"BAGAY sa 'yo." Pumalakpak si Dara paglabas ni Julia mula sa kubeta ng kuwarto ng kakambal ni Ayu. Doon siya pinagbihis ni Dara ng pulang bestida na ipinahiram nito.
Hapon na nang marating nila kanina ang bahay ng mga Pineda sa Maynila. Panay kasi ang tigil nila sa daan dahil na rin kay Julia. Nagsusuka siya. Nahihilo kasi siya sa klase ng transportasyon na sinasakyan nila. Mabilis ang takbo niyon, nakakasulasok pa ang amoy sa daan. Parang babaliktad ang kanyang sikmura.
Mabuti na lang at hindi siya pinababayaan ni Ayu. Nakaalalay rin sa kanya sina Manong Topacio at Dara. Sila kasi ang magkakasama sa iisang sasakyan. Si Ayu ang nasa harap ng tila manibela—pagmamaneho raw ang tawag doon, sabi ni Dara.
Nasa ibang sasakyan naman ang mag-asawang Pineda.
Naaasiwang ngumiti si Julia. "Hindi ba masyadong maikli?" Panay ang hila niya sa laylayan ng damit. Umabot lang kasi yata iyon sa gitna ng kanyang hita.
"Ano ka ba? 'Yan ang uso ngayon. Saka hayaan mo na, ngayon lang naman. Pagbigyan mo na 'ko." Mukhang siyang-siya si Dara sa ginawang pag-aayos sa kanya.
Ang babae rin ang umalalay sa kanya sa paliligo. Hindi kasi niya alam kung paano paandarin ang ilang kagamitan sa loob ng silid-paliguan nito. Manghang-mangha siya sa mga makabagong gamit.
"Nakakahiya kay Ayu," nahihiyang sabi niya.
"Hindi 'yan. Matutuwa pa 'yon kasi bagay na bagay sa 'yo ang suot mo."
"Talaga?" Mukhang totoo naman ang papuri ni Dara sa kanya.
"Oo nga." Itinuro nito sa kanya ang malaking salamin sa isang sulok. "Tingnan mo pa nga ang sarili mo."
Lumapit siya sa salamin at tiningnan ang sarili. Tama lang ang pagkakalapat ng damit sa katawan niya. Maiksi man ay hindi naman mukhang malaswa dahil abot hanggang siko niya ang mga manggas.
"Ikaw na lang ang mag-aayos ng buhok mo, ha?" sabi ni Dara mula sa kanyang likuran. "Bawal ka raw hawakan, bilin ni Ayu. Para ka palang bula, 'no? Naglalaho kapag nahahawakan."
"Parang ganoon na nga." Sinimulan na niyang ipunin ang buhok at ipinusod.
"Ayaw mong ilugay ang buhok mo?" tanong ni Dara, nakatingin sa repleksiyon niya sa salamin.
"Hindi na, ganito na lang," tanggi niya.
Tumango lang ang babae, saka tinungo ang isang panig ng silid. "'Lika, pili ka ng sapatos mo. Dapat babagay sa damit mo."
Nakita ni Julia ang ayos ni Dara. Puti ang bestidang suot nito na umabot lang din sa gitna ng mga hita. Ang kaibahan lang, walang manggas ang suot ni Dara kaya kitang-kita ang makinis nitong braso.
Kulay-krema ang sapatos ng babae at pagkataas-taas ng takong. Hindi alam ni Julia kung kakayanin din niyang magsuot nang ganoon kataas na sapatos.
"Wala ka bang hindi mataas ang takong?" tanong niya.
"Ayaw mo ng mataas ang takong?"
"Baka matumba ako," nahihiyang pag-amin niya.
"Okay, hahanapan kita." Naghalungkat si Dara sa loob ng kahon nito ng mga sapatos. Mayamaya, mula roon ay may inilabas na pula ring sapatos, walang takong.
"'Sukat mo," utos nito.
Sumunod si Julia. Saktong-sakto iyon sa mga paa niya. Nagmukhang maputing-maputi ang kanyang mga paa dahil sa kulay ng sapatos. Magaan din iyon.
"'Yan. Perfect!" Pumalakpak si Dara. "Tara na?"
"Sigurado ka bang okay lang ang bihis ko?"
"Sobrang ganda mo na," sagot ng babae.
BINABASA MO ANG
The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)
RomanceThe Girl In A Vintage Dress By Chelsea Parker Lumipas man ang ilandaang taon, pagtatagpuin at pagtatagpuin ang dalawang tao na itinakda ng tadhana para sa isa't isa. Nagsimula ang lahat nang sumama si Ayu sa field trip ng klase nila. Para daw mas r...