Chapter 9

11.5K 383 7
                                    

Kahit anong pigil ni Isabela sa hagikgik niya ay lumalabas at lumalabas pa rin iyon. High siya sa pinaghalong kaba at tuwa. Kabado siyang makita si Zach na kasama ang nobya nito, tuwang-tuwa naman na sa halip na isa lang ang kanyang escort ay naging dalawa pa at parehong cute—si Nunzio at si Manong Driver.

Agad nagpaliwanag si Nunzio nang mapatingin siya sa driver nitong naka-tuxedo. Ayon dito, sadyang ayaw pumayag ng ina nitong hindi kasama sa loob ng bulwagan ang driver na siyang chaperone nito kasi raw kaninang umaga ay sumumpong ang hika ni Nunzio, nag-aalala nang labis ang ina nito. Sa halip na mainis ay ikinasiya niya iyon dahil parang napakasosyal nila ni Nunzio.

Bagaman mas matangkad siya sa binatilyo ay ang cute-cute pala nitong maging escort. Suot nito ay tuxedo. Nang marating nila ang bulwagan ay nakapagitna ito at ang driver nito sa kanya—na naka-barong. Pinagtitinginan sila ng lahat ng madaanan nila at sinalubong na sila mayamaya pa ni Ashley na anong tawa sa labis na pagkaaliw.

"You guys are so cute!" bulalas nito.

And they truly were. Walang duda iyon. Humiwalay sa kanila ang driver makaraan ang ilang saglit at nagtuloy sila ni Nunzio sa buffet table. Napansin niyang nagkaroon ng tunog ang paghinga nito at agad siyang nag-alala.

"Nunzio?"

"It's the smoke from the bubble machine," agad nitong paliwanag. Napansin niyang namamasa na ang mga mata nito. "Don't mind me, I'm all right."

Tumango siya bagaman inobserbahan ito. Mayamaya, tila nag-aalangang niyaya siya nitong sumayaw at nakangiting nagpaunlak siya. Mabagal ang tugtugin at dahil mahihirapan sila kung mala-waltz ang kanilang posisyon ay ipinatong na lang niya ang mga braso sa balikat nito, habang mga kamay nito ay nasa baywang niya.

Nabigla rin siyang mapansin na marunong ang binatilyo na sumayaw, bagaman pang-waltz ang hakbang ng mga paa nito, parang pormal masyado. Halata ring naiilang ito at hindi makatingin sa kanya.

Unforgettable, that's what you are...

Napangiti siya sa tugtugin. Ngunit hindi pa man sila nanaksampung hakbang ng saway ay inihit na ito ng ubo. Agad siyang nag-alala, inilayo ito sa dance floor na ngayon ay makapal na sa usok mula sa bubble machine.

"Okay ka lang?"

"Yes. Let's dance some more."

Natawa siya. Tutudyuhin sana niya ito nang mapalingon siya sa isang panig ng bulwagan at makita si Zach. At tulad ng hinala niya, kasama nito ang nobya.

Bago siya dumating sa prom ay inakala niyang mahaharap niya ang lalaki nang nakataas ang noo, nagkamali pala siya. Parang mayroong tumarak sa puso niya at hindi niya magawang makapagsalita.

"Are you all right?" tanong ni Nunzio.

"I... I actually am not."

Sinundan nito ang tinitingnan niya kanina at natural na nakita nito si Zach. "Why do you like him so much? He's a jerk."

Noon lamang nagpahayag ng ganoong opinyon ang binatilyo. At kung noon ay parating awtomatiko ang kanyang tugon dito, sa pagkakataong iyon ay parang nahiya siyang sabihin na nakalaan si Zach para sa kanya. Bigla, parang napakaignoranteng komento ang dating niyon sa kanya.

Noon ito muling inihit ng ubo at agad nakalapit sa kanila ang driver na nagyayang lumabas sila sa mausok na bulwagan. Nagyaya nang umuwi ang driver at agad siyang tumango ngunit tumanggi si Nunzio. Matigas ang naging pag-iling nito. "No. Kasisimula pa lang ng prom. I don't want to ruin your night, Isabela. We didn't even finish the song! We have to dance some more."

"So magsasayaw tayo hanggang hindi ka na makahinga?" taas-kilay na tanong niya.

"Matagal na akong hindi sinusumpong ng asthma, lilipas din ito. I can handle this, trust me."

Dreams of Passion 3: Nunzio and Isabela (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon