MAY PAGMAMADALI ang mga hakbang ni Isabela habang kipkip sa kilikili ang makapal na kontrata. Kailangan niya iyong pirmahan, ang kontrata niya para makasakay at makapagtrabaho sa eroplano.
Hindi tulad ng una niyang pangarap ay hindi pagpipiloto ang pinasok niya, magiging isang flight attendant na siya. Maganda ang airline na tumanggap sa kanya na ang biyahe ay buong Asya. Ang suweldo ay malaki sa karaniwan. Higit sa lahat, mabilis siyang nakapasok sa trabaho kahit kakapagtapos pa lang niya ng pag-aaral. Ngayon ay kailangan niyang basahin ang kontrata, kahit pa atat na siyang pirmahan iyon.
Nang makarating sa silid na inuupahan ay naabutan niya roon ang kanyang ina. Dumalaw ito sa kanya mula sa probinsya. Hindi raw ito aalis hanggang kailangan niya ito. Sa kasalukuyan, ang ikalawang asawa nito ang siyang nagbabantay sa tindahan nila sa probinsiya. May dalawang taon na mula nang mag-asawang muli ang babae. Matino ang napang-asawa nito, malayo sa kanyang ama. Malaking tulong ang Tiyong Pancho niya sa pag-aaral niya. Mayroon itong sariling poultry at piggery sa probinsiya. Higit sa lahat, mahal na mahal nito ang kanyang ina.
"Kumusta ang lakad mo, anak? Tanggap na ba?" Puno ng pag-asa ang mukha nito.
Bigla siyang napatawa nang malakas, saka itinaas dito ang kontrata. "Kontrata ko, 'Nay!" Napaluha siya. Hiniling niya lang noon na sana ay agad siyang makapagtrabaho, ngunit hindi niya inasahan na makakapagtrabaho siya sa isang magandang airline.
"Sinasabi ko na noon pa na agad kang matatanggap! Kung ako lang, gusto ko sanang magpiloto ka."
"'Nay, mabuti nga po na hindi ako nag-enrol at talaga po palang hindi natin kakayanin kahit maibenta pa ang bahay sa probinsiya. Hindi po bale, pagdating ng panahon malay natin? Ang mahalaga po ngayon, pasok ako, 'Nay. Higit sa lahat, ang ganda ng benefits at pasuweldo. Nanay, hindi ako makapaniwala!"
"Aba'y bakit ka naman hindi makapaniwala, eh, ang galing-galing mo naman?"
Napatawa siyang muli, hindi na sinabi ritong bihirang-bihirang pagkakataon ang naibigay sa kanya. Naglakas-loob lang siyang mag-apply sa international carrier na iyon ngunit hindi niya inasahang matatanggap siya.
Kumain sila sa labas na mag-ina. Kinabukasan ay umuwi na rin ito, habang siya naman ay ibinalik na ang pirmadong kontrata sa kompanya. Ang una niyang flight ay pa-China. Dalawang linggo ay maaayos na ang lahat ng mga papel niya at makakasakay na siya. Agad niyang tinawagan si Ashley, para lang manlumo na wala pala ito sa bansa. Ang totoo, si Ashley na lang ang maituturing niyang kaibigan mula sa mga dati niyang kaklase. Ang iba ay nagbago na ang mundo, palibhasa ay naiba na ang eskuwelahan ng mga ito. Sa pinasukan niyang eskuwelahan ay wala naman siyang maituturing na ka-close.
And Zach? Napabuntong-hininga siya. Tatlong taon na itong nasa Amerika at doon na pinag-aral ng magulang. Nagkabalikan sila noong graduation ng high school ngunit nagkahiwalay din hanggang sa mabalitaan na lang niyang ipinadala na ito sa Amerika. Madalas, naiisip pa rin niya ito. Magkaminsan, may mga dumarating na card at regalo sa tinutuluyan niyang boarding house, lahat ay galing dito. Ngunit hanggang doon na lang siguro silang talaga.
Napangiti siya nang maalala si Nunzio. Ito ang tinawagan niya. Matagal na rin sila nitong hindi nagkikita, may isang taon na rin marahil. Huli niyang nakita ang lalaki noong dalawin siya nito sa eskuwelahan niya. Nasabik siya nang sabihin ng kawaksing nakasagot na nasa bahay daw ang lalaki at mayamaya pa ay isang baritonong tinig ang nag-hello sa telepono.
"Nunzio? Ikaw ba talaga 'yan?" aniya, napapangiti.
"Isabela?" May pagkabigla sa tinig nito. "Is that you?"
"Ako nga!" Bigla siyang napatawa. Ang kaibigan niya, lalaking-lalaki na ang tinig! God, how old was he now? Sixteen? Seventeen? He sounded like a man. Huli niya itong nakita ay matangkad na rin ito bagaman payat na payat pa rin. "How have you been?"
BINABASA MO ANG
Dreams of Passion 3: Nunzio and Isabela (COMPLETED)
RomanceCollab with Mandie Lee. Isang kaibigan ang turing ni Isabela kay Nunzio bata pa man sila. Ang lalaki tinaguriang "buntot" niya ng mga kaibigan niya dahil ito ang batang sunod nang sunod saanman siya magtungo. He became her best friend. Through the y...