Dumilim ang paningin mo ng ilang segundo pero agad mo 'tong pinalitan ng pilit na ngiti."Ayos lang naman kami. Wala namang problema." sabi mo at agad na nag-iwas ng tingin.
Agad kong naramdamang kumirot ang puso ko. Hindi ko maiwasang hindi masaktan hanggang ngayon. Matagal na kayo ni Marga pero nasasaktan pa rin ako tuwing naririnig kong masaya at maayos na kayo. Sobrang sama ko kasi hindi ko man lang magawang maging masaya para sa inyo. Kahit anong gawin kong pilit, hindi ko magawa-gawa.
"Johann," tinignan mo ako at kusang nagsalita ang mga mata mo. Hindi ako nagkakamali. May pakialam ka pa rin sa akin. Nakikita ko sa mga mata mo.
Hindi ko alam kung gusto ko bang sabihin sayo na, sige, pagbigyan mo ang nararamdaman mo o pigilan mo kasi mali at may masasaktan.
Katabi mo ang taong mahal mo pero hindi mo magawang hawakan ang kamay niya.
Napatingin ako sa mga kamay mo. Ano kayang pakiramdam mahawakan 'yan?
"Andito na tayo." nabalik ako sa reyalidad nang nagsalita ka.
Nasa court na agad tayo ng university. Nandoon na yung mga tuturuan ko. Ang bilis naman.
"S-salamat sa paghahatid." ngumiti ako at lumayo na sayo.
"Mika!" napatigil ako sa paglalakad nang marinig ko ang boses mo.
"Galingan mo!" tinaas mo ang dalawang kamay mo at nag-thumbs up.
Tumawa ako at ginaya ka.
"Ate, ang aga mo naman." bungad sa akin ni Marga pag-uwi ko sa bahay.
"Mabilis naming natapos nung 'yung routine. Nakakacatch-up agad 'yung mga tinuruan ko ngayon." umupo ako sa sofa at sinalampak ang katawan ko.
"Nakuwento nga sa akin ni Johann." napatingin agad ako kay Marga.
"Anong kinuwento sa'yo ni Johann?" tanong ko.
"Binantayan ka raw niya eh. Hahatid ka pa raw niya sana pauwi pero may kailangan pa raw siyang gawin kaya umalis na siya." tumango-tango ako.
Grabe ka, Johann. Alam mo talaga kung paano ako pasayahin.
"Oh, bakit ka napapangiti diyan, ate? Kinikilig ka ba sa ginawa ng boyfriend ko?" pabiro ang tono ni Marga pero parang may pagbabanta sa boses niya na nagsasabing, "akin lang ang boyfriend ko, 'wag mong aagawin"
"Hoy! Ano ka ba? Best friends lang kami ng boyfriend mo!" sagot ko at tumayo na para pumunta sa kuwarto ko.
Pagdating sa kuwarto, agad kong ibinagsak ang sarili ko sa kama. Maya-maya pa, tumaligid ako at natapat sa lamesa sa tabi ng kama ko. Nakita ko ang larawan nating dalawa.
Nakangiti tayo parehas habang kagat-kagat ang kanya-kanyang medalya natin. Nakaakbay ka sa akin.
Iyan yung nanalo tayo sa contest nung 1st year college tayo. Diyan tayo nagkakilala.
Naalala ko pa noong unang araw ng pasukan, may nakita akong poging lalaki. Sobrang crush na crush ko siya na dumating sa punto na nung nakita kong kumuha siya ng application form para mag-audition sa dance troupe, kumuha na rin ako ng application form at sumali. Huli na nung na-realize ko kung anong ginawa ko.
Bata pa ako nung huling beses ako sumayaw. Nangangalawang na yung dancing skills ko pero nagpractice talaga ako ng sobra para makasali sa dance troupe.
Buti na lang, nakasali ako sa dance troupe at mas napalapit sayo. Sana alam mo kung gaano ako kasaya noon. Pakiramdam ko nasa langit ako.
Hindi rin nagtagal, umamin ka sa akin na gusto mo na ako. Siyempre, ako rin, umamin na gusto kita. Ayos na sana ang lahat kung walang nanliligaw sa akin na matapobre at mayabang na lalaki. Sinabi ko naman na sa kanya na ayoko sa kanya at may iba akong gusto-at ikaw 'yon. Tumigil naman siya kaso pinili ko na lang na huwag munang makipagrelasyon sayo kasi baka may gawin siya sayo na masama.
Gustong-gusto kita mula noon hanggang ngayon. Hindi ko alam kung anong meron ka at minahal kita ng ganito katagal. Pero kahit anong gawin ko, wala na. Wala na tayong pag-asa kasi sa kanya ka na.
"Johann," hinaplos ko ang mukha mo sa litrato. Naramdaman kong tumulo mula sa mga mata ko ang mga luha.
"Mahal na mahal kita."
