MAALIWALAS ang kalangitan nang marating nina Ayu ang lumang bahay ng pamilya nila sa Kawit, Cavite.
Déjà vécu...
Iyon ang pakiramdam ni Ayu habang nakatanaw sa lumang bahay na nasa kanyang harap.
Kung ang déjà vu ay pakiramdam na parang nangyari na iyon sa buhay ng isang tao, ang déjà vécu naman ay ang paniniwalang pakiramdam mo ay nakakaranas ka ng déjà vu. Pakiramdam iyon na parang nakita mo na ang pangyayaring iyon, naranasan mo na, pero sa mas detalyadong paraan. Kasunod din niyon ang pakiramdam na parang alam mo na ang kasunod na mangyayari.
Tamang-tamang description sa nararanasan ngayon ni Ayu. Hindi nga ba't nakita na niya ang bahay na iyon sa kanyang panaginip? Mas malinaw. Mas detalyado.
"Ayu," tawag ng mama niya. Nabuksan na nito ang pinto ng backseat at kinukuha ang mga gamit nila. "'Di mo ba ako tutulungan?"
"Sorry," sabi niya, saka nagmamadaling bumaba. Isinukbit niya sa balikat ang backpack at binitbit ang isang duffel bag.
"Ano'ng masasabi mo sa bahay?" tanong ng kanyang ina habang papasok na sila sa loob ng bakuran.
Nagkibit-balikat si Ayu. "Luma na nga pero okay lang. 'Di naman tayo magtatagal dito, 'di ba, Mama?"
"Akala ko magrereklamo ka pagdating mo dahil sa kalumaan na nitong bahay. Saka one week lang tayo dito. Kailangan n'yo ring mailayo sa siyudad paminsan-minsan."
"Maganda naman ang structure ng bahay," sabi niya at binalingan ang ina. "Mama, puwede bang sa 'kin n'yo na ipamana 'yang bahay pagtanda ko?"
"Ano'ng gagawin mo sa isang lumang bahay?" tanong nito na halatang hindi makapaniwala. "At kailan ka pa nagkaroon ng interes sa ganitong lugar?"
Kibit-balikat lang ang naging sagot ni Ayu. Tumuloy na sila sa front porch. Hindi gaya ng inakala niya, hindi sila sinalubong ni Dara. Nasa likod-bahay naman ang kanyang papa na kumaway pa pagkakita sa kanila.
"Hanapin mo na lang sa loob ang kakambal mo," sabi ng mama niya. Inilapag nito sa front door ang mga dala. "Pupuntahan ko lang sa likod-bahay ang papa mo."
Tumango si Ayu. Inilapag niya sa sahig ang duffel bag at tuluyang pumasok sa loob. Kitang-kita niyang natatamaan ng sikat ng papalubog na araw ang ilang bahagi ng bahay. Naging dahilan pa iyon para mas tumingkad at magkaroon ng karakter ang lumang bahay.
Inilibot niya ang tingin sa paligid. Parang wala man lang nagbago. Ganoong-ganoon ang ayos ng lahat. Katulad na katulad sa panaginip niya. Pero panaginip nga lang ba iyon?
Napako ang tingin ni Ayu sa isang panig ng bahay. May mahaba pero medyo may kababaang display cabinet. Nakahilera ang mga picture frame, angel figurines, at kung ano-ano pa. Pero hindi iyon ang nakakuha ng kanyang pansin kundi ang kuwadradong bagay na nakasabit sa itaas ng cabinet.
A painting.
Pigil ang hiningang naglakad si Ayu palapit doon. Manghang napatitig lang siya sa painting, lalo na sa babaeng nakaupo sa gitna ng painting kung saan ang lumang bahay na iyon ang nagsilbing background.
Matingkad ang sikat ng araw na tumatama sa kalahati ng mukha ng babae. Pero hindi iyon nakaapekto sa napakagandang ngiti sa maamong mukha nito. Litaw na litaw ang kasiyahan nito at parang buhay na buhay ang mga matang puno ng pagmamahal habang ipinipinta.
A portrait of a very lovely woman. His very own masterpiece. A bittersweet love story captured by a painting.
Napatingin si Ayu sa ibabang bahagi ng painting. Nandoon ang pangalan ng babaeng nasa kuwadro.
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
RomanceThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...