ALA-singko pa lang ng umaga at hindi pa sumisikat ang araw pero nasa daan na at bumabiyahe na ang New Jam kasama si Marga na punong-abala.Lahat ng miyembro ng banda ay natutulog pero si Marga ay hindi. Binabasa niya ang dalang libro at nag-aaral.
"Hindi ka ba matutulog?" nagulat si Marga nang biglang nagsalita ang nasa likod niyang si Axel.
"Nakakagulat ka naman!" napahawak siya sa dibdib.
"Sorry na." sabi ng lalaki at tinanggal ang neck pillow na suot-suot at inabot kay Marga.
"Matulog ka na. Mapapagod ka pa mamaya." sabi ng lalaki.
Dug dug dug
Kusang tumibok ng mabilis ang puso ni Marga. Hindi niya alam kung kinakabahan ba siya o sadyang kinikilig lang.
Hindi! Hindi ka kinikilig, Marga! Hindi mo siya gusto! Hindi puwede!
"Salamat." kinuha niya ang neck pillow at sinuot na 'yon. Humarap na siya sa harapan at ipinikit ang kanyang mga mata.
"GEORGINA!" nagising siya sa pag-aalog nina Terrence at Caleb.
Minulat niya ang mga mata at kinusot ito.
"Bakit? Nasaan na tayo?" tanong ni Marga at humikab pa.
"Nandito na tayo sa venue." sagot ni Caleb.
"Ah, ganoon ba? Sige, bababa na ako. Kakausapin ko yung producer." paalam niya at bumaba ng van.
Nasa isang barangay covered court sila sa Batangas. Dinayo pa talaga nila 'yon dahil may program daw doon at ang guest ay ang New Jam.
"Good morning po, ako po yung manager ng New Jam. Nandito na po sila." bati ni Marga sa isang lalaking nakaupo sa may entablado at may mga papel na sinusulatan.
"Hindi niyo po ba na-receive yung text ko?" sagot ng producer.
"Ano pong text?" tanong niya at inalabas ang cellphone.
Napalaki ang mata niya ng makita ang text ng producer sa kanya kagabi.
"Good evening! We're sorry to inform you that the said program where New Jam will perform is cancelled. We're deeply sorry for the commotion we made." sabi sa text.
"Hala! Ngayon ko lang po 'to nakita. Salamat po. Mauuna na po ako." sabi ni Marga.
"Sige po. Pasensya na rin po sa abala." sabi ng producer at umalis na si Marga.
Nang naglalakad siya pabalik sa van ay nakaramdam siya ng sobrang guilt dahil inagaw niya ang oras ng pagpapahinga ng New Jam.
Nang buksan niya ang pinto ay nakahanda na silang lahat na bumaba. Suot na nila ang backpack at hawak na ang mga instrumento.
"Guys, sorry." sabi ni Marga at yumuko.
"Canceled na pala 'yung program. Nagtext na pala 'yung producer kagabi, hindi ko lang nakita." naramdaman niyang humapdi na ang kanyang mata. Pakiramdam niya ay pumalpak siya ng todo.
Iiyak na sana siya pero napigilan iyon nang maramdamang may humawak sa balikat niya.
"Tara, labas muna tayo." tumango siya at sinunod ang nagsalita.
Naglakad sila sa isang garden na katabi ng covered court. Nanginginig ang kamay ni Marga habang naglalakad.
"Lahat naman nagkakamali." inangat niya ang tingin kay Axel na seryosong naglalakad at diretso ang tingin.
