Chapter 14

149 10 0
                                    


Chapter 14

ULYSSESS



"KUMUSTA na po rito, Sister Lanara." Hinalikan ko sa pisngi ang madreng nag-alaga sa 'kin mula pagkabata. Lunes ngayon at dahil holiday naman at wala kaming trabaho, nagpunta ako rito sa bahay-ampunan kung saan ako lumaki. Gusto kong malaman kung totoo ba ang sinasabi no'ng kambal sa akin kahapon.

"Ganoon pa rin naman kami rito, anak. Pinagpapala at ginagabayan ng nasa itaas." Hinawakan niya ang mga palad ko habang nakapinta sa mukha niya ang isang matamis na ngiti. "Halika, dito tayo." Hinila niya ako sa isang bench para maupo. Tanaw namin mula dito ang mga naglalarong bata sa playground.

"May problema ka ba?" Napalingon ako sa kaniya at umiling. Wala naman akong problema na malaki. Problema lang sa love life ang meron dahil hindi ko pa nakikita ulit ang pakialamerong bampira. Marami siyang dapat ipaliwanag sa 'kin kapag nagkita kami. Matagal na pala niya akong naging 'private property', wala man lang siyang sinabi.

"Wala naman po. May ilang katanungan lang po sana ako sa inyo tungkol sa akin. Ahm...okay lang po ba kung magtanong ako, Sister?" Binigyan ko siya ng nanunuyong ngiti. Maiintindihan ko naman kung hindi niya ako pagbibigyan, pero magiging maliwanag sa akin ang lahat kung malalaman ko ang tunay kong pagkatao.

Noon, hindi ko inisip na darating ako sa puntong ito na magtatanong ako kung sino ba talaga ako. Walang laman ang isip ko no'n kundi ang mamuhi ng galit sa aking mga magulang na nagawa akong itakwil at iwanan na lang basta. Kaya sinabi ko sa sarili ko noon na hindi ko sila hahanapin dahil para saan pa? Nagawa nga nila akong pabayaan, siguradong hindi rin nila ako hahanapin. Patunay lang ang pag-iwan nila sa akin na hindi nila ako kailangan.

Pero nang malaman ko na may kinalaman si Zael sa pagkatao ko, napagtanto kong mahiwaga pala ang buhay ko. Nang mapanaginipan ko iyong babaeng kamukha ko, mas lalo akong na-curious kung anong klaseng tao ba ako. Mayroon bang dahilan kung bakit ako iniwan ng aking mga magulang. Kung ano iyong mga dapat kong malaman.

Ngumiti siya sa akin at tumango. "Mukhang panahon na rin para malaman mo ang lahat, anak. Ayaw kong mamuhay ka nang maraming katanungan sa iyong sarili." Masuyo niyang hinaplos ang pisngi ko. "Ano ba'ng gusto mong malaman?"

Umayos ako ng upo at masaya siyang nginitian. "Lahat po sana ng tungkol sa akin. Gusto ko pong malaman ang lahat." pakiusap ko at tumango ulit siya. Tumungo siya sa hawak pa niyang mga kamay ko at marahan iyong tinapik-tapik.

"Walong buwan ka pa lang nang dumating ka rito sa amin." Nagtaas siya sa akin ng tingin at bumuntong-hininga bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Isang lalaki ang nagdala sa 'yo rito. Nakiusap siya sa amin na alagaan ka para sa kaniya."

Bumilis ang pintig ng puso ko. Maaari kayang si Zael ang tinutukoy niya? "Ano po'ng pangalan no'ng lalaki?" usisa ko. Napalunok ako at huminga nang malalim para pakalmahin ang aking sarili. Kapag si Zael talaga ang pinag-uusapan, nagwawala ang puso ko. Baka nga hindi ko na namalayan, may sakit na ako sa puso dahil sa kaniya.

"Hindi siya nagbigay ng kaniyang pangalan, pero napakaganda niyang lalaki, anak. Para siyang anghel na bumaba mula sa langit lalo na sa pares ng bughaw niyang mga mata." Napakagat ako ng labi para pigilan ang isang malawak na ngiti. Si Zael nga iyon, walang duda. Pero siya ang nagdala sa 'kin dito. Hindi kaya...kilala niya ang mga magulang ko?

"Hindi ho ba niya sinabi kung bakit kailangan niya akong iwanan sa inyo?" Kumirot ang dibdib ko sa katanungang iyon. Puwede naman niya akong alagaan kagaya nina Erin at Esin, pero bakit iniwan niya ako sa ampunan? Alam ko nanganganib ang buhay niya dahil sa pagiging sanggano niya, pero bakit gano'n at bakit ganito? Nilulukob ng matinding panibugho ang puso ko.

"Duguan siya at nanghihina nang dalhin ka niya sa amin, anak. Halos nagmakaawa siya sa amin na kuhanin ka dahil nanganganib daw ang buhay mo. Noong una, nag-alinlangan kami dahil natakot din kami lalo na sa hitsura niya. Hindi namin matukoy kung mabuti o masama ba siyang tao. Pero nang makita ko sa mga mata niya ang matinding pag-aalala para sa 'yo, ako na mismo ang kumuha sa 'yo mula sa kaniya."

Nadala ko sa aking bibig ang isa kong kamay. He saved my life. Now I know why he had to left me here. Pinoprotektahan niya ako noon pa man. Nagsasabi nga ng totoo ang kambal. Sanggol pa lang pala ako ay nakasama ko na siya. "Alam niyo ho ba kung bakit nanganganib ang buhay ko? May sinabi po ba siya sa inyo?" maluha-luha ko nang tanong.

Umiling si Sister Lanara at maluha-luha rin akong tiningnan. "Wala siyang sinabi sa amin basta kailangan lang daw ka naming alagaan. Babalikan ka raw niya sa tamang panahon." Napangiti ako. Noon pa pala na-uso sa kaniya ang tamang panahon. "Binalikan ka nga niya noong dalawang taon ka na."

"Paano po niya ba ako pinapakitunguhan?" Alam ko bata pa ako no'n, pero kung paano kasi niya ako itrato lalo na noong una naming pagkikita ay parang may galit siya sa akin. Sana naman sweet siya sa akin noong bata pa ako. Isa pa, para siyang possessive sa kung paano sinabi ng kambal kahapon na matagal na niya akong naging pag-aari.

"Nako, para siyang tunay mong ama na natutuwa kapag nakikita ka niya lalo na kapag masaya ka." Nakahinga ako nang maluwag. Alam ko namang hindi niya ako anak, pero mas mabuti na itong narinig ko mismo dito kay Sister na napakaimposible no'n para mangyari.

"Noon pa man, alam kong hindi siya ang ama mo. Maganda ka, anak, pero malayo ang hitsura niya sa 'yo." Sunod-sunod akong napatango. Hindi ko na sinabing tama siya dahil ayaw kong mapahiya. Pinalaki niya ako nang maayos at mabuting bata kaya nakakadismaya rin kung makikita niya ako ngayong may kalandian na sa katawan. Tama na itong kinikilig ako nang palihim sa mga ginagawa noon sa akin ni Zael.

"Palagi ka niyang nilalaro kapag dinadalaw ka niya noon. Kitang-kita ko talaga kung gaano ka niya kamahal lalo na kapag nadadapa ka at nasusugatan." Hindi ko napigilan ang mapangiti nang malawak. Pero paano ka niya ginagamot ang sugat ko? Isa siyang bampira, baka dinilaan niya? Sinipsip o baka naman kinagat na niya ako?

"Pero bakit hindi ko po siya matandaan kung palagi niya po akong dimadalaw?" That's a big question for me. Imposibleng hindi ko siya naaalala. O baka naman ginamitan na naman niya ako ng kapangyarihan niya para makalimutan ko siya? Iba din talaga ang bampirang iyon, eh.

"Noong naging apat na taong gulang ka na, tumigil na siya sa pagdalaw sa 'yo." Nawala ang ngiti ko at bumagsak ang aking mga balikat. Kaya pala hindi ko siya maalala. Apat na taong gulang pa ako no'n, wala pa akong matatandaan sa ganoong edad. Kung meron man, baka nga ginawan niya ng paraan para hindi ko siya maaalala.

"Bakit po siya tumigil?" Nasa tono ko ang pagtatampo. Siraulo 'yon, ah. Kabampira niyang nilalang at hindi niya problema ang pamasahe papunta rito dahil marunong naman siyang mag-teleport ,'tapos bakit itinigil niya ang pagdalaw sa akin? Tinatamad siya o talagang pa-mysterious lang talaga siya. Kung noon ko pa siya nakilala, baka nasagot na lahat itong mga katanungan ko.

"Napapansin ko simula noon na madalang na lang siya kung dumalaw sa 'yo. Marahil ay dahil iniisip niya ang kaligtasan mo. Pero minsan ay nahuli ko siya d'yan sa labas at palihim kang tinitingnan." Matamis ang naging ngiti ni Sister Lanara sa akin. "Kaya naisip kong dinadalaw ka pa rin niya pero hindi nga lang siya nagpapakita sa 'yo. Hindi ko rin alam kung bakit. Siguro nga para lang talaga sa kaligtasan mo."

"Inaalagaan niyo naman po ako nang mabuti, eh." Alam kong hindi sana iyon ang dapat kong sabihin. Gusto ko ngang tumili at mag-tumbling na rin. Kung hindi lang si Sister ang kausap at kasama ko ngayon, nahampas ko na siya sa sobrang kilig. Grabe ang bampirang 'yon, ah. Daig pa niya ang isang secret admirer o stalker. Hindi ko inaakala na malalaman ko ngayon ang lahat nang ginawa niya sa 'kin noon.

Pero walang halong biro o palusot iyong sinabi ko. Maayos naman talaga ang naging buhay ko rito sa ampunan. Totoo at nangyaring hindi ko napigilang mainggit sa ibang mga bata na kumpleto ang pamilya, pero dahil kay Sister Lanara, naramdaman ko pa rin na may taong nagmamahal sa akin.

Nabulag lang ako noong naging brokenhearted ako kay Irv at kung ano-ano ng katangahan ang pinag-iisip ko. May nagmamahal at nagbibigay pala sa akin ng importansya maliban sa mga madre na nag-aruga sa akin. At iyon ay si Zael, ang pakialamerong bampira na ipinagpapasalamat ko na ngayon na pinakialaman niya ang buhay ko.

"Mabait ka namang bata kaya hindi ka mahirap alagaan. Talagang sinunod mo ang sinabi niyang maging good girl ka sa amin." Mahinhing tumawa ni Sister at namula naman ako sa naging papuri niya. Ang bait ko palang bata dahil sinabi iyon ni Zael. Sayang nga lang at hindi ko iyon maalala.

"Hanggang sa magdalaga po ba ako, dinadalaw niya pa rin ako?" Sinabi na sa akin no'ng kambal na simula yagit days ko pa lang daw, at maski panahon ng puberty stage ko, maging noong jeje days ko rin at hanggang kay Irv, nakabuntot na siya sa akin. Pero gusto kong marinig na manggaling iyon mismo kay Sister Lanara.

"Oo naman, anak. Tuwing recognition day mo sa school ay nandoon siya lalo na noong graduation mo sa High School at noong nagtapos ka ng kolehiyo. At tuwing kaarawan mo, palagi ka rin niyang binibigyan ng regalo. Naaalala mo pa ba ang mga regalong natanggap mo?"

Bumitaw ako sa hawak ni Sister at lumipad ang isang palad ko sa aking leeg, sa kwentas na lagi kong suot at kailan man ay hindi ko tinanggal o naiwala. "Siya po...ang nagbigay nito?" Tiningnan ko ang silver na kwentas na hugis paru-paru ang pendant. Mahilig ako sa mga paru-paru lalo na noong bata ako. Madalas pa nga akong nadadapa noon sa kakahabol kapag nakakakita ako ng isa.

"Oo, anak. Ibinigay niya sa 'yo iyan noong ikalabing-walong kaarawan mo, tanda mo ba?" Tumango ako. Ito iyong pinakagusto kong regalo sa lahat ng mga natanggap ko. "Pati iyong mga magaganda mong damit, siya rin ang nagbigay no'n sa 'yo. Tagaabot lang ako." Sabay kaming napahagikhik na dalawa.

Tanda ko pa noon, naiinggit sa akin ang ibang mga bata dahil sa mga magagara kong damit. Kaya isinusuot ko lamang iyon kapag may mga magagarang okasyon o masayang pagtitipon. Wala akong kaalam-alam na isang pakialamerong bampira na ubod nang guwapo ang nagbigay sa akin no'n. At hindi ko man lang siya napasalamatan.

"Pero, Sister, bakit po ni isa ay walang gustong umampon sa akin?" Isa iyon sa mga ipinagtataka ko dati. I don't mean to brag pero si Sister na ang nagsabing mabait akong bata, maganda pa at matalino. Pero halos ng mga batang naging kaibigan ko, naampon na lahat 'tapos ako hindi. Tumanda na lang ako, wala pa rin. Iniisip ko tuloy dati na ano ba ang wala sa akin na meron sa kanila?

"Anak, hindi ka niya iniwan sa amin para ipaampon sa iba. Iyon ang sinabi niya sa amin noon. Pinaalagaan ka lang niya sa amin para maging ligtas ka. Sa katunayan nga ay kami pa mismo ang dapat magpasalamat sa kaniya. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin siya sa pagbibigay ng sustento dito sa amin." Parang hinaplos ang puso ko at mas lalo akong nahulog sa kaniya. "Kaya naman ang pag-aalaga namin sa 'yo ay walang katumbas sa mga ibinigay niya. Dahil sa kaniya, maraming mga kagaya mo ang aming natulungan. Malaki ang pasasalamat namin sa Diyos at dumating kayo sa amin."

Muli kong hinawakan ang isang kamay niya. "Maraming salamat din po, Sister. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ako ganito ka-bless ngayon." Lumapit ako sa kaniya at mahigpit siyang niyakap. "Hulog po kayo ng langit sa akin. Maraming-maraming salamat po sa lahat-lahat. Hindi ko po iyon mababayaran ng kahit gaano pa kalaking halaga."

Natatawa niyang tinapik ang likod ko bago ako humiwalay sa kaniya. Hinawakan niya ang magkabila kong pisngi at pinunasan ang luhaan kong mga mata. "Sa Diyos ka magpasalamat at do'n sa lalaking naging instrumento niya para gabayan ka." Tumango ako at muling yumakap sa kaniya. Nami-miss ko rin itong si Sister kaya sasamantalahin ko ang oras na kasama ko siya ngayon.

Sana nga lang magpakita na sa akin si Zael at nang mapasalamatan ko rin siya sablahat nang pangingialam niya sa buhay ko. Gusto ko ring marinig mula sa kaniya ang sagot sa iba ko pang mga katanungan. Kagaya nang saan ako nanggaling, kung sino ang mga magulang ko? Kung kilala ba niya kung sino sila? Kung bampira rin ba ako o isang bruha o kung anak ako ng mga lamang-lupa o kung anong mga maligno.

Naisip ko lang. Isa siyang bampira at siya mismo ang nagligtas at naglayo sa akin mula sa kapahamakan. Kung bakit niya iyon ginawa, kailangan ko iyong malaman. Ramdam kong hindi lang ako isang ordinaryong bata na iniwan niya sa isang ampunan para bulabugin niya isang araw at pakialaman nang husto ang buhay ko. Alam kong may dahilan siya...

Nagpaalam na ako kay Sister Lanara at dumaan muna ako sa meat shop at namili ng mga karne para do'n sa kambal. Kung dati isang linggo nila kung maubos ang stock ko sa ref. ngayon tatlong araw na lang. Ubos ang budget ko nito. Ang siba kumain no'ng dalawa. Kahit frozen pa nga iyong karne, kinakain na.

Kaagad din akong umuwi dahil sakto namang pagkapara ko ng taxi, bumuhos ang napakalakas na ulan. Buti na lang at naisipan kong magdala ng payong kanina. Pero hindi pa rin iyon sapat dahil pagkababa ko ng taxi, nabasa pa rin ako dahil sa lakas ng hangin.

Akala ko may bagyo dahil pagkapasok ko sa loob ng apartment, parang dinaanan ng super typhoon ang sala. Basag at nasira lahat ang mga gamit at tipak-tipak na rin ang sahig. At sa isang sulok, nakita ko ang kambal na nakasalampak. Duguan ang buong katawan nila at gulanit ang suot nilang damit.

Pareho nilang tinitingnan nang naka-angil ang lalaking nasa kanilang harapan na nakatalikod naman mula sa akin. Duguan ang mga kamay ng lalaki at tumutulo mula sa mahahaba at matutulis niyang kuko ang dugo na sigurado akong nanggaling sa kambal.

Hindi ko na kailangang magtanong kung sino siya. Alam ko nang isa siyang bampira. Hindi ko lang makita ang kaniyang mukha dahil maliban sa nakatalikod siya sa akin, nakasuot siya ng kulay itim na kapa.

Nabitawan ko ang mga bitbit at nakuha nilang tatlo ang atensyon ko. Kaagad na rumehistro sa mukha ng kambal ang pag-aalala para sa akin. Maging ako ay nilamon din ng matinding pag-aalala nang makita ko ang pagbulwak ng maraming dugo galing sa dibdib ni Esin.

"Esin!" Kaagad akong tumakbo sa kinaroroonan nila at hindi ko na inisip kung ano'ng gawin sa akin ng bampirang nilagpasan ko lang ng pwesto. "Erin! Put pressure on this!" Idiniin ko ang mga palad ni Erin sa dibdib ng kambal niya dahil patuloy pa ring bumubulwak ang dugo doon. Ipinatong ko naman ang sarili kong mga palad sa ibabaw ng sa kaniya para matulungan siya.

"It's useless, Ate! Tinamaan ng gagong iyan ang puso niya!" Mas lalo akong nataranta at hindi ko na napigilan ang mga luha nang lumuwa na ng dugo si Esin. Sunod-sunod din ang naging pag-ubo niya at nagsisimula na siyang mahabol ng hininga. "Hold on, brother! You can't die yet!" naiiyak na ring sabi ni Erin at bigla na lang umilaw ng kulay bughaw ang mga kamay niya.

Marahas ko namang nilingon ang bampirang nanonood lang sa amin. "Ikaw!" Dinuro ko siya. "Kung wala kang puso, huwag kang mangdamay ng iba! Tingnan mo na ang ginawa mo sa kaniya!" Wala sa sarili na tumayo ako at sinugod siya ng mga hampas. Hindi naman siya nag-abalang sakmalin ako o saktan at pilit lang niyang hinuhuli ang aking mga kamay.

Napatigil lang ako sa aking kapangahasan nang masagi ng isang kamay ko ang takip niya sa ulo at bumungad sa akin ang kaniyang hitsura. Nanlaki ang mga mata ko habang nakatitig sa sang napakapamilyar na mukha. Kulay dugo na mga mata at matutulis na pangil at mga kuko, hindi ko inaasahan na makikita ko siyang ganito.

"P-paano nangyaring—hindi! Anong kalokohan 'to!" Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. "No, this can't be!" Tiningnan ko siya nang mataman at napatunayan kong hindi nga ako nanaginip sa nakikita ko ngayon. "No way! Thi-this is not happening!" Bumalik sa dati ang hitsura niya at muli ay nag-anyong bampira siya para ipakita sa akin na totoo ang nakikita ko. Napatutop ko ang bibig.

"Irv... Isa kang...bampira?"



--

A/N: Simula sa araw na to ay magiging madalang na ang update ko dahil magte-training na ako para sa work ko.

The Barbaric VampireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon