2

9.2K 174 5
                                    


"ANO BA 'yan! Undas na Undas ang dating!" bulalas ni Joaquim pagkakita sa lumang bahay.

"'Di na ako magtataka kung multo ang sasalubong sa 'tin," pagsegunda ni Ayu.

Kasalukuyan silang nagkukumpulan na magkakaklase sa labas ng gate ng isang lumang bahay sa Quezon—mali, napakalumang bahay. Panahon pa yata ng nineteen forgotten nang itayo iyon.

"Baka pagpasok natin diyan, brod, nakaabang na si Maria Clara," hirit naman ng isa pa nilang kaklase na si Lukenn.

"Ang tanong, pagpasok natin diyan, makakalabas pa ba kayo?" sabi naman ni Luchi, nawaywang pa sa harap nila. "Ang iingay n'yo!"

"May lahi din yata ang isang 'to ng pagiging guwardiya sibil, eh," pang-aasar ni Cholo kay Luchi.

Nagtawanan ang buong klase. Nakitawa na lang din si Ayu kahit medyo bad trip pa rin siya sa field trip na iyon. Kung hindi lang tirik ang araw, iisipin niyang horror trip nga ang lakad nilang iyon.

"Excuse me, excuse me," pasintabi ni Mr. Patag. Naka-eyeglasses ito, makapal ang pabilog na frame. Nakakalbo na rin ang teacher nila, chubby sa itaas, medyo slim sa ibaba; lalo na ang mga binti. Hindi proportioned ang katawan.

Nakita nilang binuksan ni Mr. Patag ang kalawanging gate.

"Pasok. Pasok." Nilakihan nito ang awang ng gate.

Umatras ang ilan nilang kaklaseng babae. Natakot siguro sa ambiance ng lugar. Ang mga nagtatapang-tapangan, tumuloy na sa loob. Isa na si Ayu. Sinipa-sipa pa niya ang mga tuyong dahon na naligaw sa driveway. Puno ng Bermuda grass ang bakuran.

"Itinayo ang bahay na 'to sa Panahon pa ng Himagsikan," panimula ni Mr. Patag. "Ayon sa kuwento na nagpasalin-salin na sa iba't ibang henerasyon, marami raw sugatang Katipunero na dito nagtatago noong kasagsagan ng rebolusyon. Kinupkop sila ng orihinal na may-ari ng bahay na 'to, ang mag-asawang Lucio at Lucresia Catanzara..."

Tumawa si Joaquim. "Ha! Kapangalan ng mommy ni Lukenn."

"Classic ang mommy ko, brod," pakikisakay naman ni Lukenn.

"Magsitigil kayo!" saway ni Mr. Patag, nagpauna na sa malaking pinto na gawa sa matibay na kahoy.

"Pumasok kayo. Iwan n'yo na lang diyan ang mga sapatos n'yo. Walang kukuha sa mga 'yan," utos ng kanilang teacher.

Sumunod silang lahat. Isa-isa na silang pumasok sa loob ng bahay.

"Bakit po dito tayo nagpunta, Sir? Bakit hindi na lang sa museum?" nakuhang itanong ni Luchi, ang class vice president nila. Si Cholo naman ang president.

"Hindi ba ipinasyal na kayo ni Mrs. Ferolino sa National Museum last year? Bakit tayo pupunta uli do'n, eh, nakita n'yo na ang laman ng museum?"

"Eh, kasi, Sir, do'n naman matatagpuan ang mga may kinalaman talaga sa History, 'di ba?" Si Luchi uli ang nagsalita.

Umakyat sa pangatlong step ng hagdan si Mr. Patag bago pinagmasdan silang mabuti. "Kung sa museum kayo pupunta, para lang kayong namamasyal. Kaya dito ko kayo dinala. Para mas maramdaman n'yo ang panahon noong taong eighteen ninety-six. Pakiramdaman n'yong mabuti ang bahay. Pakinggan ninyo ang katahimikan sa paligid, ang marahang hampas ng hangin sa labas, ang bawat tunog ng mga yabag ninyo, at ang kakaibang pakiramdam na para bang... pamilyar sa inyo ang bahay na ito."

Nagkatinginan silang magkakaklase.

Nagpatuloy si Mr. Patag sa pag-akyat sa hagdan. "Hindi n'yo ba nararamdaman ang nararamdaman ko ngayon? Parang hindi lang tayo ang nandito. Hindi n'yo ba naririnig ang mga boses na parang dinadala lang sa hangin? Mga mahihinang kaluskos na nasisiguro kong hindi galing sa panahong ito..."

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon