NAGKAKAPE si Leo ng muling bumalik sa isip ang nakita kanina. Hindi niya napigil ang muling pagngiti at mahinang paglakhak. Lihim niyang ipinagpasalamat na hindi nahuli ni Ivy ang mga mata niya. Bumalik sa imahinasyon niya ito. Hindi maikakailang maganda ang kapitbahay niya. Lamang ay nuknukan ito ng sungit kaya hindi na siya magtataka kung wala siyang nakikitang boyfriend nito. Maganda ang hubog ng katawan na mas lalo niyang napatunayan ng hindi sinasadyang masilip niya ang dibdib nito. Matangkad rin ito kaysa sa karaniwang babae. Humigop siya ng kape at iniunat ang mga kamay. Ramdam niya ang pagod. Kinuha niya ang cell phone sa bulsa ng pantalon ng maalala niya ang ina. Matagal na silang hindi nakakapag-usap kaya babalitaan niya ito. Nakailang ring bago niya narinig ang tinig ng ina niyang si Leonora.
"Hello, ma. Kumusta na po?" Masayang tanong niya.
"Okay naman ako, anak. Ikaw diyan? Kumusta ang pag-aaral mo? Kumakain ka ba sa tamang oras? Sapat ba ang perang ipinapadala ko?"
Napangiti si Leo ng marinig ang nag-aalalang tinig ng ina. Kung hindi sila iminulat na magkakapatid sa pagtitipid at pagbili lamang ng mga kakailanaganing gamit sa araw-araw ay madali niyang sasabihing naubos na niya ang allowance. "Relax, ma. Okay ako. Marunong akong magluto kaya hindi ko problema ang kakainin ko sa araw-araw. May pera pa ako, ma," may pagmamalaking sagot niya. Hindi niya maiwasang hindi tanungin ang ama. Matagal na silang hindi nagkakapag-usap nito. "Kumusta po si papa?"
"Maayos naman siya, anak. Ipinapatanong niya kung maayos ang pag-aaral mo. Huwag kang mag-alala, Leo. Alam kong darating ang araw maiintindihan ng papa mo ang pasya mong kumuha ng ibang kurso. Sa tingin ko ay nabawasan na ang hinanakit niya sa 'yo ng sabihin ni Lindy na gusto nitong kumuha ng law at maging katulad ng papa niyo."
Napangiti si Leo sa narinig. Si Lindy ang sumunod sa kanya at magtatapos na ng senior high."Magandang balita 'yan, ma."
"Ako nga ay nagagalak rin sa desisyong iyon ng kapatid mo. Kailan ka pala mamasyal dito sa bahay?"
"Saka na siguro, mama. Busy pa ako sa ngayon. Marami akong requirements na inaasikaso. The week after next week ay enrollment na para sa second sem."
"Hayaan mo at kakausapin ko uli ang papa mo para siya ang maghatid sa 'yo sa entablado."
Napangiti siya. Gusto niyang masorpresa ang mga ito sa araw ng pagtatapos niya. Ito man lang ang maibayad niya sa pagsuway niyang kumuha ng Law. "Salamat, ma. Ingat po kayo. Mahal na mahal ko po kayo ni papa."
"Mag-ingat ka rin, anak. Kapag may kailangan ka, tumawag ka lang. Mahal ka namin, anak."
Matapos ang pakikipag-usap sa ina ay inubos niya ang natitirang laman ng tasa. Bumalik sa alalala niya ang isang tao na pinagsabihan niya ng pangarap niya.
"Anong gusto mong maging paglaki mo, Leo?" Tanong ng batang babaeng nagngangalang Denisse sa labindalawang taong gulang si Leo. Nakasakay sa swing si Denisse habang nakaalalay si Leo sa likod niya. Nagkibit-balikat ang batang si Leo.
Lumingon si Denisse."Gusto mo rin bang maging abogado katulad ni tito Ferrer?" Ferrer ang ama ni Leo.
"Hindi."
"Eh, anong gusto mo?" Masiglang tanong ng batang sampung taong gulang.
"Gusto kong maging isang engineer. Gusto kong magtayo ng matitibay na bahay."
"Wow! Di pwede mo akong patayuan ng magandang bahay?"
"Oo naman. Patatayuan kita ng magandang bahay," may ngiti sa labi wika ni Leo. "Ikaw, ano'ng gusto mong maging?"
"Gusto kong maging isang doktor," puno ng kislap ang mga matang pahayag nito.
"Bakit naman?"
"Para kapag nagkasakit ka, aalagaan kita. Aalagaan kita para gumaling ka kaagad," matamis ang ngiti na sabi ng batang babae.
Mapait na ngumiti si Leo. Aalagaan. Paano niya ako aalagaan kung umalis siya ng Pilipinas? Disisyon ni Denisse ang umalis. Hindi nito pinahalagahan ang mga pinagsamahan nila at ang nararamdaman niya. Bigla itong umalis na hindi nagpapaalam sa kanya. Maaring naman itong kausapin siya at makapagpaliwanag sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya ngunit hindi nito ginawa. Ipinilig niya ang ulo upang hindi na maalala pa ang nakalipas. Tinungo niya ang lababo at nagsepilyo ng ngipin.
PASADO alas sinco ng hapon ng makauwi si Ivy galing sa trabaho. Binuksan niya ang ilaw at naupo sa iisang mahabang silya sa kanyang maliit na sala. Itinigil niya ang paglalaro ng mobile game ng matanaw sa nakabukas niyang bintana na malapit ng dumilim. Tiningan niya ang oras sa wall clock. Six fifteen. Kailangan na niyang magluto ng kanin. Bibili na lamang siya ng ulam sa karinderya mamaya. Sapilitan niyang ibinangon ang sarili at tinungo ang kusina. Nagsaing siya sa maliit niyang kaldero. Natampal niya ang noo ng mapansing wala na pala siyang mga tuyong panggatong. Siguradong mahihirapan siyang magluto.
Naiinis si Ivy dahil ilang beses na siyang kumiskis ng palito ng posporo pero hindi dumarami ang apoy sa mga inayos niyang panggatong. Iniangat niya ang tingin dahil pakiramdam niya ay may taong nakamasid sa kanya. Nakita niya si Leo na nakatayo, nagkakape at ngumingiti habang pinagmamasdan siya. Anong tinatawan nito? Masungit na sinalubong niya ang tingin nito. Kung pinagtatawan nito ang pagsisindi niya ng kalan ay hindi ito nakakatuwa. Masungit niya itong hinarap hanggang sa napansin niyang lumapit ito sa kanya.
Hindi nito pinansin ang pagsusungit niya at sa halip ay tinulungan siyang magsindi ng kalan. Hindi niya maiwasang mainis ng sabihin na naman nitong tatanda siyang dalaga. Wala naman siyang magawa dahil aminado siyang sa mga oras na iyon ay kailangan niya ng tulong dahil madilim na at nagugutom na siya.
Matapos makapagluto ng kanin ay lumabas siya sandali para bumili ng lutong ulam sa kalapit na karinderya. Sinigang na lamang ang natitirang panindang ulam ni manang Susan. Sawa na siya sa sinigang dahil halos sinigang ang kanyang laging umagahan at hapunan dahil iyon ang laging natitira sa mga paninda nitong ulam. Kung sana ay madali siyang magising ng maaga at may hilig siya sa pagluluto, hindi na sana niya kailangan pang bumili. Bumili na lamang siya ng Flakes in Oil Tuna para maiba naman ang ulam niya.
BINABASA MO ANG
Not Just A Kiss
RomanceInis si Ivy sa kapitbahay niyang si Leo na nuknukan ng yabang at bilib sa sarili. Ngunit isang gabi ay hinayaan niyang may mamagitan sa kanila. Nakakahiya! May mukha pa ba siyang ihaharap kay Leo na wala ng ibang ginawa tuwing magkikita sila kundi a...