Chapter 3

15.5K 417 11
                                    

"I THOUGHT you hated this? But I'm glad you're eating more now, hijo."

Nais makonsensiya ni Nunzio sa kanyang ina. Iginiit niyang dalawang sandwich ang ilagay nito sa baunan niya. Noon, ayaw na ayaw niya magbaon at nais niyang tulad ng kuya niya ay pera ang babaunin niya, ngunit dahil may special diet sa kanya ang kanyang doktor, kailangan niyang araw-araw ubusin ang packed lunch at merienda na mismong kanyang mama ang naghahanda. Pinadoble niya ang sandwich. Ham and kesong puti sandwich, dahil alam niyang paborito ni Isabela ang kesong puti. Isabela, iyon ang buong pangalan ng crush niya.

Marami siyang natuklasan kay Isabela at natutuwa siyang scholar ito dahil nangangahulugan iyon na sa mga bakanteng oras ng babae ay isa itong librarian's assistant at sa library naman siya madalas maglagi. Wala masyadong nagtutungo sa library nila kaya madalas na nasa malayong puwesto ang librarian at patagong natutulog, habang sila naman ni Isabela ay halos pabulong na nagkukuwentuhan.

Sikat sa paaralan ang babae, ganoon din si Zach. Si Zach ang siyang captain ng basketball varsity team, habang si Isabela naman ay isa sa mga cheerleader ng eskuwelahan. Ang mga kaibigan ni Isabela ay mga kilalang brat. Hindi niya makita ang katangiang iyon sa babae.

"Here. Walang tira, hijo, ha?" bilin ng kanyang ina, nakangiti siyang tumango. Parati silang magkasalo ni Isabela sa pagkain. Tinatanggap nito ang alok niya sa pag-aakalang natutulungan siya nitong ubusin ang pagkaing pilit pinapaubos sa kanya ng ina. Ang totoo, hindi man sabihin ng babae ay nahuhulaan niyang hindi ito maalwan sa buhay. Narinig niya ang usapan nito at ni Zach noon. Hindi rin nakaligtas sa pansin niya ang sulsi sa medyas nito noong minsan niya itong naabutang nakahubad ang sapatos. Napansin din niyang bagaman signature ang bag nito ay luma na iyon at minsan itong naglabas ng gamit ay nakita niyang tastas na ang loob niyon. Marahil ay isa iyong hand-me-down.

Nagtungo na sila ng kuya niya sa eskuwela at agad na hinanap ng mga mata niya si Isabela. Nakita niya itong kasama ang mga kaibigan nito, nag-uusap-usap tulad ng gawi ng mga ito sa umaga. Nang makita siya ng babae ay nakangiting kumaway ito sa kanya. Gumanti siya ng kaway dito, ngiting-ngiti. Napansin niyang nagbungisngisan ang mga kasama nito, dahilan upang makadama siya ng pagkapahiya. Nahahalata na ba ng mga ito na may gusto siya kay Isabela? Hindi. Paano malalaman ng mga ito? Wala siyang ibang pinagsasabihan. Kahit ang kuya niya ay hindi niya pinagsasabihan. Isa pa, wala siyang balak sabihin iyon kay Isabela bagaman madalas niyang maisip na marahil nakakatuwa kung balang araw ay maging nobya niya ito. Maybe when he was eighteen.

Nag-init ang kanyang mukha. Alam niyang hindi siya dapat mag-isip ng mga ganoong bagay. Ang madalas sabihin sa kanya ng kanyang mama ay hindi dapat sa mga kasing-edad niya ang ganoong isipin kaya sa tuwing mayroong palabas sa telebisyon kung saan naghahalikan ang isang pares ay pinapapikit siya nito.

I can be Aragorn and she will be Arwen...

Pilit niyang inalis sa isip niya iyon, nag-iinit pa rin ang mukha. Nahihiya siya sa sarili niya na hindi niya maunawaan. Nagtuloy na siya sa pila para sa flag ceremony at sumunod nang umusad iyon papasok sa classroom. Lalo na siyang naging inspirado sa pag-aaral. Sa katunayan, parang nais niyang ma-accelerate muli, tulad nang nangyari dalawang taon na ang nakakaraan. Dalawa sila ng kuya niya ang na-accelerate.

Saan kaya magkokolehiyo si Isabela? Hindi niya naitatanong dito. Sa katunayan, hindi siya madalas makapagsalita sa harap nito. Ngunit nagdesisyon siyang mamaya ay itatanong niya iyon dito, sa gayon ay maihanda na niya ang kanyang mga magulang sakali mang nais ng mga itong maging sa kolehiyo ay iisa ang eskuwelahan nila ng kapatid niya.

Natuwa siya sa ideya niya at mabilis lumipas ang mga sandali. Lunch break na at parang mayroong mga pakpak ang kanyang paa na nagtungo sa high school building. Alam niya ang silid na kinaroroonan ni Isabela, sa katunayan ay saulado niya ang mga klase nito. Lumabas na ang babae sa silid, ngunit sa halip na ang mga kaibigan ay si Zach ang kasama nito. Tahimik siyang lumayo, ayaw makita ng dalawa. Nagkubli siya sa likod ng isang punong mayroong bench paikot. Nagkunwa siyang doon nagla-lunch, habang pasulyap-sulyap sa dalawa.

Nagtatawanan ang mga ito, parang masaya. Inabangan niyang maghiwalay ang dalawa dahil alam niyang kapag lunch break ay nagtutungo rin sa library ang babae, kalahating oras ang iginugugol nito para ibalik ang mga libro at ayusin ang mga tala. Ngunit sa halip na magtungo sa library ay tinahak nito, kasama si Zach, ang daan patungo sa kantina ng high school.

Naghintay siya sa bench, umaasang maibigay sa babae ang lunch na ipinahanda niya sa mama niya para rito. Ngunit tumunog na ang bell ay naroon pa rin ito sa loob. Kasama si Zach.

Hindi niya maunawaan kung bakit naiinis siya. Dahil ba pinaiyak noong minsan ng lalaki si Isabela at ngayon ay nagtatawanan na ang mga ito? Ah, siguro nga. At marahil normal din iyon. Mukhang masaya si Isabela. Nakita niya kanina na masaya ito. At para doon, siguro ay hindi na siya dapat na mainis. Hindi naman nito alam na espesyal ang lunch na ipinahanda niya para rito.

"Always look in front of you when you're walking. Mababangga ka niyan."

Napatingin siya sa kuya niya na makakasalubong na pala niya ay hindi pa niya nakikita. Nakakunot ang noo nito. "You didn't eat your lunch?"

Napatingin siya sa lalagyan niya ng baon. "I will eat it later."

"Sasabihin ko kay Mama, rice na ang ipabaon sa 'yo. Tingnan mo, hanggang ilalim ng tainga na lang kita ngayon."

Hindi na lang siya umimik. Parang naubos ang enerhiya niya.

Dreams of Passion 3: Nunzio and Isabela (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon