12

4.5K 131 6
                                    

TAHIMIK ang unang gabi ni Ayu sa lumang bahay. Pagdating na pagdating ay nakaidlip siya. Ginising lang siya ni Mang Undo para maghapunan. Pagkatapos ng dinner, nakipagkuwentuhan muna siya sa mag-asawang katiwala. Pagkaraan ng isang oras, nagpaalam na ang dalawa. Nagbilin siya kay Mang Undo na huwag kalilimutang i-lock ang mga pinto at bintana, gayundin ang gate paglabas ng mga ito.

Umakyat na si Ayu sa kuwarto niya pagkatapos. Kaagad naman siyang nakatulog dala ng pagod sa biyahe at pamimili ng ibinaon niyang groceries. Sobrang sarap pa ng naging tulog niya.

Pero kahapon iyon. Ngayon, kung kailan malapit na niyang mahuli ang antok—na mukhang pinagtataguan siya—saka pa may mambubulahaw ng gabi niya.

Sunod-sunod na pagkatok ang narinig ni Ayu mula sa labas ng kuwarto. Napaungol siya sa frustration. Base sa paraan ng katok, nagmamadali ang kung sino mang nasa labas.

Baka si Mang Undo iyon—may emergency na nangyari sa bahay ng mga ito kaya nagmamadali. Baka babale. Malabo kasi kung iisipin niyang baka magnanakaw dahil sigurado siyang nai-lock niya nang maayos ang gate, mga bintana, back door, at front door.

At si Mang Undo lang ang puwedeng makapasok dahil may susi ito ng bahay.

Mabigat ang kilos na bumangon si Ayu. Ni hindi na siya nag-abala pang takpan ang sarili. Si Mang Undo lang naman ang makakaharap niya. Hindi naman siguro big deal para dito kung boxer shorts lang ang suot niya.

Maiintindihan naman siguro siya ng matanda dahil mainit ang buong kuwarto. Sira ang aircon kaya nagtiis na lang siya sa ibinubuga ng maliit na electric fan. Binuksan na lang din niya ang malaking bintana.

May aircon din naman sana sa kabilang kuwarto. Pero hindi pa niya iyon naipapalinis kay Manang Minda. Pupuntahan pa nga sana niya ang mag-asawa bukas para ihanap siya ng mag-aayos ng aircon sa master's bedroom at para ipalinis na rin ang katapat na kuwarto. Iyon muna ang gagamitin niya.

Pero mukhang hindi na kailangan pa ni Ayu na magpunta sa bahay ng mag-asawang katiwala. Ngayon na lang din niya sasabihin kay Mang Undo ang tungkol sa pakay niya.

Binuksan niya ang pinto.

Halos malaglag ang panga ni Ayu sa napagbuksan.

"Paumanhin kung naabala kita—" Napamaang sa kanya ang babae. Nanlalaki ang mga mata nito. Nagtaas-baba ang tingin sa mukha niya at katawan.

Tinakpan ng babae ng dalawang kamay ang mga mata.

Habang siya naman ay parang napako sa kinatatayuan. Napatitig na lang siya sa kaharap. Iisa lang ang pumasok sa isip ni Ayu nang mapagmasdan ang ayos ng babae. Nakasuot ito ng puting bestida na sa haba ay umabot sa sahig. Nakalugay ang mahabang buhok. Kahit sino siguro, isa lang ang maiisip kapag nakakita ng babaeng ganoon ang ayos sa lumang bahay na iyon.

Multo!

Biglang tumili nang ubod lakas ang multo.

Tumitiling multo!

Nahintakutang napaatras si Ayu. Nawalan siya ng balanse dahilan para mapaupo sa sahig. Pero kahit nasaktan ang puwitan, pinilit pa rin niyang makaatras.

"'Wag kang lalapit. Wala kang magagawa sa 'kin. Multo ka na," sabi niya habang titig na titig sa babae.

Pero sa pagtataka ni Ayu, tumigil ang babae sa pagtili. Bakas sa mukha nito ang pagkalito, panggigilalas, at takot. Mayamaya, dali-dali itong tumalikod habang nakatakip ang mga mata.

Natatakot din pala ang multo sa tao?

"Isa kang lalaking walang modo! Paano mo naaatim na humarap sa mga tao nang nakahubad?"sabi ng babae habang nakatalikod pa rin sa kanya.

Napayuko siya sa sarili. Kung ikokompara sa pagkakabalot ng sarili nito, masasabi ngang hubad siya.

"Pasensiya ka na. Hindi ko kasi alam na—" Teka nga, bakit ba siya nagso-sorry sa isang multo?

"Takpan mo muna ang iyong sarili, maaari ba?" sabi uli ng babae.

Tumayo si Ayu. Unti-unti nang nawawala ang takot niya at napalitan iyon ng matinding curiousity. Lumapit siya sa pinto.

"Sino ka ba talaga?" tanong niya. "Bakit ka nagpapakita sa akin?"

Bahagyang sumilip ang babae sa direksiyon niya, pagkatapos ay muling tumili. "Sinabi ko na sa 'yong takpan mo ang 'yong katawan! Wala ka man lang ba maski kaunting hiya sa 'yong sarili sa pagbibilad ng katawan sa harap ng isang binibini?"

Hindi napigilan ni Ayu na mapangiti. Isang conservative na multo?

Interesting.

Pero multo nga ba iyon o panaginip lang niya? Baka hindi niya alam, nakatulog na pala siya kanina. Siguro, nananaginip lang siya kaya hindi na natatakot. Ganoon naman sa panaginip, hindi ba? Nagagawa mong harapin ang mga bagay na hindi mo magagawa sa mundo ng realidad.

"Hindi ako magbibihis hangga't hindi mo sinasagot ang tanong ko," nakakalokong sabi ni Ayu. "Sino ka?"

"Julia," sagot ng multo pagkaraan ng ilang sandali.

"Julia?" ulit niya. "Ano ang buo mong pangalan?"

"Julia Catanzara."

Catanzara? Saan nga ba niya iyon narinig?

"So, Julia, bakit nagpapakita ka sa akin? Tagasaan ka? Dati ka bang nakatira sa bahay na 'to? Hindi ba, multo ka na? Kaluluwa? Espiritu?"

"Magdamit ka muna, pakiusap."

Napahiya naman si Ayu. "Sige, sandali lang." Tumalikod siya at tinungo ang built-in closet. Basta na lang siyang kumuha roon ng nahawakang T-shirt at nagmamadaling isinuot. Pagkatapos, sweatpants naman ang hinablot niya mula sa lalagyan ng mga damit.

Nang biglang matigilan si Ayu. Bakit ba siya parang atat sa pagbibihis? Eh, ano kung may naghihintay na babae sa labas ng kuwarto niya?

Dapat ba siyang makaramdam nang ganoon kung isang multo lang ang makakaharap niya?

Pero multo nga kaya iyon o—malakas na binatukan ni Ayu ang sarili.

"Ouch!" hiyaw niya nang maramdaman ang sakit. Ibig sabihin, hindi siya nananaginip.

"Ginoo?" tawag ng multo sa kanya. "Bakit ka napasigaw?"

"W-wala. Sandali lang." Inayos niya ang pagkakalapat ng damit, pagkatapos ay lumapit sa pinto at binuksan.

Nakatalikod pa rin ang babae.

"Puwede ka nang humarap," sabi niya.

Unti-unting humarap ang multo. Wala sa sariling natitigan ni Ayu ang mukha nito. Unti-unting may nabuong mukha sa kanyang isipan. Parang isang malabong litrato na unti-unting luminaw sa kanya ang lahat.

"I-ikaw..." wala sa loob na sambit niya.

Ito rin ang babaeng nakita niya ten years ago!

"Ako nga." Ngumiti ito. "Nagkita rin tayong muli."

anY3

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon