5

6.1K 132 0
                                    


PARANG may puwersa ng hangin ang bumangga at tumagos lang sa katawan ni Ayu. Napapikit siya nang mariin.

"Anak? Okay ka lang ba?"

Ang boses na iyon ng mama niya ang nakapagpabalik kay Ayu sa kasalukuyan. Dumilat siya, pagkatapos ay napakurap nang ilang beses. Sinuyod niya ng tingin ang buong kusina. Wala na ang babaeng nakita niya kanina.

O talaga bang may nakita siya? Hindi kaya imagination lang niya iyon? Pero bakit parang totoong-totoo?

"Ayu," muling tawag ng kanyang mama.

Nilingon niya ang ina na nakatayo sa may hagdan. Mukhang kabababa lang nito. Takang-taka ang hitsura.

"Bakit, 'Ma?"

"Tinatanong kita kung okay ka lang ba?" Naglakad na ito palapit sa kanya.

Tumango si Ayu. "Okay lang ako, 'Ma."

"Sure ka? Para ka kasing nakakita ng multo kanina." Sumilip ito sa loob ng kusina. "Ano ba 'yong tinitingnan mo?"

Muli siyang kumurap. "Wala, 'Ma. Namalikmata lang yata ako. Baka anino lang ng papalubog na araw ang nakita ko."

"Ano ba kasi ang nakita mo?" usisa ng kanyang mama.

"Wala, 'Ma. Huwag mo nang itanong. Hindi rin ako sure sa nakita ko, eh," paiwas na sagot niya.

"Sigurado ka?"

"Oo. Sige na, 'Ma. Hinihintay pa ni Dara 'tong hinihingi niyang cake."

"Sige. Maghahanda na rin ako ng mga pagkaing dadalhin natin mamaya sa sementeryo."

Araw na pala ng mga patay. Baka kaya siya nakakakita ng mga—kaluluwa na kaya iyong nakita niya? Pero parang hindi. Parang buhay naman. Kaya lang masyadong makaluma ang suot na damit ng babaeng nakita niya.

Parang kasuotan ng mga babae noong unang panahon.

Pero sa kabila ng pagiging outdated ng ayos ng babaeng nakita kanina, hindi maipagkakailang maganda ito. Iyong uri ng ganda na tatatak sa isipan ng makakakita.

"Shit. Kung ano-ano na ang iniisip ko," usal ni Ayu sa hangin.

"May sinasabi ka, Ayu?" nagtatakang tanong ng kanyang mama.

"Wala, 'Ma. Sabi ko, sa labas na 'ko." Nagmamadaling tumalikod na siya.

Pinakiramdaman pa ni Ayu ang buong bahay habang naglalakad papunta sa front door. Napatingala rin siya sa tuktok ng hagdan nang mapatapat doon. Para kasing may naririnig siyang mga tunog ng nagmamadaling mga yabag pababa.

Tumigil siya sa paghakbang. Nagmasid. Walang tao. Pero bigla, parang may kung anong dumaan sa kanya. Puwersa ng hangin. Katulad ng naramdaman niya kanina at kahapon. Unang pasok pa lang niya sa lumang bahay, ganoong pakiramdam kaagad ang sumalubong sa kanya.

Medyo napapikit pa si Ayu at muling nakiramdam, saka nagpalinga-linga. Palayo na ang mga yabag na naririnig niya, parang papunta sa front door.

Napasunod ang tingin niya roon. Nakabukas ang front door kaya kita niya ang maluwang na bakuran. Pero kung saan nagmumula ang mga yabag, hindi niya alam.

Ah, baka ang naririnig niyang mga yabag ay sa mama niyang nasa kusina.

Nagkibit-balikat na lang si Ayu at nagpatuloy sa paglalakad. Pero nang akmang lalabas na ng front door, bigla siyang napalingon.

Naramdaman kasi niyang may sumagi sa kanyang kamay, dahilan para mahulog ang pandan cake mula sa hawak na platito. Sino ang sumagi sa kanya? Wala naman siyang makitang tao.

Wala sa loob na nahaplos ni Ayu ang batok. Nagtatayuan ang mga balahibo niya roon. Ngayon, sigurado na siya. May something sa bahay na iyon.

Multo kaya?

"HINDI ko sinasadya, Manong Topacio," paghingi ng paumanhin ni Julia nang matabig ang kamay ng bagong dating na si Topacio.

Napuno ng pagtataka ang mukha nito. "Ano ang hindi mo sinasadya?"

"Ang pagtabig ko sa kamay mo," sagot niya.

"Paano mo matatabig gayong nakahawak ka naman sa kaliwang kamay ko at malayo naman sa 'yo ang kabilang kamay ko?" Itinaas pa nito ang kanang kamay.

Noon lang naintindihan ni Julia ang ibig sabihin ni Topacio. Hindi niya ito masasagi dahil magkasabay silang pumasok sa loob ng kabahayan. Kararating lang ng kaibigan kaya nagmamadali siyang sinalubong ito sa pinto.

Pero kung hindi si Topacio ang nakabanggaan niya ng kamay, sino?

May naglalaro nang ideya sa isipan ni Julia pero kaagad din niya iyong itinaboy. Isa lang iyong imahinasyon. Hindi puwedeng magkatotoo ang nakita niya kani-kanina lang dahil hindi siya naniniwala sa mga kaluluwa o maligno. At wala siyang naiisip na ibang paliwanag sa pagkakakilanlan ng lalaking nakita. Hindi niya ito kilala gayong kilala na niya ang halos lahat ng kaibigan at kakilala ni Nana Isabel na nagpupunta sa Mansiyon de Urbano.

Idagdag pa ang kakaibang uri ng kasuotan ng estranghero sa imahinasyon niya.

Tama, isa lang talaga itong imahinasyon.

"Hanggang kailan ka ba mananatili rito sa 'min, Julia?" narinig niyang tanong ni Topacio. Mabuti na lang at iniba nito ang paksa.

"Hindi ko pa sigurado. Baka bukas din ng gabi ay ipasundo na ako ng Papa. Ang paalam ko kasi sa kanya ay dalawang araw lang ako rito."

Tumango si Topacio. "Ako na lang ang maghahatid sa 'yo bukas. Babalik din naman ako ng Maynila. Bumisita lang talaga ako kina Nana Isabel. Siniguro ko lang na maayos ang lagay nila."

"Sa Maynila ka pala kumukuha ng Abogasya, Manong? Saang eskuwelahan?"

"Unibersidad ng Santo Tomas. Maganda ang kanilang pamamalakad do'n," nakangiting sabi ni Topacio. "Ikaw, nakapagdesisyon ka na ba kung saan ka mag-aaral ng kolehiyo?"

Malungkot na umiling si Julia. "Gusto ko rin sanang sa eskuwelahang pinapasukan mo ako mag-aral, Manong. Pero kasi, sa ibang eskuwelahan nagtapos ang Papa. Baka doon din niya ako balak pag-aralin."

"Susubukan kong kausapin si Don Lucio. Kukumbinsihin ko siyang sa Santo Tomas ka na rin pag-aralin," nakangiting sabi ni Topacio.

"Talaga? Gagawin mo 'yon, Manong?" hindi makapaniwalang bulalas ni Julia.

Nakangiti itong tumango. "Oo. Kakausapin ko siya bukas pagkahatid ko sa 'yo."

"Maraming salamat, Manong Topacio."

"Basta ikaw. Para na rin kitang nakababatang kapatid." Masuyong ginulo nito ang kanyang buhok.

Hinayaan lang niya si Topacio. Nagkukuwentuhan pa rin sila nang tawagin na sila ni Nana Isabel. Maghanda na raw sila para sa hapunan dahil ihahanda na nito ang mesa.

Magkasabay sila ni Topacio na umakyat sa hagdan. Nakikinita na ni Julia ang mahaba-haba nilang kuwentuhan mamaya. Doon na lang niya itinuon ang pansin at pilit na inalis sa isip ang kakatwang bagay na nangyari.

The Girl In A Vintage Dress COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon