MARIING ikinuyom ni Isabela ang kamay upang pigilan ang panginginig niyon, saka niya binuhay ang makina ng sasakyan at tinapakan ang selinyador. Nagrebolusyon ang gulong at lumikha ng higanteng ulap ng alikabok. Wala siyang pakialam. Pinaarangkada niya iyon palayo.
Ang tulin ng takbo niya kahit hindi sementado ang daan palabas ng Villa Carigo at bahagya ring umulan kanina kaya maputik doon. Alog siya nang alog sa loob ng pick up niya at nang makarating sa main road ay saka niya napansin ang singsing na isinuot ni Zach sa daliri niya. Hindi rin nakaligtas sa kanya ang bahid ng dugo sa nakausling bato niyon. Para sa "second engagement" daw nila ang singsing, ayon dito.
Biglang tumulo ang mga luha niya sa labis na galit. Habang papunta sa Villa Carigo kanina ay patindi nang patindi ang pagnanais niyang salubungin ng sampal ang lalaki na hindi niya nagawa nang makita na niya ito. Mukhang ginutom ng isang buong buwan ang lalaki sa labis na kapayatan nito na labis siyang nagulat. Bigla rin, sa sentido nito ay mayroon nang mga puting buhok na ilang linggo pa lang ang nakalilipas ay wala roon. Para itong may sakit na hindi niya maunawaan. Sa kabila ng galit niya, sino ba namang matinong tao ang mananakit ng isang taong may sakit?
She just stood there looking at him, shocked. Ngumiti ito sa kanya at sinalubong siya na parang walang nangyari. Isinuot nito ang singsing sa kanya at sinabing iyon ang kanilang ikalawang engagement.
"What happened to you?" ang tanong niya.
"Tumaba pa nga ako ng kaunti. Stress, actually. Hindi agad ako tinanggap nina Mommy noong bumalik ako kahit sinabi kong wala na tayong relasyon. And then the accident happened. But everything's going to be okay now, Isa. We'll make it this time."
Doon biglang nagpanting ang tainga niya. So na-stress pala ito na hindi ito tinanggap ng magulang nito at parang kinukutsaba pa siya nito ngayong wala na ang mga iyon sa mundo. Malinaw niyang nakita kung anong klaseng lalaki si Zach. He was a weakling, whose ego was bigger than him. She saw red and attacked.
Walang sali-salita, basta inatake niya ito—sampal, suntok, bayo, sa mukha, dibdib, at lahat ng mahagip ng kamay niya. Tumigil lang siya nang makita ang dugo sa pisngi nito. Noon siya umalis, taas-baba pa rin ang dibdib. Hindi pa rin niya nasabi kung ano ang nais niya, ngunit sa palagay niya ay higit pa sa malinaw ang mensahe.
Hinubad niya ang singsing at ibinulsa. Pulang-pula rin ang mga kamao niya, may galos din. Sa kalahating oras na biyahe ay tumutulo ang mga luha niya ngunit pagdating niya sa farm ay unti-unti na iyong nawala nang tumimo sa isip niya ang isang katotohanan—malaya siya, may minamahal, at hindi na niya papayagan ang galit niyang sirain ang kagandahan ng kanyang bagong mundo.
Nang nasa silid siya ay saka niya nakita ang missed calls ni Nunzio sa cellphone niya. Agad niya itong tinawagan. "Hello? You 've been calling me? Sorry, naka-silent ang phone ko kanina."
"Are you okay?"
"Yes. Why?"
"Nothing, just checking up on you. Anong ginawa mo kanina?"
"W-wala, nandito lang ako sa bahay." How she hated herself for lying to him. Gusto niyang bawiin ang sinabi ngunit hindi tamang sa phone siya magkuwento kaya sinabi niya, "Actually, gusto kitang makita. Nasaan ka ba ngayon?"
"In the office. Are you sure you're okay though? You sound funny."
"Pagod lang. Kailan ka ba magpapakita rito?"
"In three days."
Nagpaalam na rin ito mayamaya. Humiga siya sa kama at inisip ang mga nangyari kanina. Ipapasauli na lang niya ang singsing na ibinigay ni Zach. Ayaw na niyang makita ang lalaking iyon. Siguro ay mahihiya na rin ito matapos ang ginawa niya. Dapat lang. Dahil kung ito ang magiging hadlang sa kanila ni Nunzio, hindi siya mangingiming ulitin ang ginawa niya kanina.
BINABASA MO ANG
Dreams of Passion 3: Nunzio and Isabela (COMPLETED)
Roman d'amourCollab with Mandie Lee. Isang kaibigan ang turing ni Isabela kay Nunzio bata pa man sila. Ang lalaki tinaguriang "buntot" niya ng mga kaibigan niya dahil ito ang batang sunod nang sunod saanman siya magtungo. He became her best friend. Through the y...