4

7.2K 144 3
                                    

Unang araw ng Nobyembre, taong 1886

Hindi magkandaugaga si Julia sa pagtulong kay Nana Isabel sa pagsisiga sa labas ng malaking bahay. Mabisa raw na pantaboy ng mga lamok ang pagsisiga tuwing pagkatapos ng ulan. Lalo pa at ilang oras na lang ay magdidilim na ang kalangitan. Lagpas alas-singko na kasi ng hapon.

"Tama na po ba 'tong mga panggatong, Nana?" tanong ng labing-anim na taong gulang na si Julia. Bitbit niya sa dalawang kamay ang mga sinibak na kahoy ni Manong Kadyo. Gaya ni Nana Isabel, katiwala rin ang matandang lalaki sa malaking bahay.

"Ano ka ba namang bata ka," puna ni Nana Isabel. "Hindi mo na kailangang tumulong sa 'kin. Bisita ka rito kaya dapat, nagpapahinga ka na lang sa kuwarto mo."

"Naiinip na po ako sa 'taas, Nana. Wala akong makausap kaya dito na lang ako."

"Hayaan mo, siguradong pauwi na rin si Topacio galing ng eskuwela. Matutuwa 'yon 'pag nakita ka."

Napangiti si Julia. "Kagabi ko pa nga siya inaabangang makauwi. Malayo ba ang pinapasukan niyang unibersidad?"

"Oo. Sa Maynila pa siya kumukuha ng Abogasya. Pero regular 'yong umuuwi dito tuwing Sabado at Linggo. Mayamaya lang siguro, nandito na 'yon. Hintayin mo na lang sa loob, Julia."

Sabado nang araw na iyon. Kahapon lang dumating si Julia sa Mansion de Urbano. Kung hindi pa niya kinulit nang kinulit ang kanyang ama na si Don Lucio Catanzara, baka hindi pa siya nito pinayagang lumuwas sa Cavite El Viejo. Inihatid nga lang siya roon ng kanilang tauhan dahil kapwa abala ang kanyang mga magulang sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.

May pag-aaring mga botika ang pamilya ni Julia na may iba't ibang sangay sa buong Quezon. Kaya naman, isa ang pamilya Catanzara sa mga kilalang pamilya sa bayan ng Quezon at maging sa mga kalapit-bayan. Parehong nagmula sa mga buena familia ang kanyang mga magulang.

Dahil sa negosyo nila kaya pangarap din ni Julia na Medisina ang kuning kurso. Nagpasabi na rin siya sa ama tungkol sa balak niya. Mukhang aprubado naman iyon dito. Hindi na siya makapaghintay. Hindi bale, ang taong iyon na lang ang tatapusin niya at tutuntong na siya sa kolehiyo.

"Kapag nagkolehiyo na ako, sa Maynila rin ako mag-aaral," sabik na sabi ni Julia.

"Ikonsulta mo 'yan kay Topacio at nang matulungan ka niya sa paghahanap ng matutuluyan do'n. Malaki ang Maynila, Julia. Hindi mo kakayaning mag-isa."

"Sigurado ako, Nana, na hindi papayag si Manong Topacio na mag-isa lang ako do'n. Baka sa tinutuluyan na rin niya ako tumuloy."

Matalik na magkaibigan ang pamilya Urbano at pamilya Catanzara. Dahil na rin siguro isa ring doktor ang ama ni Topacio noong nabubuhay pa gaya ng mga magulang ni Julia kung kaya para na ring magkapamilya ang kanilang turingan. Isang nakatatandang kapatid na ang tingin niya kay Topacio Urbano.

"O, siya. Umakyat ka na sa loob, Julia. Tatapusin ko lang 'to, pagtapos ay dadalhan na lang kita ng merienda sa kuwarto mo."

Nakangiting tumango si Julia. "Ako na ho, Nana." Bumalik na siya sa loob. Palundag-lundag pa siya habang naglalakad. Masaya ang kanyang pakiramdam. Hindi niya maintindihan kung bakit pero sa tingin niya, sumigla siya. Siguro, may ganoong hatid talaga ang pamamahay ng mga Urbano. Sa kanila kasi, puro abala ang mga tao. Lalo pa ngayong nakatakda na ang pagpapakasal ng nakatatanda niyang kapatid na si Felipa sa nobyo nitong si Simeon—na anak din ng isang Ilustrado.

Lalo tuloy siyang nawalan ng makakausap. Mabuti pa sa Mansiyon de Urbano, nandoon lang palagi si Nana Isabel at handang makipag-usap.

Umakyat na si Julia sa apat na baitang ng hagdan papunta sa nakabukas na malaking pintuan. Kitang-kita niya ang kabuuan ng sala mula sa labas. Maluwang. Marangya.

Nakangiting tumingala siya at pinagmasdan ang langit. Maaliwalas ang himpapawid. Nagkalat na rin sa kalangitan ang iba't ibang kulay ng liwanag na dala ng papalubog na araw. Pinuno niya ng hangin ang dibdib, pagkatapos ay pumasok na.

Tumuloy si Julia sa komedor. Siya na lang ang maghahanda ng kanyang merienda. Sigurado kasing pagod na si Nana Isabel sa mga gawain sa mansiyon. Gusto niyang mabawasan man lang ang pagod nito.

Lumapit siya sa mesa at naghanda ng dalawang baso. Gagawa siya ng inumin para sa kanila ni Nana Isabel. Pero habang nagtitimpla, naramdaman niyang parang hindi siya nag-iisa sa komedor. May pigurang nahagip ang kanyang tingin mula sa likuran.

Marahas na lumingon si Julia. Pero wala siyang ibang taong nakita. Inilibot niya ang tingin sa paligid. Siya lang talagang mag-isa ang nandoon.

"Baka imahinasyon ko lang," sabi na lang niya at itinuloy na ang pagtitimpla ng inumin.

Nang matapos, binitbit na ni Julia ang dalawang baso. Sa labas na lang din niya iinumin ang tinimpla para sabay na sila ni Nana Isabel.

Pero nang malapit na sa entrada ng komedor, ganoon na lang ang pagkagulat niya.

May ibang tao ring palabas ng komedor!

Parang napako si Julia sa kinatatayuan. Humigpit ang hawak niya sa dalawang baso, hindi alam kung alin ang uunahin-ang pagsigaw o ang pagtakbo. Halata naman kasing isang tagalabas ang kanyang kaharap.

Isa pa, ibang-iba ang ayos ng kasuotan nito!

Mukhang naramdaman ng taong iyon ang kanyang presensiya. Lumingon ito. Magkasabay pa silang nagulat nang makita ang isa't isa.

Sa huli, mariing ipinikit ni Julia ang mga mata.

rYp2

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon