Chapter 25

693 50 0
                                    

[Danilo POV]

 
Kahapon ay ang pagtatapos ng aming mga exams.

 
Kanya-kanya na ngayon ang mga kaklase ko sa paraan nila ng pagdarasal para makapasa sa test.

May iba na binigyan ang cobra ng gatas at taimtim na nalangin.
Meron ring iba na pinakain ang baka ng damo at nanalangin. 
Ang iba ay dinidiligan ang mga puno habang nagsasambit ng dasal.

 
Samantalang si Alysson ay taimtim na natutulog sa room naming sa halip na taimtim na nananalangin.

 
At oo, bumalik na ulit siya sa room namin. Ang sabi niya nagpaalam siya kay Director pero ngayon kami yata ay maagang hindi makaka-graduate kasi malakas na kumakatok sa pinto ang kinatatakutan naming nilalang.
 

Agad natigil si Rey sa pananalangin nito sa harap ng mga santo para lamang buksan ang pinto.
At sinalubong kami ng galit at magkasalungat na kilay ni Mr. Lacsaman.

 
"Good morning Lacs!", ang masayang sabi ni Alysson na parang hindi manlang kilala na isang galit na Director ang nasa harapan niya.

 
"Hindi mo ba alam na pinag-alala mo ako kagabi", ang galit nitong bulyaw kay Alysson. "Nagluto pa naman ako ng dinner natin pero anong ginawa mo? Pinaghintay mo ako?! Gusto mo yatang maagang hindi maka-graduate itong mga kaibigan mo eh."
 

Ngayon dalawang bagay yung nadiskubre ko mula sa mga narinig ko.
Una, halatang tinamaan na si Sir kay Alysson.
At pangalawa, pilit niyang ginagamit kaming dalawa ni Rey para pasunurin si Alysson.

 
"Wala naman tayong ganyanan", ang wika ni Alysson na nakayuko at napakamot ng batok. "Na-miss ko lang kasi itong mga kaibigan ko"

 
"Yang kaibigan mo na lagi mong kasama sa klase ay na-miss mo pero ako na gabi na nga lang tayo magkita at kung magkita man tayo ng umaga, ay bibihira lang pero hindi mo ako na-miss?", ang parang galit at nagseselos na wika ng Director.

 
Alam ba niyang andito pa kami sa loob ng room, at kasalukuyang naririnig ang away nilang magnobyo?

 
Tapos napansin ni Alysson ang kamay ni Director na nakabalot ng bandage. Agad niya itong hinawakan at nagtanong, "Anong nagyari diyan?"
 

"Wala ito. Ebidensiya lang na sinubukan kong magluto ng dinner para sa iyo", ang parang nagtatampong wika nito.
 

Hindi ko alam kung anong status nila pero walang hiya rin itong si Alysson at hindi manlang nagdalawang-isip na hawakan ang magkabilang pisngi ng Director sabay sabing, "Kakain tayo mamaya sa labas, okay?"
 

At ang haplos maging ang mga salitang binitiwan ni Alysson ay parang mahika na nagpakalma sa galit na tigreng si Lacsaman.
 

Nagtoothbrush lang si Alysson at sabay na silang umalis ng Director. Umalis sila na hindi magkahawak ang kamay, hindi nagkakatinginan, hindi magkasabay, at malayo sa isa't isa ang agwat.

Ito siguro ang paraan nila para hindi isipin ng lahat na may something sa kanilang dalawa. Sa bagay ayaw naman kasi ni Alysson na pagtsismisan sila ng mga propesor at ng ibang estudyante.

 
Pero hindi maipagkakaila sa mukha ng ibang mga nakatitig sa kanila ang tanong na, "Bakit dumalaw sa dormitoryo ang Director?"

 
Tuluyan ko nang isinara ang pinto at nagpatuloy na rin si Rey sa pananalangin nito sa harap ng sarili nitong altar. Babalik na sana akong mahiga nang may muling kumatok.

 
Wala namang balak si Rey na buksan ang pinto kaya ako na lamang ang nag-abala. At dumungaw sa harapan ko si Vivo na nakasuot ng pantalong maong at kupas, at t-shirt na puti. Kahit may kaitiman, hindi maipagkakaila ang matangos nitong ilong , manipis na mga labi at mapungay nitong mga mata.

 
Matagal na rin simula nang hindi ito sa akin magparamdam kaya naman sa pagkasurpresa ko ay napatanong ako, "Bakit ka naligaw?"

 
"Gusto sana kitang yayaing magsimba", ang nahihiya niyang sabi. "Gusto ko kasi na kasama mo ako kapag pinagdasal mo na makapasa ka sa exam"

 
Ayaw ko namang tanggihan 'tong alok niya kasi nagmamalasakit na nga siya at pumorma pa, sayang naman kung tanggihan.

Isama mo pa itong pagpapaalis sa akin ni Rey matapos sabihin sa aking, "Sumama ka na kay Vivo kasi sa palagay ko hindi napakikinggan ng Diyos ang mga dasal ko kasi naririto ka, nanggugulo at maingay. Umalis nga si Alysson na isang maingay, eh nagpaiwan ka naman. Hindi mo ba alam na God is talking to us in silence?"

 
Nahiya naman ako sa quotation niya na parang isang buwan na kinabisa. Kaya naman ay nagbihis ako ng pangpormal para samahan si Vivo na magsimba.

DakBoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon