👑👑"Razor! Ano ba?! Bakit hindi ka nakikinig sa akin at iba ang inaatupag mo?!" Inis na sigaw ni Clad sa kanyang bestfriend na nahuli niyang patagong may kausap. Kasalukuyan niyang tinu-tutor ang kanyang bestfriend, dahil bagsak ito sa kanilang Chemistry subject.
"Tandaan mong grade mo ang nakasalalay dito kaya umayos ka!" Nag-peace sign lang si Razor dito at tinago na ang kanyang cellphone. Pero nang makahanap siya ng tiyempo ay patuloy siya sa pagkalikot sa cellphone niya. Lingid sa kaalaman niya ay alam na alam ni Clad ang kanyang ginagawa. Hinayaan na lamang ng dalaga dahil hindi rin naman na ito nakikinig sa kanya.
Ilang oras ang lumipas tinignan ni Clad ang oras. Halos mag-aalas-dos na ng umaga at gising pa siya, pero pagkatingin niya sa gawing kanan niya ay tila nadisappoint siya na tulog na tulog si Razor. Hindi na niya alam ang gagawin niya sa bestfriend niya, ni hindi man lang makikoopera sa kanya. Wala na siyang nagawa kung hindi ang gawin ang notes at umpisahan ang ibang projects ni Razor. Inabot na siya ng alas-sais ng umaga, dahilan ng pagkaka-late niya sa unang araw ng exam nila. Mabuti na lang at pinag-take pa siyang muli ng examiner. Pero medyo nanghihina siya dahil wala pa siyang tulog at kain.
Kaya naman nang matapos ang exam nila ay nagmadali siyang pumuntang canteen upang bumili ng makakain. Pero hindi inaasahan ni Clad ang pagbagsak ng katawan niya sa malamig na sahig at ang unti-unting pagbaba ng talukap ng kanyang mga mata.
Nagising na lang siya na nasa bahay na nila siya. Nalaman na lang niya sa magulang na hinatid siya ng isang kaklase dito nang hindi pa rin siya nagigising sa may clinic. Na-over fatigue siya, yan ang sanhi ng kanyang pagkakahimatay.
👑👑
"Alam mo bang kanina pa kita tinatawagan? Nasaan ka na ba? Kanina pa ako naghihintay dito sa school, nagsarado na lahat-lahat wala ka pa rin?" Naiinis na si Clad pero ginawa niyang lahat ng makakaya niya para magpasensiya kay Razor. May usapan kasi sila na susunduin siya ni Razor sa school after ng practice niya sa volleyball. Pero natapos na ang practice nila, nagsara na ang school nila pero walang Razor na dumating.
"Sorry Clad, bigla kasing nag-aya ang tropa. Eh minsan lang naman sila mag-aya, eh saktong free ako--" Dahil sa inis ay pinutol agad ni Clad ang sasabihin ni Razor.
"Free? Wow! Nahiya naman ako sa'yo na nag-initiate sunduin ako dahil free time niya. Nahiya naman ako dito na ilang oras ng naghihintay sa'yo at hindi man lang inabisuhan na may lakad ka naman pala. PUNYEMAS RAZOR! PAGOD AKO, NAG-E-EXPECT AKO NA MAY SUSUNDO SA AKIN DAHIL NAGBITAW KA NG SALITA TAPOS GANITO?! SALAMAT HAH?! Higit sa lahat ikaw ang nakakakilala sa akin. At alam mo! Alam mo na ayaw ko sa mga taong walang isang salita! And you just made yourself like those people I hate. And you made me hate you." Marahas niyang binaba ang tawag pagkatapos no'n.
After that day, ilang buwan niyang hindi pinansin si Razor. Sinuyo siya ng sinuyo ni Razor, wala na siyang nagawa kung hindi ang patawarin ito.
👑👑
"Ate Clad! Hey!" Napangiti ng pilit si Clad kay Raze.
"Malungkot? Ate! It's your big day! Hindi pwedeng ganyan ang presensiya mo sa loob ng court, madadamay ang mga kagrupo mo. You are the captain! Be the one who will motivate the team and not the other way 'round." Nginitian ni Clad si Raze. Na-appreciate niya ang pag-encourage ng nakababata sa kanya. Pero hindi niya mapigilang ma-disappoint dahil nangako si Razor na pupunta siya sa championship game nila. Pero as usual hindi na naman ito sumipot. Napa buntong-hininga na lamang si Clad at nag-umpisa ng maghanda para sa laban.