9

4.9K 134 2
                                    


HAPON na nang dumating si Ayu sa lumang mansiyon. Sinalubong siya ni Manong Undo—ang katiwala roon. Ang matandang lalaki at ang maybahay nitong si Aling Minda ang regular na naglilinis ng loob at labas ng malaking bahay. Tuwing Martes at Sabado ang schedule ng pagpunta ng mag-asawa pero umuuwi rin kinagabihan.

Tinulungan si Ayu ng matandang lalaki sa pagpasok ng kanyang mga gamit sa loob ng bahay.

"Okay na ho ba ang kuwartong gagamitin ko?" tanong niya habang paakyat sila sa front porch.

"Opo, Sir. Napalitan na rin 'yon ni Minda ng kubrekama at mga kurtina. Iyon kasi ang ginamit ni Ma'am Dara noong pumunta sila rito ng mga kaibigan niya."

Tumango si Ayu. "Sige po, salamat."

Tuluyan na siyang nakapasok sa loob. Napahugot siya ng hininga habang pinagmamasdan ang kabuuan ng sala. Kita rin mula roon ang entrada ng komedor, ang nangingintab na hagdan, at ang mga painting na naka-display sa iba't ibang panig ng dingding.

Parang walang nagbago. Ganoong-ganoon pa rin ang hitsura noong huling tapak ni Ayu sa bahay na iyon ten years ago. Kapag kasi nagpupunta siya roon para alamin kung may nasira na naman bang parte ng bahay, lalo na kapag pagkatapos ng bagyo ay hindi siya pumapasok sa loob. Sa likod-bahay siya dumaraan. Kapag naman sa kisame ang may problema, si Manong Undo na ang pinapa-supervise niya sa restoration. Sa labas lang siya lagi nakaabang.

Pero noon iyon. Masyado nang mahaba ang sampung taon. Darating talaga siguro sa buhay ng tao ang puntong iyon. Kagaya ni Ayu. Kailangan na niyang harapin ang mga bagay na ilang taon din niyang iniwasan. Unang-una kasi, bakit pa ba siya matatakot?

Ang mag-asawang katiwala, si Dara at ang mga kaibigan nito, ang mga karpintero, lahat sila ay naglabas-masok sa loob ng mansiyon pero walang narinig si Ayu na may nararamdamang kakaiba ang mga ito. Siya lang. At bata pa siya noong mangyari iyon.

Naikonsulta na rin niya ang tungkol sa bagay na iyon sa isang kaibigang psychiatrist. Pero ang sabi ng kaibigan niya, bunga lang daw iyon ng kanyang imagination. Parte lang daw iyon ng kagustuhan niyang makaalis kaagad sa lumang bahay. Para daw sa isang city boy na biglang kailangang mag-stay sa isang lumang bahay na malayo sa nakasanayang way of living sa siyudad, hindi maiiwasang gustuhin niyang makaalis kaagad doon. Kaya ang imagination niya ang gumawa ng paraan para masolusyunan iyon.

Iniisip daw ni Ayu na may kakaiba sa bahay. Nang sa ganoon, mapilitan ang kanyang mga magulang na umuwi na sila. Na siya ngang nangyari.

Pero paano ipapaliwanag ng kaibigang psychiatrist na maski hanggang sa puntong iyon, hindi pa rin siya nilulubayan ng alaala ng mukha ng babaeng nakita sampung taon na ang nakalipas?

Naroon pa rin sa isip ni Ayu ang mga katanungan. Sino ang babaeng iyon? Bakit ito nagpapakita sa kanya? Higit sa lahat, bakit pagkatapos ng mga pagpapakita nito ay hindi na nawala ang kakaibang pakiramdam sa kanyang puso?

Pakiramdam ni Ayu, may kulang sa buhay niya. Minsan, nagigising siya sa umaga na parang puno ng kahungkagan ang puso. Ilang taon din niyang hinanapan iyon ng sagot pero palagi siyang bigo. Ilang beses na ba siyang pumasok sa relasyon sa pag-aakalang kailangan lang siguro niyang magmahal at mahalin?

Pero hindi rin nagtatagal ang mga iyon. Parang ihip lang ng hangin, dumadaan lang sa buhay ni Ayu. Hanggang sa siya na rin ang sumuko. Hindi niya kailangan ng babae para makompleto ang buhay niya.

Ang kailangan, balikan ang bahagi ng kanyang nakaraan na pilit na iniwasan. Closure. Iyon ang kailangan niya.

Kailangan na niyang pakawalan sa isip ang babaeng iyon. Kailangang mabura na sa sistema niya ang alaala nito. Para mangyari iyon, patutunayan ni Ayu sa sariling tama ang kaibigang psychiatrist, tama ang kanyang mama, tama ang sinasabi ng karamihan—imagination lang niya ang babae.

"Umakyat po muna kayo sa kuwarto n'yo, Sir, para makapagpahinga sandali. Maghahanda na po mayamaya lang si Minda ng hapunan n'yo bago kami umalis."

Lumapit na si Ayu sa hagdan. "Sige, Manong. Pakisunod na lang po ang ibang gamit ko na nasa kotse."

"Opo, Sir."

Umakyat na siya sa itaas para lang mapahinto sa gitna ng hagdan. Para kasing may dumaan mula sa sala papunta sa kusina. Lumingon siya sa ibaba.

Walang tao.

Nasapo niya ang ulo. "Heto na naman ako."

ka na rYc3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon