Chapter 7

11.8K 395 6
                                    

Hindi man magandang isipin, ngunit ang kamatayan ng ama ni Isabela ay ginhawa ang idinulot sa kanila ng kanyang ina. Mayroon silang nakuha sa SSS na binabayaran pala ng kanyang ama nang walang palya. Sa gamit nito ay may nakita rin ang kanyang ina na ipong pera. Tiniyak niyon ang pagkokolehiyo niya.

Maraming kaibigan ang kanyang ama at sa pagpanaw nito ay marami rin ang naging abuloy na siyang ginastos nila sa pagpapalibing dito. Ang amo nitong alahera ay nagbigay din ng malaking halaga na siyang gagamitin ng kanyang ina sa pagsisimula ng isang tindahan sa palengke. Bukod doon, nakarating sa mga kaklase niya ang balita at ang mga ito ay nagbigay ng malalaking abuloy. Ang ama ni Ashley ay nangakong tutulong sa ibang pangangailangan niya sa pag-aaral niya sa kolehiyo.

Ika-dalawampu't dalawa ng Disyembre, ihinatid nila sa huling hantungan ang kanyang ama. Naroon si Zach, at marahil ang buong barangay nila, maging ang lahat halos ng kainuman at kasama sa sugalan ng kanyang ama. Sa mata marahil ng marami, isang napakabuting tao ng pumanaw. Handa siyang huwag nang isiwalat pa na hindi iyon totoo, bagaman tiyak niyang marami rin ang nakakaalam noon.

At pagsapit ng Pasko, iyak-tawa ang pinagsaluhan nilang mag-ina, kasama ang kaunting handa. Kinakapa niya ang puso niya at ang naroon ay lungkot—na hindi nagawa ng kanyang ama ang dapat sanang ginawa nito: ang mahalin sila.

Natapos ang bakasyon at hindi na lumuwas ang kanyang ina. Malapit na ring buksan ang tindahan nila sa palengke. Unang araw ng pasukan at maaga siyang nagtungo sa eskuwelahan para makita si Nunzio sa gate. Wala pa halos tao roon, maliban sa security guard at sa ilang tauhan ng school.

"Hi," anito, tumayo.

Napangiti siya. Tinototoo nito ang pangako. Sa loob ng dalawang linggo ay nagkaroon ito ng kaunting laman. Halos hindi pansin ngunit nakikita niya iyon. "Tumupad ka sa promise mo sa akin."

Namula ang mukha nito. "Inaabangan talaga kita. Nahihiya ako na hindi ako nakapunta sa inyo. You know, when your father passed away. I heard about it only the other day, from my kuya who was told by a friend. We were in Prague," paliwanag nito.

"Nunzio, walang problema sa akin."

"I'm sorry."

Nagkibit siya ng balikat, naglakad na papasok ng campus. Kasabay niya ito. "Alam mo, Nunzio, hindi mabait ang tatay ko. Tatay ko pa rin siya, alam ko, pero... Basta. Marami siyang sama ng loob na ibinigay sa amin ng nanay ko."

Mukhang nabigla ito sa sinabi niya at napangiwi siya. Napasobra yata ang impormasyong nasabi niya rito. "Hindi lahat ng tatay sa mundo, tulad ng tatay mo."

Matagal bago ito tumango. "I understand. Just the same..." Inilabas nito mula sa bag ang isang sobre at inabot sa kanya. "I would like to give you this."

Takang kinuha niya iyon at binuksan. Napasinghap siya nang makitang pera ang laman noon. Agad niya iyong isinauli sa binatilyo. "Hindi, Nunzio. Sobra na ito."

"But... but..." Halatang nabigla ito. Bigla itong tumuwid ng tayo, matatag na nagsalita. "It's just normal."

"Anong normal?"

"Well, Mama said it's what people do."

"Hindi ka people, kaibigan kita at bata ka pa. Galing 'yan sa savings mo, sigurado ako. Hindi naman ako kilala ng parents mo para magbigay sila ng abuloy."

"But I'm your friend and I want to help."

"Malaki nang tulong sa akin na nakakausap kita."

"But—"

"Ganito na lang, sa halip na pera, sandwich na lang."

"I want to help more," giit nito.

Noon lang niya ito nakita ang ganoong bahagi ng pagkatao nito. Noon, naisip niyang mabilis itong makumbinse, mabilis mapaamo. Kapag pala determinado ito, talagang mapaggiit din, isang bagay na nakapagpangiti sa kanya. "Sige. Itong buong isang linggo, sandwich at chocolate milk."

Tila magsasalita pa ito nang bumuntong-hininga na lang. Ibinalik nito sa bag ang sobre. "I can never say no to you."

Napabungisngis siya. Pinag-usapan nila ang bakasyon nito. Nagkuwento naman ito at malinaw niyang nakita ang mga iyon sa isip niya. Nakakamangha na ang isang binatilyong ilang taong mas bata sa kanya ay nagawang mailarawan ang lahat ng nakita nito sa paraang nakikita rin niya iyon. Bigla, nais niyang mangarap maglakad sa cobblestone streets ng Prague, ang makadaan sa St. Charles Bridge at makita ang mga rebultong nasa magkabilang panig niyon.

Nunzio made it sound so wonderful, like something that one dreamt about. Tulad ng mga kuwento nito noon kapag tinatanong niya ito tungkol sa mga bansang narating na nito. Mahilig magtungo sa ibang bansa ang pamilya nito kapag bakasyon sa eskuwela ng magkakapatid. Sa huli ay sinabi nito, "Minsan mamamasyal tayo doon."

Napatawa na siya. "Bakit hindi?"

"Bakit ka natatawa? Ano ba ang kukunin mong course sa college?"

"Secretarial," awtomatikong tugon niya nang maalala niyang wala na nga pala ang kanyang ama na siyang may nais na iyon ang kursong kunin niya. Bigla siyang napangiti. "Ang totoo, ang tatay lang ang mapaggiit na Secretarial ang kursong kunin ko kasi meron daw siyang papasukan sa akin. Ang totoo, gusto niya iyong two years lang. Matuto lang daw akong magmakinilya, ayos na. Ang dami niyang hindi alam sa modernong panahon."

"But what do you really want to be? What do you want to do?"

Wala siyang ideya. Naunawaan niyang hindi niya napag-iisipan ang bagay na iyon. Naalala niya ang pangarap niya noong bata pa siya. "Nunzio, gusto kong lumipad na parang si Darna."

Ang bungisngis niya ay sinabayan ng pagtawa nito. Masaya sila sa pag-uusap hanggang sa kailangan na niyang magtungo sa pila ng flag ceremony. Laman ng isip niya ang tanong ng kaibigan. Sa loob ng nakaraang ilang taon, nailarawang-diwa niya ang sarili bilang sekretarya sa isang malaking kompanya. Kung minsan ay naiisip pa niya na marahil maaaring si Zach mismo ang maging boss niya.

Ngayon, naunawaan niyang hindi iisa ang pangarap nila ng kanyang ama. At ang lahat ng mga lugar na nabanggit sa kanya ni Nunzio ay nais niyang makita. Bakit ganoon, kapag si Nunzio ang naglalarawan sa mga iyon ay para bang makulay ang lahat. Kapag si Zach ang naglalarawan, parang matabang, palibhasa ay puro kotse ang laman ng kuwento nito.

Noon siya natigilan at naalalang nais niyang lumipad noon, at nais niya naman ngayon ang makarating sa mga lugar na iyon. Ang ganda ng ngiti niya nang tumingin siya sa pila nina Nunzio. Sa sandaling iyon ay napagdesisyunan niya—nais niyang maging piloto.

Dreams of Passion 3: Nunzio and Isabela (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon