo akong hanapin diyan sa puso mo. Alam ko, nandiyan lang ako."
Napaatras na si Julia. Sindak na sindak ang hitsura nito sa pinagsasabi niya.
"Wala ka na yata sa 'yong sariling katinuan. Paano ko maaalala ang isang taong ngayon ko lang nakita? Uulitin ko, ginoo. Baka ipinagkamali mo lang ako sa iba."
Sunod-sunod na umiling si Ayu. Sinubukan niyang muling abutin ang mga kamay ni Julia pero iniiwas iyon ng dalaga. Naglagay rin ito ng distansiya sa pagitan nila.
"Hindi ito ang unang pagkikita natin! Una tayong nagkita sampung taon na ang nakalipas. Sa komedor! Tama, doon tayo unang nagkita. Nagkatakutan pa nga tayo, 'di ba? Sumunod sa hagdan! Nakita kitang pababa sa hagdan na 'yan." Nakaturo si Ayu sa kalapit na hagdan. "Hanggang sa sinundan mo na ako sa aming panahon. Sandali kang tumira kasama ko sa bahay ring ito pero sa ibang panahon. Sa panahon ko."
Panay lang ang iling ni Julia na mukhang nababaliw na ang tingin sa kanya.
Nagpatuloy si Ayu. Desperado siyang ipaalala ang lahat sa babaeng minamahal. "Si Dara? Si Topacio? Lahat sila ay naghihintay sa pagbabalik ko. Dahil nangako akong dadalhin kita pabalik sa panahon ko."
"Bakit mo kilala si Manong Topacio?" Naningkit ang mga mata ni Julia. "Huwag mong idamay ang Manong Topacio sa 'yong kalokohan, ginoo. Matagal na siyang nananahimik sapagkat patay na siya."
"Hindi! Buhay si Topacio. Siya ang tumulong sa akin para makapunta rito sa panahon mo," giit ni Ayu.
"Alam mo, nagsisimula na akong matakot sa 'yo. Kaya pakiusap, tumigil ka na. Kung hindi, sisigaw na talaga ako."
Hindi niya pinansin ang babala ni Julia. Muli niyang hinagip ang kamay nito, mahigpit na hinawakan at dinala sa kanyang pisngi.
"Utang-na-loob, Julia. Alalahanin mo ako..." muli niyang pakiusap.
Pero gaya kanina, pilit na binabawi ng dalaga ang mga kamay nito. Nang magtagumpay ay matalim siyang tinitigan.
"Umalis ka na kung ayaw mong ipakaladkad pa kita sa mga tauhan ng mapapangasawa ko. Tiyak akong hindi mo 'yon gugustuhin," banta ni Julia na puno ng iritasyon ang mukha.
Napaluha na si Ayu. "Pakiusap, huwag mo akong paalisin. Hindi mo alam kung gaano kalayo ang nilakbay ko mapuntahan ka lang dito."
"Wala akong pakialam sa nilakbay mo. Ang gusto ko, umalis ka ngayon din sa harap ko at huwag mo na akong guluhin pa!"
"P-pero tinupad ko lang ang pangako ko sa 'yo. Hindi ba't sinabi ko sa 'yo, kung sakaling bawiin ka man ng panahon mo, handa akong sundan ka rito dahil walang ibang puwedeng umagaw sa 'yo. Kahit tadhana pa 'yan."
Tinitigan siya nang mataman ni Julia, mayamaya ay tumango. "Sige. Ngayon, gusto kong mangako ka uli sa akin."
"Oo, oo," kaagad niyang pagpayag.
![](https://img.wattpad.com/cover/137158554-288-k428390.jpg)
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
RomanceThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...