7

5.7K 147 4
                                    

November 2, 2005

PANAY ang hikab ni Ayu. Hindi siya nakatulog nang maayos nang nagdaang gabi. Ayaw kasi siyang tantanan ng kakaibang nangyari sa kanya sa bahay na iyon. Hindi mawala-wala sa isip niya ang mukha ng babaeng produkto ng kanyang imahinasyon.

Hindi na nga siya nakatulog nang maayos, maaga pa siyang nagising. Ewan ba ni Ayu kung nakariringgan lang niya pero parang may kakaiba sa kuwartong ginagamit niya sa itaas. Mga yabag ang nagisnan niya kanina. Nang tingnan naman niya ang kuwarto, wala namang tao.

Baka nga haunted talaga ang bahay na iyon. Pero bakit parang siya lang ang nakakapansin? Ni wala siyang marinig na reklamo mula kay Dara. Maging ang kanilang mga magulang ay mukhang nag-e-enjoy pa sa katahimikan.

Kaya naman kahit alas-siyete pa lang ng umaga—oras pa sana ng pagtulog niya—ay nasa ibaba na siya. Sa sala na siya umistambay. At para palipasin na rin ang pagkainip, naisipan niyang kumuha ng bond paper at lapis.

Ilang sandali pa, lunod na si Ayu sa ginagawang pag-sketch. Unti-unti nang nagkakahugis sa blangkong papel ang mukha ng isang babae, ang hitsura nito, ang ekspresyon, at ang bihis.

Muli siyang napahikab, pagkatapos ay napatitig sa gawa. Tapos na niya. Gusto niyang i-congratulate ang sarili sa resulta ng drawing niya. Maayos ang pagkakalipat niya sa babaeng iyon sa bond paper mula sa kanyang isip.

Muling naghikab si Ayu. Napasulyap siya sa katapat na wall clock. Mag-aalas-otso na ng umaga. Dinig niya mula sa itaas ang boses ni Dara. Sinasabayan ng kanta ang music sa cell phone nito.

Dumaan sa harap ni Ayu ang kanyang mama na may bitbit na dalawang itim na plastic bag—mga basura.

"Ready na ang breakfast. Kumain ka na," sabi nito nang sulyapan siya bago lumabas ng pinto. Magtatapon ito ng basura.

"'Ma, nagtimpla ka ng kape para kay Papa?" pahabol na tanong niya.

"Oo. Bakit?" malakas na tanong ng ina mula sa labas.

"Pahingi ako, ha." Pakiramdam ni Ayu, iyon ang kailangan niya. Kape. Para magkaroon naman siya ng kaunting energy. Nanlalata talaga ang pakiramdam niya.

Tumuloy na siya sa kusina. Nakahain na nga sa mesa ang mga pagkain. Sanay na ang Pineda household na kumain ng alas-otso ng umaga kapag walang pasok. Nakita kaagad ni Ayu ang dalawang mugs ng umuusok na kape, para sa mama at papa niya.

Kinuha niya ang isang mug, hinipan-hipan habang palabas na uli ng komedor. Sa sala niya iyon iinumin. Ewan ba niya, parang ayaw na niyang mag-stay nang matagal sa kusina. Baka kung ano na naman ang makita niya.

Dinig pa rin ni Ayu ang pagkanta ni Dara, ang mga tunog ng martilyo na ipinangpupukpok mula sa likod-bahay-pinasimulan na kasi ng kanyang ama na ipagawa ang mga sira sa kisame sa likod-bahay-at ang kaluskos mula sa itaas ng hagdan. Lahat ng iyon, malinaw na naririnig ni Ayu.

Tipikal na umaga para sa kanya.

Pero bakit pakiramdam niya, may kakaiba? Hindi niya masabi kung ano. Hindi niya maipaliwanag ang weird feelings na nagsisimula na namang mamahay sa kanyang dibdib.

Napansin ni Ayu na may pababang pigura sa hagdan.

Tumingala siya sa tuktok ng hagdan. At ganoon na lang ang pag-awang ng bibig niya nang makita ang babaeng nakita rin niya kahapon. Nakapusod ang buhok nito na hindi niya malaman kung paano ginawa, nakasuot ng hikaw na perlas, at may bitbit na maliit na maleta. Hindi alam ni Ayu kung ngingiwi o tatawa sa suot ng babae.

Lumang kasuotan ang bihis nito!

Para siyang nanonood ng stage play habang nakatingin sa pababang babae—ganoong-ganoon kasi ang ayos ng mga bidang babae.

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon