13

4.6K 135 10
                                    


"IMAHINASYON lang kita..." hindi makapaniwalang usal ni Ayu. "Mawawala ka rin."

"'Yan din ang akala ko sa 'yo noong una kitang makita," sabi ni Julia. "Pero hindi ako isang imahinasyon."

"Multo? Espiritu?" tanong pa niya.

Umiling ang babae. "Hindi rin ako isang kaluluwa. Totoo ako."

"Hah! Imposible."

May itinaas na papel si Julia sa harap niya. "Paano napunta sa akin 'to kung imahinasyon o kaya kaluluwa na lang ako?"

Napatitig si Ayu sa hawak nito. Papel. Nang tingnan niyang mabuti, iyon ang iginuhit niya ten years ago!

"Paano 'yan napunta sa 'yo?" takang-takang tanong niya.

"Nalaglag ito sa paanan ko no'ng huling pagkikita natin. Noong dinampot ko, pagtingin ko sa 'yo, wala ka na."

Sunod-sunod siyang umiling. "Hindi! Ikaw ang bigla na lang naglaho n'on."

"Kung gayon, pareho tayong naglaho," sabi ni Julia.

"Paanong nangyari 'yon? Paanong pareho tayong naglaho?" naguguluhang tanong niya.

"Dahil ang sabi sa akin ni Nana Isabel, nagmula tayo sa magkaibang panahon."

"H-ha?" Nagkabuhol-buhol yata ang brain cells ni Ayu. Hindi kaya isa 'tong addict? Multong addict? May gano'n ba?

"Magkaiba ang panahong pinanggalingan natin. Hindi mo ba 'yon makuha?" ulit ni Julia.

"Pasensiya na pero hindi kita maintindihan," sabi na lang niya.

Nasapo ng babae ang noo. Mukhang frustrated na rin. Pero kasalanan ba niya kung hindi talaga niya ito ma-gets? Dahil ang sinasabi nito, mahirap ma-gets. Hindi matanggap ng scientific reason niya.

Nagpalakad-lakad si Julia sa corridor. "Sige, ipapaliwanag ko nang maigi."

Sumandal si Ayu sa frame ng pinto at humalukipkip. "Ipaliwanag mo sa paraang maiintindihan ko."

"Ganito kasi 'yon," panimula ng babae, tumigil sa paglalakad at hinarap siya. "Ang sabi ni Nana Isabel, nagkaroon daw ng lamat ang oras kung kaya nagagawa nating masulyapan ang magkaibang mundo."

"Magkaibang mundo? Bakit? Elyen ka?" hindi napigilang tanong niya.

"Hindi ko batid kung ano ang elyen." Lumamlam ang hitsura ni Julia. "Tila ang laki na talaga ng ipinagkaiba ng ating mga kinagisnang panahon."

Nahilot ni Ayu ang batok. "Bakit ba? Anong panahon ka ba nanggaling?" Huwag lang isagot ng babae na sa panahon pa ng dinosaurs ito nagmula, itatapon talaga niya ito sa labas ng bintana.

"Hindi mo paniniwalaan kung sasagutin ko ang 'yong katanungan," umiiling na sagot ni Julia. "Lalo pa't ang sabi sa akin ni Nana Isabel ay nagmula ka pa raw sa hinaharap."

"Ako? Galing sa hinaharap?" bulalas ni Ayu, hindi alam kung matatawa o maaasar na. "Ano 'to, time travel?"

"Time travel..." ulit na sambit ng babae. "Limitado lang ang aking kaalaman sa wikang Ingles pero kung tama ang pagkakaintindi ko, paglalakbay sa panahon ang ibig ipakahulugan ng 'yong binanggit, tama ba?"

Napatitig siya kay Julia. "Ganyan ka ba talaga magsalita? Parang malapit na akong maniwalang galing ka nga sa nakaraan."

"Dahil talagang nanggaling ako sa nakaraan," maagap na sagot nito. "Pero kung ilang taon ang pagitan natin sa isa't isa, iyon ang hindi ko alam. Ang petsa ba natin ay magkapareho?"

"December nineteen yata ngayon," sabi ni Ayu.

"December nineteen..." Parang tina-translate pa ni Julia sa isip ang Tagalog niyon. "Ikalabinsiyam ng Disyembre?"

Tumango siya.

"Ikalabinsiyam ng Disyembre din ang petsa sa panahong pinagmulan ko!" bulalas ni Julia na nanlalaki ang mga mata sa tuwa.

"Kung gano'n, pareho lang ang oras at petsa? Eh, ba't mo nasabing magkaiba ang panahon natin? Pinaglololoko mo yata ako, eh," sabi ni Ayu, tinitigan nang mataman ang babae. "O kaya, baka elyen ka talaga? Galing ka sa ibang planeta. Hindi kaya?"

"Natitiyak ko sa 'yo na hindi ako isang elyen, kung ano man 'yon."

Pinagmasdan niya nang husto si Julia. Kitang-kita niya ang biglang pagkaasiwa ng babae. Hindi nito masalubong ang titig niya.

"Bakit 'di ka makatingin?" naaaliw na tanong niya.

Napayuko ito. "Hindi kaugalian ng mga babae ang makipagtitigan sa mga lalaki."

"Kung magsalita ka, tunog-sinaunang panahon ka talaga." Pumalatak si Ayu. "Ilang taon ka na—" Natigilan siya. Magkapareho sila ng oras, araw, at buwan. Pero ang taon...? "Anong taon ba ngayon sa pinagmulan mo?"

Mukhang nakuha naman kaagad ni Julia ang gusto niyang malaman.

"Sa panahon ko, ngayon ay ikalabinsiyam ng Disyembre sa taong isang libo, walong daan at siyamnapu't anim."

Halos malaglag ang mga panga ni Ayu. "G-galing ka pa ng e-eighteen ninety-six?!"

"Bakit? Anong taon na ba ngayon dito sa panahon mo?"

"Two thousand fifteen- ang ibig kong sabihin, taong dalawang libo at labinlima."

Natakpan ni Julia ang bibig. "N-nakakamangha."

"Hindi. Hindi 'to totoo." Panay ang iling ni Ayu. Napaupo siya sa tabi ng pinto. "Imposible. Hindi totoo ang time travel."

"May ibang paliwanag ka ba sa mga pangyayaring 'to, Ginoong—"

"Ayu. Ayushiridara ang pangalan ko," sabi niyang nakatingala kay Julia.

"Maging ang 'yong pangalan ay kakaiba," komento ni Julia.

"Hindi pa rin ako makapaniwala," giit niya.

Lumapit ito sa kanya at tumalungko sa harap niya, pagkatapos ay ngumiti.

"Hindi lahat ng bagay, kailangan mong paniwalaan. May ilan talaga na ang dapat mo lang gawin ay tanggapin."

Kandaduling siya sa pagtitig sa mukha ni Julia. "Mas matatanggap ko pa na nababaliw na 'ko..." Kaysa isiping nakakausap niya ang babaeng hindi raw multo, pero galing pa sa taong 1896!

Tumayo si Julia at inilahad ang kamay sa kanya. "Halika, maghanap tayo ng ibang maaaring paliwanag."

Napatingin si Ayu sa nakalahad na kamay ng babae. Bumuntong-hininga siya. Ano pa nga ba ang tamang gawin kundi maghanap ng paliwanag.

"Sige." Tinanggap niya ang kamay nito.

Pero sa pagdantay ng mga kamay nila, unti-unting naglaho si Julia!

"Ayu—"

"Julia!" Pilit niyang inaabot ang kamay ng babae hanggang sa tuluyan na itong mawala sa paningin niya.

Naiwan siyang nakatitig lang sa kawalan.

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon