18

4.3K 128 2
                                    

"BUKAS, sasama ka sa amin pabalik ng Maynila," sabi ng kanilang mama sa harap ng hapag-kainan, kay Ayu nakatingin. "Sa bahay ka magpa-Pasko at magba-Bagong taon."

Tumikhim si Ayu, saka nilingon ang babaeng katabi niya sa upuan. "Pero, Mama, hindi ko puwedeng iwan si Julia. Bisita ko siya. Susunod na lang ako sa gabi ng twenty-four."

"Di isama mo sa atin," bale-walang sabi ng kanyang mama. Maganang-magana ito sa pagkain. Ang dahilan, kompleto raw kasi sila.

"Oo nga. Bakit hindi mo na lang siya isama sa Maynila? Para makapag-bonding kami," sabi naman ni Dara.

Alam na ng kakambal ni Ayu kung saan nagmula si Julia. Dumating si Dara sa sala noong ini-interrogate niya ang fiancé nitong si Topacio. Obvious na masayang-masaya ang kakambal sa nalaman. Panay pa ang tanong nito kay Julia kung gaano raw kagiting ang lalaking mahal nito sa panahong pinanggalingan ng dalawa.

Pero si Ayu, hindi na yata makaka-recover sa pagkamangha. Akalain mo iyon, kaharap niya ang dalawang taong nagmula pa sa taong 1896?

"Pero, 'Ma, hindi ko sigurado kung puwede ko bang dalhin si Julia sa Maynila. Bakit hindi na lang tayo dito mag-celebrate ng Pasko?" suhestiyon niya.

"Nasa Maynila ang bahay natin," sabi nito.

"Pero bahay rin naman natin 'to, hindi ba?" giit pa niya.

Mahinang tumikhim si Julia. "Ayos lang sa akin na sumama ka, Ayu. Uuwi na lang siguro ako—"

"Hindi," mariing putol niya sa sasabihin ng dalaga. "Huwag ka munang umuwi sa inyo. Pakiusap."

Limang pares ng mga mata ang tumuon sa kanya. Saka lang na-realize ni Ayu ang sinabi. Lihim niyang kinastigo ang sarili.

Nakita niyang ang kanyang papa ang unang nag-react. Umiling lang ito, saka itinuloy ang pagkain.

"Kung ayaw mo pala siyang pauwiin, di isama mo na lang," hirit uli ni Dara.

"Puwede kaya 'yon?" tanong ni Ayu at bahagyang inilapit ang bibig kay Julia. "Puwede ka kayang umalis sa bahay na ito?"

"Hindi ko alam," mahinang sagot ng dalaga.

"Sa tingin ko, maaari naman sigurong isama natin si Julia sa Maynila," singit ni Paco at bumaling din kay Julia. "Iyon ay kung gusto niyang sumama."

"Sumama ka, Julia, please," pakiusap ni Dara.

"Ayu?" Tumingin si Julia sa kanya na parang humihingi ng permiso.

"Subukan natin?" Nag-aalala kasi siyang baka oras na lumayo si Julia sa lumang bahay, bigla na lang itong ibalik sa panahon nito.

Tumango si Julia. "Nais ko ring masilayan ang Kamaynilaan sa makabagong panahon." Bakas sa boses nito ang excitement.

"Ipapasyal kita do'n," nakangiting pahayag ni Ayu.

Kitang-kita niya kung paano nagliwanag ang mukha ng dalaga. Wala sa sariling natitigan na lang niya ito. Pakiramdam ni Ayu, kahit siguro abutin siya ng paghuhukom sa pagtitig kay Julia, hinding-hindi niya pagsasawaan ang maamong mukha nito.

Biglang tumikhim ang kanyang mama kaya napatingin siya rito. Muli, nakita niyang nakatuon sa kanya ang pansin ng mga ito, iba-iba ang reaksiyong nasa mga mukha.

Wala sa loob na nag-iwas ng tingin si Ayu at itinuon na lang sa pagkain ang pansin.

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon